Lunes, Agosto 4, 2008

Gawing Bilog ang Tatsulok

GAWING BILOG ANG TATSULOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

1
Kung itutulad itong bayan sa tatsulok
Elitista’t mayayaman ang nasa tuktok
Makikitang ito’y isang sistemang bulok
Pagkat dalita’y sa ilalim nakalugmok.
2
Ang tatsulok ay dapat nating baligtarin
Ito’y panawagan ng marami sa atin
Ako’y umaayon pagkat pangarap ko rin
Na mabago na itong kalagayan natin.
3
Halina’t ating baligtarin ang tatsulok
Upang uri’y mawala sa lipunang bulok
Nang mawala rin ang mga pinunong bugok
Na sa bayan natin ay nakapagpalugmok.
4
Tatsulok itong ginawang paglalarawan
Nitong uri ng tao sa ating lipunan
Lalo’t sa malaking agwat ng kalagayan
Ng mga mahihirap at ng mayayaman.
5
Balisunsong ang binaligtad na tatsulok
Na anyo’y imbudo o konong nasa sulok
Ang tatsulok ba’y dapat gawing balisunsong
O ito ba’y mas dapat gawin nating bilog?
6
Subukan ngang tatsulok ay baligtarin mo
At pabayaan kung makakatayo ito
Tiyak na babagsak ang isang gilid nito
At ang hahalili’y tatsulok namang bago.
7
Nais natin na ang pribadong pag-aari
Ng kagamitan sa produksyon ay mapawi
Pagkaapi’t kahirapa’y ito ang sanhi
At lumikha nitong lipunang makauri.
8
Ang tatsulok ay dapat nating gawing bilog
Upang makauring lipunan ay malasog
At itong pribadong pag-aari’y madurog
At pantay na sistema ang ating mahubog.
9
Sa sistemang bilog, wala nang mga uri
Wala na ring kapitalistang maghahari
Wala na ring elitistang mang-aaglahi
Pagkat pantay-pantay na ang lahat ng lahi.
10
Gawing bilog ang tatsulok na kalagayan
Nang wala nang naghihirap sa ating bayan
Itong sistema’y baguhin nating tuluyan
At itayo na ang panibagong lipunan.
11
Itatag natin ang isang bagong sistema
Isang lipunang walang pagsasamantala
Isang sistemang mapagkalinga sa kapwa
At lipunang makatao para sa masa.
12
Dito’y igagalang lahat ng karapatan
Ng bawat sektor sa bago nating lipunan.
Dito’y iisipin ang bawat kapakanan
At pagkakapantay-pantay ng kalagayan.
13
Magbabago rin ang takbo ng kasaysayan
Pagkat pribadong pag-aari’y wawakasan
Kaya pagkagahama’y wala nang batayan
Pag-ibig ang iiral sa sangkatauhan.
14
Mga kaugalian din ay magbabago
Sa maitatatag na bagong sosyalismo
Pagpapakatao’t makipagkapwa-tao
Ang siyang gawi ng bawat isa sa mundo.

Sampaloc, Maynila
Agosto 4, 2008

Walang komento: