SA BAWAT DIGMAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig
Pinupulbos ng digmaang ito
Ang ating buhay at pagkatao
Na parang nagngingitngit na bagyo
At sibilyan ang dinidelubyo.
Ang digmaa’y simbigat ng bundok
Na di lahat ay kayang lumunok
Marami na ang dito’y nalugmok
Tila dumapo’y sanlibong dagok.
Ang bawat digmaan ay kay-alat
Para kang nilulunod sa dagat
Tila ka rin isdang ginagayat
Buhay natin ay puno ng sugat.
Dagat ng dugo ang sinisisid
Nitong digmaang sadyang balakid
Sa ating kapwa magkakapatid.
Digmaa’y paano mapapatid?
Bawat panig ay magtalakayan
At tiyaking magtigil-putukan
Na ang kanilang pag-uusapan
Ay usaping pangkapayapaan.
Pigilan ang anumang pagsiil
Nang mawala ang mga hilahil
Ang digmaan ay dapat matigil
Upang tagas ng dugo’y mapigil.
- Calapan, Oriental Mindoro
Nobyembre 23, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento