Sabado, Agosto 1, 2009

Gamitin Mo'y Wika ng Masa

GAMITIN MO'Y WIKA NG MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung organisador ka't nagpunta ng Sebu
aba'y pag-aralan ang wikang Sebuwano
salitain mo ang kanilang diyalekto
lalo na kung kampanyador ka't hindi loko

kung napunta ka naman sa lupang Iloko
pag-aralan mo rin ang wikang Ilokano
di dapat mangibabaw ang wika ng dayo
kundi gamitin ang sariling wika dito

kung nasa Pampanga ka'y iyong pag-aralan
ang kultura doon at wikang Kapampangan
kung ikaw naman ay napadpad sa Bulacan
wika doon ang gamitin sa talakayan

bawat organisador, mapadpad saan man
ang una nilang dapat sunding patakaran
ay ang pag-aralan kaagad ng mataman
ang diyalekto doon, pati kalinangan

ang wika ng masa ang gamitin sa masa
ito'y batas ng magaling mag-organisa
gamitin mo ang sariling salita nila
upang maging epektibo pati kampanya

kaya dapat nating pag-aralang maigi
ang wika natin at diyalektong sarili
gamitin natin ito sa ating katabi
sa kausap, kasama't pinipintakasi

kung kampanyador ka't naririto sa bansa
o organisador kang pagbabago'y pita
aba'y wika ng masa'y dapat winiwika
at huwag kang umastang isa kang banyaga

ang asong ngumingiyaw ay huwag gayahin
na sa masa'y ibang wika ang gagamitin
dahil mukha ka lang palalo't palamunin
wala kang silbi sa masa't di ka diringgin

Walang komento: