WIKA'Y MABISANG SUSI SA EDUKASYONG PANGKALIKASAN
(alay sa buwan ng Agosto, ang Buwan ng Wika)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
dumaan si Ondoy, Pedring, Gener, at Habagat
sa maraming lungsod ay kalamidad sa lahat
paano ba tayo magtutulungan nang sapat
edukasyong pangkalikasan na'y nararapat
ating suriin, nagbabago na ang panahon
kaiba na ito sa magdamag at maghapon
paano unawain ang agham nito ngayon
kailangan ng madla'y magandang eksplanasyon
upang ang mga ito'y madaling unawain
katagang Ingles sa Filipino na'y isalin
wikang sarili sa madla'y mabisa't diringgin
bago pa mahuli ang lahat, ito na'y gawin
pag-aangkop sa kalagayan ang adaptasyon
pagbabawas naman ng usok ang mitigasyon
sa wika natin, kayraming isasalin ngayon
sa elementarya'y ipaliwanag na iyon
sala sa lamig at init, klima'y papalala
ang masa't dukha'y dapat na itong maunawa
edukasyong pangkalikasan, wika'y mabisa
lalo't wikang sariling sa masa'y di banyaga
* Ang tulang ito'y bilang pagpapaunlak sa hiling ng isang Xena Rose Vitero, na nagmensahe sa inyong lingkod. Ayon sa kanya, "pwede po bang pagawa ng isang tula "WIKA'Y MABISANG SUSI, SA EDUKASYONG PANGKALIKASAN" tema po iyan .. atleast 5 stanza po,, please po,, kailangan ko na po bukas ,, tnx :)) aassahan ko po na gagawa niyo po ako..tnx po :). Ang mensahe'y ipinadala ngayong Agosto 26, 2012, at lumitaw sa isa ko pang tulang pinamagatang "Tula sa Pangkalikasang Edukasyon" na nalathala noong Oktubre 17, 2008. Marahil nahanap nya ito sa google. Para sa kanya lang ang tulang ito kaya huwag sanang kopyahin ng iba, dahil baka parehong titser ang mapagbigyan nito, hehe.
1 komento:
good day po,, pwede po bang pakiprivate po ang gnwa niyo pong tula para sakin,, kasi po baka po may makaparehas po kami sa presentation po namin..please po.. tnx po :))
Mag-post ng isang Komento