Linggo, Setyembre 20, 2026

Bilin sa sarili

BILIN SA SARILI
‎walang tutulong sa akin kundi ako lang
‎kaya pinag-iingatan ko ang katawan,
‎kaisipan, at maayos na kalusugan 
‎nakaambang aksidente'y agad iwasan
‎magastos ang sa ospital ka magbakasyon
‎naku! saan kukuha ng panggastos doon?
‎kumain ng gulay, karne'y iwasan ngayon
‎tiyaking protina, katawan mo'y mayroon
‎kung may kaibigan mang tumulong, salamat
‎ngunit tulong nilang salapi'y di sasapat
‎sa pamilya nila iyon, sa anak dapat
‎kaya ako'y patuloy lang na mag-iingat
‎kamag-anak ay tiyak namang tutulong din
‎subalit di sasapat ang tulong sa akin
‎tiyak na pamilya nila ang uunahin
‎kaya patuloy lang akong mag-ingat pa rin
‎dapat lang tulungan ko ang aking sarili
‎mga gawain ko'y dapat pinagbubuti
‎buhay ay gawing masaya, kawili-wili
‎bagamat biyudo nang lumbay ang sakbibi
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.20.2026

Walang komento: