Huwebes, Oktubre 29, 2009

Oda sa isang matandang dalaga

ODA SA ISANG MATANDANG DALAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Marahil kaysarap magmahal ng matandang dalaga
Kaysa isang mataray at magandang donselya
Dahil masarap daw umibig yaong luma na
Kaysa sa larangan ng pag-ibig ay bago pa

Ngunit bakit umabot ang matandang dalaga
Sa edad niyang yaon, dahil ba pangit siya
O maganda siya ngunit napakasuplada
O kaya nama’y sobra ang pagkabungangera

May kakilala nga akong matandang dalaga
Lagpas na sa kalendaryo ngunit di kwarenta
Di naman kami magkalayo ng edad niya
At kahit noon pa man, minahal ko na siya

Matanda mang dalaga, siya pa ri’y maganda
At sa wari ko’y nababagay kaming dalawa
Ngunit paano pasasagutin itong sinta
Kung ako’y isa lang dukha’t laging walang pera

Ngunit tiyak sumasagi sa isipan niya
Na sana sa kanya’y may nagmamahal ding iba
Kaya ako’y narito pa’t di nag-aasawa
Bakasakaling mapagtagumpayan ko siya

Ngunit sadyang kayraming naiinis sa kanya
Dahil siya raw ay may ugaling bungangera
Baka kaya ganoon, naiinis na siya
Sa buhay niyang wala sa kanyang sumisinta

Ngunit sa pandinig ko tinig niya’y musika
Tila anghel ang sa paligid ko’y kumakanta
Hinahanap-hanap kong lagi ang boses niya
Na kaysarap pakinggan at nakakahalina

Sa bawat araw nga, makita ko lamang siya
Ay talaga namang ang puso ko’y maligaya
Paano pa kaya pag siya na’y nakasama
Aba’y habambuhay akong magiging masaya

Wala akong pakialam, di pinoproblema
Kung siyang mahal ko’y donselya pa o gamit na
Ang mahalaga siya’y aking makakasama
Pagkat para sa akin siya’y isang diyosa

Laging nasa panaginip ang larawan niya
Diwa ko’y dinadalaw ng matandang dalaga
Tila nangangarap ako kahit mag-umaga
At nasa paraiso pag siya’y naalala

Tibok agad ang puso ko pag siya’y nakita
At nauumid ako pag kaharap na siya
Napapatunganga na lamang sa kanyang ganda
Marahil dahil lagi ko siyang sinasamba

Ako’y nagtitino pagkat inspirasyon siya
Ganado ako pag siya’y laging nakikita
Pagsisikap ko’y tanda ng pag-ibig sa kanya
Matamis niyang OO’y pangarap kong talaga

Marami ngang tula ko’y alay kay Miss Maganda
O, kayganda niya kahit matandang dalaga
Ang pag-ibig nga ay paglaya, o aking sinta
Kupkupin mo na itong puso kong nagdurusa

Damdamin ko’y sa iyo na, matandang dalaga
Dito sa diwa ko’t puso’y inukit na kita
Iniluluhog kong pag-ibig, tanggapin mo na
Dahil baka ako’y mamatay pag nawala ka

Walang komento: