Miyerkules, Oktubre 28, 2009

Si Pia Montalban


SI PIA MONTALBAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa Kamayan sa Edsa kami unang nagkita
hinanap niya ako dahil kay Che Guevara
pagkat isinalin ko ang kay Cheng mga obra
sa wikang Filipino't isinaaklat ko pa

at sa grupo sa email ay aking inanunsyo
nabasa ni Pia na aking isinalibro
doon nagsimula ang pagkakilalang ito
matabil, matalino, marami siyang kwento

hanggang samahan siya sa ilang lakad niya
kaysarap makasama ng magandang si Pia
di mo pagsasawaang pagmasdan sa tuwina
siya'y bunso sa tatlo, isang dalagang ina

alagad ng simbahan kaya pala kaybait
para ba siyang anghel na hulog nitong langit
magaling na makata, bawat tula'y malagkit
tila hinihila ka upang basahing pilit

sa rali sa Makati si Pia'y naisama
doon na nagsimula ang bagong buhay niya
hanggang sa kalaunan ay naging aktibista
at sa maraming rali'y nakasama ko siya

ngunit sa katagalan, nagkahiwalay kami
ng landas at sa iba na siya nabighani
nagsilang siyang muli nang malusog na beybi
may utol na si Jahred, bunso nila'y babae

nang malaon si Pia'y naging lingkod ng masa
doon sa kanayunan, kasama'y magsasaka
ako'y sa kalunsuran, manggagawa'y kasama
magkaiba ng landas, parehong aktibista

nababasa ko pa rin ang kanyang mga tula
sana'y nababasa pa niya ang aking katha
naisaaklat niya ang nakatagong diwa
di ko malilimutan ang magandang makata

* Kaarawan ni Pia, Oktubre 28, 2009

Walang komento: