Huwebes, Abril 3, 2008

Kailangan Nati'y Paskong Mapagpalaya

KAILANGAN NATI'Y PASKONG MAPAGPALAYA
ni Greg Bituin Jr.

Kung totoong ang Pasko ay pagmamahalan
Bakit ang diwa nito'y para lang sa mayayaman
Hanggang ngayon ay laganap pa rin ang kahirapan
May Pasko nga ba para sa mga nahihirapan?

Mayayama'y nagpapalitan ng mamahaling mga regalo
Noche Buena nila'y hamon at masasarap na luto
Mga mahihirap nama'y salat, walang anumang luho
Walang mamahaling regalo at Pasko nila'y tuyo.

Ibang iba nga angPasko ng mga mahihirap
Sila na sa lipunan, sa iba'y di katanggap-tanggap
Niloloko pa nga sila nitong mga mapagpanggap
Pag malapit na ang eleksyon saka lang sila nililingap.

Ah, taun-taon na lang ay ipinagdiriwang
Itong kapaskuhang sadyang para lang sa mayayaman
Taun-taon laganap pa rin ang kahirapan
Ano nga ba ang diwa nitong kapaskuhan?

Ang Pasko'y hindi lang para sa mayayaman
Kundi ito'y para rin sa mga nahihirapan
Kung ang diwa ng Pasko ay totoong pagmamahalan
Tayo'y magrebolusyon, wasakin ang sistemang gahaman.

Ah, simulan nang baguhin ang mandarayang Pasko
Dahil pagkakapantay-pantay ang totoong layunin nito
Mahirap man o mayaman, magkakapatid tayo
Bulok na sistema'y baguhin na, alang-alang sa Pasko.

Kung atin nang maibabagsak ang mga kapitalista
Dahil nagkaisa na ang buong uring manggagawa
At tuluyang mawawasak ang mapang-aping sistema
Ito ang totoong Pasko, ang Paskong mapagpalaya.

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2001, p. 8.

Walang komento: