SONETO SA BIGAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Bigas ay pagkain nating pangunahin
Ngunit presyo nito ngayon ay sumirit
Daming tila di na kakain ng kanin
Presyo’y di na abot nitong maliliit.
Itong bigas nga ba sa merkado’y kulang
Gayong bansa natin ay agrikultural?
O dahil maraming mga mapanlamang
Tinago ang bigas nang ito’y magmahal?
Kapos sa panggastos, mata'y nanlalabo
Mababa ang sweldo ng mga obrero
Sabi ng negosyo, “Mahalaga’y tubo
Kung mahal ang bigas, ay, magutom kayo!”
Kung pagtaas nito’y gawang balasubas
Huwag tumunganga’t halinang mag-aklas!
Sampaloc, Maynila
Abril 3, 2008
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento