DOON PO SA AMIN
ni Greg Bituin Jr.
Doon po sa aming
Bayan ng Mapeke
Mga tao dine
Ay parang pulubi
Laganap ang hirap
Dusa’y nalalasap
Kaya aming hanap
Ay ginhawa’t lingap
Wala ditong tubig
Wala ring kuryente
Wala ring pagkain
Itong anak namin
Doon po sa aming
Bayan ng Mapeke
Palaka’t bubuli
Aming hinuhuli
Upang maibsan lang
Ang gutom na ramdam
Kaya aming sigaw
Tayo’y makialam.
Hindi na naumid
Kami na’y magmasid
At sa’ming paligid
Nakita ay ganid.
Mayaman ang bayan
Sa lupa’t taniman
Ngunit ari lamang
Ng ilang kawatan.
Pinag-aagawan
Upang pagtubuan
Sadyang sa’ming bayan
Maraming gahaman.
Mangingibang-bayan
Papasyal kung saan
Pera’y galing naman
Kurakot sa kaban.
Lider tanungin mo
Kung bakit ganito
Isasagot sa’yo
“Bahala na kayo!”
Kapitan ay bulag
Konsehal ay bingi
Ang tanod ay pilay
Ang meyor ay pipi.
Suhula’y marami
Gobernador hingi
At ang mas matindi
Pangulo ay peke.
Doon po sa aming
Bayan ng Mapeke
Dapat nang baguhin
Ang sistema dine
Kaya sigaw namin
Bulok ay tanggalin
Si Gloria’y sipain
Lipuna’y baguhin.
KPML ofc., Enero 11, 2008
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento