Miyerkules, Abril 2, 2008

Kasaysayan ng Isang Duguang Plakard

KASAYSAYAN NG ISANG DUGUANG PLAKARD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

i.
nadadamitan ka
ng pinturang pula
at naglilitanya
nitong adhikain
pati na layunin
ng may simulain
na nananawagan
sa mga gahamang
linta ng lipunan:
“dapat baguhin na
mga polisiyang
pahirap sa masa!”

ii.
habang nagmamartsa
patungong Mendiola
ay nabitawan ka
nang magkabiglaan
maraming nasaktan
ikaw’y naapakan
saksi ka sa pagdugo
ng kanilang katawan
saksi ka sa pagputok
ng mukha nila’t likod
pati na pagkalamog
ng kanilang kalamnan

iii.
pagkalipas naman
ng madugong hapon
napasama ka na
sa ibang basura
saka sinindihan
ng mga nagwalis
naging abo ka man
ay nakapag-ambag
ng makatarungan
at di malimutang
mensahe sa bayan
pati sa gahaman

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 1, Taon 2003, p.8.

Walang komento: