ANG NAWALANG KAPATID NG SAKRISTAN, KWENTO NI FR. JOEL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
tumuloy kami nang pansamantala sa simbahan
upang kami'y bumiyaheng muli kinabukasan
at sa kura paroko kami'y nakipagkwentuhan
ako'y naantig sa kinwento niyang karanasan
hinggil sa matagal na niyang nagsilbing sakristan
kasagsagan noon ng pagdaluyong ni Yolanda
kaybilis at biglang taas ng tubig sa kanila
nasa ikalawang palapag ng simbahan sila
tinutulungan ang maraming taong makasampa
upang makaligtas sa biglaang pananalasa
nakita ng sakristan ang mahal niyang kapatid
inabot niya ng kamay nang di ito mabulid
ngunit ibang kamay ang nasampa't siya'y naumid
nasaan na, nawawala na ang kanyang kapatid
kaylakas ng bagyo, napigilan siyang sumisid
ilang araw bago kapatid niya'y natagpuan
wala nang yaong buhay, nasa malayong putikan
dahil sa nangyari, tuluyang siyang nagpaalam
sa matagal-tagal ding pinagsilbihang simbahan
ang nangyari'y anong sakit na di malilimutan
* Si Fr. Joel ang kura paroko sa St. Vincent Ferrer Parish sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte, na nakadaupang palad namin noong Disyembre 3, 2013 bilang bahagi ng People's Caravan upang maghatid ng tulong sa mga sinalanta ng matinding bagyong Yolanda
* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 3, 2013 sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte, na nakaranas ng daluyong ni Yolanda
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento