ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
marami silang paltos na inaalala
dahil mahaba pa ang lakad, mahaba pa
mas kayhirap kung sa loob na nasugatan
maghilom man, nananatiling balantukan
sa paa'y paltos, damang-dama yaong sakit
ngunit kailangan itong ilakad ng pilit
ngunit ang kaloobang naroon ang sugat
nananatling masakit di man ilakad
paltos ay balewala pag nasasaisip
matindi pa ang mga paltos ng nasagip
doon sa unos, paltos na tunay ngang lumbay
balantukan sa damdaming di mahingalay
naghilom sa labas, balantukan sa loob
naroon, sa puso't diwa'y nakakubakob
- matapos mananghalian sa St, Martha Room sa loob ng simbahan ng Sariaya, Quezon, Oktubre 7, 2014
* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento