Martes, Setyembre 18, 2012

Pagdatal sa YCOWA at sa kanilang Bahay-Tuluyan

PAGDATAL SA YCOWA AT SA KANILANG BAHAY-TULUYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa tanggapan ng mga migranteng manggagawa
ako'y pansamantalang tutuloy at titira
hinatid ako roong puso'y nangungulila
ngunit ang diwa'y buhay, patuloy sa pagbaka

lumuluha ang Burma ang aking pakiramdam
pati ang mamamayang panay na dusa't hirap
kailan kaya ito tuluyang mapaparam
kung sila nga marahil patuloy na mangarap

ng paglaya ng bayan mula sa pagkaapi
at pagsasamantala ng diktaduryang tigre
dapat silang lumaban kasama ng marami
ngayon ako'y narito't ang kasama'y migrante

nakausap ko yaong pinuno ng tanggapan
naramdaman ko yaong kay-init ng pagtanggap
at ilang kuro-kuro, kami'y nagtalakayan
pati ibang kasama'y akin ding nakausap

sa bahay-tuluyang kayrami ng manggagawa
ay aming pinuntahan, nakausap ang iba
naroon pala muna ang mga kinawawa
doon ay nananahan silang pansamantala

kapitalista nila'y kanilang kinasuhan
dahil sa kalagayang mababang sweldo't hirap
ako'y napapaisip pagbalik sa tanggapan
kayraming suliranin, dusa ang nalalasap

- sa tanggapan ng Yaung Chi Oo Workers Association (YCOWA; ayon sa kanila, ang Yaung Chi Oo ay salitang Burmes sa New Dawn, o Bagong Bukangliwayway; tinatawag nilang safe house ang bahay-tuluyan; Setyembre 17, 2012

Walang komento: