Martes, Mayo 17, 2016

Para lang akong piping bungo sa kawalan

PARA LANG AKONG PIPING BUNGO SA KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

para lang akong piping bungo sa kawalan
animo'y anino lang sa nililigawan
kaharap na'y wala pang lumabas sa bibig
tila sa lalamunan ko'y may nakabikig
paano kung ang makata'y walang masabi
sapat ba ang mga tula't mayroong silbi
makata'y di dapat mapanisan ng laway
o ang minumutya'y tuluyan nang mawalay
nais kong tumagay, magpakalangu-lango
bakit makata'y ganito't walang mahango
isinilang ba upang mabuhay sa lungkot
kaya sa nililiyag ay laging bantulot
ang makata'y palaboy sa mundo ng salat
balantukan man sa pag-asa'y di maawat

Walang komento: