ANG TULAY SA KINABUKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
guro ang ating tulay mula kabataan
tungo sa inaasam na kinabukasan
tatahakin anumang bako ng lansangan
lalampasan ang yugto-yugtong nakaraan
upang akayin tayo tulay ma’y kaytarik
upang maalpasan ang balakid na hitik
upang di lumubog sa rumagasang putik
upang maharap ang alimpuyo ng lintik
tulay ang guro sa dagat ng suliranin
upang kalutasan sa mga gulo'y kamtin
upang sa hinaharap di tayo gutumin
upang lalim ng laot ay masisid natin
sa kinabukasan guro ang ating tulay
habang tayo’y lumalaki sila’y kalakbay
sa maraming pagkakataon ay karamay
makipot man ang tulay nating binabaybay
1 komento:
gaano man kakipot ang tulay nating binabagtas,
asahan natin Ang Diyos nariyan siya't lagi tayong ililigtas.
Huwag tayong bumitiw, kapit lang at ating buwagin
anumang uri ng kamangmangan, itong tulay na ating dinaraanan
ay EDUKASYONG sa dulo ay may angking liwanag,
liwanag ng Diyos...
SIYA ang may ganap.
Mag-post ng isang Komento