KAILANGAN NG KLIMA NG PAGBABAGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod
nagbago na ang klima
kayrami nang disgrasya
kaytindi ni Yolanda
nanalasa si Glenda
nakawawa ang masa
ulan ay labis-labis
mga bagyo'y kaybangis
ito ba'y matitiis
kayraming tumatangis
lalo ang anakpawis
mga bata't matanda
ay apektadong sadya
mukha'y natutulala
ang puso'y di payapa
meron bang magagawa?
may magagawa tayo
sa klimang nagbabago
kung sa puso ng tao
klima ng pagbabago
ay gagawing totoo
sarili'y pagnilayan
aralin ang lipunan
at ang kapaligiran
hanggang ating malaman
ang tamang kasagutan
- Parokya ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario, Lopez, Quezon, Oktubre 11, 2014
* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento