Lunes, Mayo 19, 2008

Hindi Nililimot ang mga Nabulid sa Dilim ng Gabi

HINDI NILILIMOT
ANG MGA NABULID
SA DILIM NG GABI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(nalathala sa librong “Ningas-Bao” ni GBJ, p.64, at inilimbag ng Aklatang Obrero Publishing Collective)

(animan ang pantig
sa bawat taludtod)

kaming aktibista’y
di nakalilimot
sa mga nabulid
sa dilim ng gabi

ah, tama si Elias
sa kanyang habilin
huwag lilimutin
ang mga napaslang

at nagsakripisyo
upang kapakanan
ng nakararami
ay maipaglaban

sina Bonifacio
Rizal, Asedillo,
Edjop, Ninoy, Lean,
Ka Lando, Ka Popoy

ay iilan lamang
sa nagsakripisyo
para sa paglaya
nitong sambayanan

marami pang martir
ang walang pangalan
bayaning nagsilbing
aming inspirasyon

upang magpatuloy
sa pakikibaka
at ipagpatuloy
ang naiwang laban

ang inalay nila’y
sakripisyong tunay
at maraming aral
tayong mapupulot

sa mga prinsipyong
pinaglaban nila
at pinanghawakan
hanggang kamatayan

sana habang tayo’y
di nakalilimot
sa mga nabulid
sa dilim ng gabi

ay ating magisnan
ang bukang-liwayway
sa kanyang pagdatal
tungo sa paglaya

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa 
ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 1, Taon 2003, p.8.

Walang komento: