Linggo, Hulyo 13, 2008

Hindi Saging ang Bata sa Video

HINDI SAGING ANG BATA SA VIDEO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Sa miting ng grupong Green Convergence sa Environmental Science Institute sa Miriam College sa Lunsod Quezon ay ipinalabas ni Ms. Lia Esquillo ang isang video hinggil sa isyung aerial spraying sa Davao. Si Ms. Lia ang executive director ng IDIS o Interface Development Interventions, Inc. Ang sumusunod na tula'y may tigsampung pantig bawat taludtod.)

Sa isang pinalabas na video
Ni Madam Lia na Davaoeño
Pinaulanan ng pestisidyo
Na binagsak mula eroplano
Ang mga saging at mga tao.

Rason ng namuhunan sa saging
Ang mga peste’y dapat patayin
Kaya gamit nila’y eryal isprey
Na tinamaa’y di lang pananim
Kundi pati tao sa paligid.

“Hindi ako saba o lakatan
Hindi ako saging na latundan
Bakit pati ako’y inambunan
Inispreyan ang aking katawan
Ng lason ng kumpanyang gahaman.”

Itong sabi ng bata sa video
Batang wala pang muwang sa mundo
Na biktima ng sakim sa tubo.
Nagkasakit na ang batang ito
Batang hindi saging, kundi tao.

Bukod sa kanya ay marami pa
Ang nagkasakit at nabiktima.
Lingkod-bayan ay agad nagpasa
Ng ginawa nilang ordinansa
Eryal isprey ay pinagbawal na.

Ngunit nakapalag ang kumpanya
Ito’y agad nakapag-apila
Kaya napigil ang ordinansa
Anim-na-buwang nagpatuloy pa
Ang eryal ispreying sa kanila.

Kaya ngayon ay inaabangan
Ang kahatulan nitong hukuman
Ang eryal isprey ba’y papayagan
O ito’y tuluyang pipigilan
Para sa kalusugan ng bayan?

At akin ding dito’y namamasdan
Kung ano ang dito’y nakasalang
Nakataya sa naglalabanan:
Dignidad ng mga lingkod bayan
Laban sa mga mamumuhunan.

Ang labanang ito’y kaytindi na
Tutubuin o ang ordinansa
Puhunan o kalusugan nila
Mga tao laban sa kumpanya
Lingkod-bayan o kapitalista.

Ang masasabi ko lang ay ito
Hindi saging ang bata sa video
Kaya sa Davao ma’y kaylayo ko
Panawaga’y sumuporta tayo
Sa laban ng mga Davaoeño.

Hulyo 12, 2008
Sampaloc, Maynila

Walang komento: