Miyerkules, Setyembre 26, 2012

Paalam, Mae Sot


PAALAM, MAE SOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sana'y patuloy na dumatal ang bukangliwayway
sa iyong kandungan at sa mga anak mong tunay
pati sa mga dayong pansamantalang dumantay
sa iyo, nawa pagkatao nila'y di maluray
ng sistemang kaylupit na paglaya'y pinapatay

kung sakaling sa iyo'y dumatal ang takipsilim
at masaksihan ang sistemang karima-rimarim
magpakatatag ka, O, Mae Sot, bagang mo'y itiim
sa pagharap sa delubyo't karahasang kaylagim
magbubukangliwayway din, laya mo'y masisimsim

pinaraya mo sa kandungan yaong nagsilikas
sa katabing bayang puno ng sakripisyo't dahas
pakiramdam ko ang paglaya nila'y isang atas
sa mga mamamayang nais ng lipunang patas
dapat sistemang mapang-api'y tuluyang mautas

paalam, Mae Sot, ako'y aalis pansamantala
ngunit di ka mawawaglit sa aking alaala
di ko alam kung sa kandungan mo'y makabalik pa
ngunit sa panulat, isa kang bayani't pag-asa
huwag mo sanang pabayaan silang taga-Burma

- sa himpilan ng bus sa Mae Sot, Setyembre 25, 2012

Walang komento: