Miyerkules, Setyembre 23, 2009

Minsan, sa isang Birhaws

MINSAN, SA ISANG BIRHAWS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan sa isang birhaws ako'y napagawi
para bang doon ako'y nagbabakasakali
na ang hinahanap kong may magandang ngiti
ay makita roon at baka manatili

aba'y nakita ko nga ang kaygandang mukha
ng isang dilag na akala mo'y may luha
napakaamo ng mukha niyang tulala
kaygandang masdan ng mukha niyang payapa

ngunit bakit sa birhaws ay naroon siya
dahil ba sa kahirapang dinanas nila
at wala na bang magandang magagawa pa
upang maiahon sa putik ang dalaga

habang siya'y palagi kong tinititigan
siya'y gumaganda sa mapusyaw na ilawan
sadya ngang inosente ang kanyang larawan
na parang di mahipo kahit talampakan

habang tumatagay nililingon ko siya
at sinusulyapan yaong mukhang kayganda
na para bang nais ko nang angkinin siya
ngunit ayoko nang gumawa ng eksena

sapat na sa aking siya'y makaulayaw
at sapat na ring siya'y aking natatanaw
makausap kahit patay-buhay ang ilaw
tititigan siya hanggang siya'y matunaw

ako ma'y putik ngunit nais kong iahon
sa putik din ang magandang dalagang iyon
ayoko kasing siya'y sa birhaws ikahon
may pag-asa pa siya upang makabangon

nais kong tulungan yaong magandang dilag
dahil iring puso ko'y kanyang pinapitlag
gagawin ko lahat nang di dahil sa habag
hanggang sa pagsamo ko siya'y mapapayag

"ngunit bakit galing birhaws" ang mga tanong
para bang sila sa mundong ito'y kaydunong
hinuhusgahan agad kahit walang sumbong
akala mo nama'y santo ang mga buhong

sagot ko'y karapatan din nilang mabuhay
naroon sa birhaws para maghanapbuhay
kaysa naman nakatanghod sila't may lumbay
kaya dapat lang silang sa mundo'y umugnay

Walang komento: