SILANG MGA MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(estilong Villanelle)
Silang mga gumagawa ng ekonomya ng bansa
Ay ang mga manggagawang makikitang taas-noo
Lipuna’y pinanday nila, ng kamay na mapagpala.
Una, mailalarawan sa ilang mga kataga
Mga katatagan nila, hirap, mga sakripisyo
Silang mga gumagawa ng ekonomya ng bansa.
Ikalawa, sama-sama tungo sa pagpapalaya
Nang manggagawa’y makamit ang tunay na pagbabago
Lipuna’y pinanday nila, ng kamay na mapagpala.
Ikatlo, tutuparin na ang binitiwang salita
Kikilos ng tuluy-tuloy makikibakang totoo
Silang mga gumagawa ng ekonomya ng bansa.
Ikaapat, sa pagsuri’y di kami namamangha
Ang kanilang mga gawa’y inaayos nilang husto
Lipuna’y pinanday nila, ng kamay na mapagpala.
Progreso nitong lipunan sa kanila’y nakatakda
Sambayana’y di uunlad kung sila ay wala rito
Silang mga gumagawa ng ekonomya ng bansa
Lipuna’y pinanday nila, ng kamay na mapagpala.
Pinasa sa LIRA workshop
Nobyembre 24, 2001
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento