Sabado, Oktubre 10, 2009

Operasyong Agarang-Tulong

OPERASYONG AGARANG-TULONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

marami silang nakatitig na sa kawalan
mga gagawin nila'y di nila malaman
nilamon ng baha ang kanilang tahanan
at tinangay rin pati mga kagamitan
halos lamunin na sila ni Kamatayan

naglalabasan sa ganitong pangyayari
ang mga may puso't may diwa ng bayani
marami tayong sa kanila'y nakasaksi
nagtulungan silang masagip ang marami
kahit di nila kilala sila'y nagsilbi

nagbigay sila ng mga tulong na bigas
kilo-kilong kasama'y noodles at sardinas
pati mga damit ay agad iniluwas
sa mga binaha't gamit ay nalimas
habang kabaong naman sa mga nalagas

bayanihan itong taal sa mga Pinoy
nagtulungan yaong mayaman at palaboy
tulong magkapatid na sing-init ng apoy
upang masagip ang sinalanta ni Ondoy
at pati nangalubog doon sa kumunoy

sadyang napakasakit ng nangyaring ito
pagkat di ito inaasahan ng tao
ngunit may dapat ba tayong sisihin dito
tadhana ba o kapalpakan ng gobyerno
o ang ganid na sistemang kapitalismo

marami pong salamat, mga kaibigan
sa inyong tulong na bukal sa kalooban
bagamat iba'y nawala na ng tuluyan
ay nailigtas ang maraming kababayan
mula sa baha't kaypait na kapalaran

Walang komento: