Sabado, Abril 4, 2020

Ika nga nila: "Distancia Amigo"

IKA NGA NILA: "DISTANCIA AMIGO"

nawawala na rin ang ugnayan sa isa't isa
dahil dapat nang mangyari'y isang metrong distansya
o higit pa upang di magkahawaan ang masa
sa panahong ang COVID-19 pa'y nananalasa

ayon sa karatula sa trak: "Distancia Amigo"
nang di agad magkabanggaan kung biglang magpreno
sa ngayon, kaibigan, layo-layo muna tayo
at baka biglang mang-utas ang sakit na dorobo

di dapat magkahawaan, huwag basta babahing
takpan muna ang ilong ng panyo, tisyu o napkin
huwag ding basta humawak sa geyt na kalawangin
o yaong hinawakan ng mga kung saan galing

magpainit sa araw, magpalakas ng katawan
magbitamina ka rin, paganahin ang isipan
layo-layo man, kaharap ay di pulos karimlan
"Distancia Amigo" at may umaga pang daraan

- gregbituinjr.
04/04/2020

Walang komento: