ANG PANGIT NA ANGHEL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
ang mga aswang ay anghel ng diyos
at ayaw sa kanila ng demonyo
di raw bagay ang aswang sa impyerno
pagkat sila'y anghel na binusabos
malupit ang mga anghel, kaylupit
anak ng diyos silang hinilahil
silang mga itinaboy ng anghel
dahil ipinanganak silang pangit
kaya aswang ay naroon sa gitna
ng bukangliwayway at takipsilim
anghel sa liwanag, taning sa dilim
aswang naman ay nahulog sa lupa
ngunit kaylakas ng anghel, kaylakas
di maari sa liwanag ang aswang
itinuring nitong aswang ay halang
ang bituka't isa ring talipandas
pinagtanggol ng aswang ang sarili:
"ipinanganak lang akong kaiba
ngunit ako'y agad tinaboy nyo na
anghel nga kayo ngunit mapang-api"
ang anghel sa kanya'y agad tumugon:
"karima-rimarim ang iyong anyo
kaya sa langit dapat kang maglaho
at diyan sa lupa ka maglimayon"
kaya pala aswang ay nasa lupa
anghel silang anyo'y napakapangit
kaya itinaboy mula sa langit
at dito sa lupa'y pagala-gala
si Taning man ay di siya matanggap
sa impyerno'y pawang maganda't macho
aswang ay walang puwang sa impyerno
at wala sa kanya doong lilingap
aswang na ang anyo'y kahindik-hindik
gayong anghel siyang ubod ng bait
tumapang dahil laging nilalait
nagrebelde't lagim ang naihasik
iisa lang ang pangarap ng aswang
makabalik sa langit at tanggapin
anuman yaong kanyang anyong angkin
anghel pa rin siya sa kalangitan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento