Sabado, Agosto 16, 2008

Hikbi

HIKBI
ni Greg Bituin Jr.
13 pantig

1
Paano nga ba tayo magmamalasakit
Sa kapakanan ng ating kapwa sa mundo
Kung sa sariling bansa’y kayraming pulubi
Na nangaglilipana sa mga lansangan.

2
Sa mga mata ba mismo nati’y kaysakit
Na makitang ang kapwa natin ay tuliro
Sila’y naghihirap din at walang pambili
Ng pangunahin nilang pangangailangan.

3
Sa kalagayang ito tayo ba’y pipikit
Sa mga ginagawa ng ating gobyerno
Hanggang ngayon ba tayo’y mag-aatubili
Sa pagkilos tungo sa ating kalayaan.

4
Naririnig baga natin ang mga impit
Ng mamamayang nais na ng pagbabago
O ginagawa nati’y pawang paninisi
At iaasa sa iba ang katayuan.

5
Ngunit bakit ganito ang ating sinapit
Bigas, langis, biglang nagtaasan ang presyo
Pati na ang tubig, kuryente’t pamasahe
Tila nagpabaya na ang pamahalaan.

6
Sistema natin ngayo’y walang malasakit
Sa mamamayan, sa ating kapwa’t obrero
Sa tubo, kapitalista’y laging madali
Mayaman na nga’y lalo pang nagpapayaman.

7
Kaya’t ito ang aking nasasambit-sambit
Halina’t baguhin na ang sistemang ito
Pagkat kung laging ganito ang nangyayari
Dapat na ngang mag-aklas sa ating bayan.

8
Palitan na ang kapitalismong kaylupit
At tahakin na ang landas ng sosyalismo
Wasakin na ang pribadong pagmamay-ari
Upang makinabang lahat, at di iilan.

Walang komento: