Biyernes, Marso 12, 2010

Welga sa Goldilocks, Unang Araw

WELGA SA GOLDILOCKS, UNANG ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Sigaw ng lider-obrero: Goldilocks, tumitiba!
Agad tugon naman: Manggagawa, kinakawawa!
Ang sagutang ito'y sa piketlayn dumadagundong
Na ipinaririnig sa masang makasalubong.

Talagang galit na ang mga manggagawa rito
Pagkat sila'y sabay-sabay tinanggal sa trabaho
Dahil sa kasalanang di naman nila ginawa
Na pinagbintangang nagwelga kahit naman wala.

Kasinungalingan ng manedsment ang dumaluhong
Katwirang baluktot nito sa obrero'y daluyong
Na nakisabwat sa gobyerno laban sa obrero
Imbes sila'y tumulong, dahil sa tubo'y nanloko.

Unyunista ng BISIG, kayo na'y magbuklod-buklod
Magkapit-BISIG na upang BUKLOD ay manikluhod!
Goldilocks, tumitiba! Manggagawa'y itsa-pwera
Kaya nararapat, patuloy kayong magkaisa!

Kayo ang nagpaunlad sa Goldilocks at lumikha
Ng produkto dito't di kayo dapat balewala
Kaya Workers Control ng Goldilocks, pag-isipan na
Kayo na ang magpatakbo ng sariling pabrika!

Sigaw ng lider-obrero: Goldilocks, tumitiba!
Agad tugon naman: Manggagawa, kinakawawa!
Sigaw ng lider-obrero: Baguhin ang lipunan!
Na tinugon ng: Tungo sa ganap na kalayaan!

(Nilikha sa unang araw ng welga sa piketlayn ng Bukluran ng Independyenteng Samahang Itinatag sa Goldilocks (BISIG), Marso 11, 2010)

Walang komento: