Martes, Marso 30, 2010

Hindi tayo dapat magdamit ng basahan

HINDI TAYO DAPAT MAGDAMIT NG BASAHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

halina't pag-aralan natin ang lipunan
kung bakit may mahirap at mayaman
kung bakit may hari at pinaghaharian
kung bakit may amo at pinangangamuhan

maraming maralita ang nagkakasakit
maraming manggagawa'y patuloy na gipit
kapitalistang sistema'y sadyang kaylupit
at kayraming masa na basahan ang damit

bakit nakararami ang nahihirapan
bakit pulubi'y naglipana sa lansangan
bakit ang manggagawa'y aliping sahuran
bakit kayraming nagdadamit ng basahan

tayong lahat dito sa bansa'y mamamayan
kaya tayong lahat dito'y may karapatan
hindi tayo dapat magdamit ng basahan
pagkat tayo'y may dignidad at karangalan

Walang komento: