Martes, Marso 30, 2010

Walumpu't Dalawang Tauhan

WALUMPU'T DALAWANG TAUHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

“I began revolution with 82 men. If I had to do it again, I do it with 10 or 15 and absolute faith. It does not matter how small you are if you have faith and plan of action.” - Fidel Castro

i.

"tanging walumpu't dalawang tauhan lamang
at sinimulan na namin ang himagsikan

kung rebolusyong ito'y uulitin ko pa
gagawin kahit na sampu o labinlima

kasama ang absolutong sampalataya
na ang bulok na lipunan ay magigiba

marami man o kaunti ang nagrerebo
ay maaari pa ring magtagumpay tayo

kung may sampalataya sa mga kasama
at may plano ng aksyon sa pakikibaka"

ii.

itong tinuran ni kasamang Fidel Castro
ay aral sa mga aktibistang tulad ko

paano bang baguhin ang lipunang bulok
ang lipunan muna'y dapat nating maarok

kaya aralin ang pasikut-sikot nito
upang mailapat natin ang tamang plano

ang bawat kasama'y dapat nagkakaisa
laging may tiwala sa kakayahan nila

walang iwanan hanggang maipanalo
ang ating rebolusyon tungong sosyalismo

Walang komento: