Miyerkules, Oktubre 21, 2015

Kahit pitong bundok pa ang akyatin

KAHIT PITONG BUNDOK PA ANG AKYATIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di tayo susuko upang makamit ang pangarap
kahit na asam na tagumpay ay sadyang kay-ilap
aakyatin ang pitong bundok hanggang mahagilap
ang tamang daan upang maabot natin ang ulap

wala tayong lubay upang pangarap ay abutin
konsentrasyon, bawat plano'y pagtuunan ng pansin
walang iwanan, teamwork, nagkakaisang layunin
sinusuri't nilulutas ang bawat suliranin

sa pagsisikap malalagpasan anumang hirap
sa pagkakaisa, mga problema’y mahaharap
nanghihina man ngunit bawat isa'y lumilingap
kaya pagkakaisa'y madarama mong kaysarap

di bara-bara, may gagampanan tayong tungkulin
di rin tira-pasok, may plano tayong dapat sundin
buhay, talino, panahon ang ating gugugulin
hanggang ikapitong bundok ay atin ding marating

Walang komento: