GININTUAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
maraming may ginintuang puso kahit dukha man
may ilan daw ginintuang puso sa mayayaman
mas maganda kung sa daigdig ay walang gahaman
walang pribadong aring minulan ng karukhaan
damhin ang awit ng mga may ginintuang tinig
at sa halina nito, puso'y tiyak na iibig
lalo't sa awit may gintong payo kang maririnig
nagbibigay-inspirasyon na sa puso'y aantig
tinanganan ng mga bayani'y gintong adhika
na palayain ang bayan sa kuko ng kuhila
inalay ang buhay at magagandang halimbawa
na ipinagpapatuloy ng uring manggagawa
mga nagmimina sa lupa ang hanap ay ginto
habang ang mga lumad ay kanilang dinuduro
nagtatabaan yaong sagad sa buto ang luho
sa ginto nabubundat, pulos mantika ang nguso
mahalaga ang ginto kung ginto ang niloloob
pusong ginintuang sa gintong adhika'y marubdob
di ginto ng pagkagahaman yaong lumulukob
na magpapahamak lamang at magpapasubasob
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento