ANG MATANDANG PULUBI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
duling na sa gutom ang pulubing namamalimos
sanay na sa kalalakad, paa'y di na magpaltos
tuhod niya'y naghihina na't di na makaraos
dagok sa dibdib ang dinaanang buhay na kapos
sa kanyang noo'y gagamunggo ang butil ng pawis
gumagapang siyang tila ahas sa pagtitiis
nananahang langaw sa buhok niya'y di mapalis
naglalaro ang mga kutong di niya matiris
nababalabalan ng basahang di nalalabhan
pudpod na sa katagalan ang patpat niyang tangan
balbas at buhok ay tila ba nagpapahabaan
nanlilipak ang palad, kuko'y di pa maputulan
kayumanggi niyang balat sa araw na'y nangitim
dilat ang matang hinehele siya ng panimdim
at siya'y tumigil sa tabi ng punong malilim
upang mata'y ipikit pagsapit ng takipsilim
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento