Miyerkules, Oktubre 21, 2015

Saksakan

SAKSAKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

minsan dumatal doon ang isang ginoo
na isang tagapayo mula sa Meralco:
“pagdating sa kuryente'y ikalawa tayo
sa Asya'y may pinakamataas na presyo”

nang malaman ni Mang Pedro siya'y nagitla
na presyo ng kuryente'y kaytaas na lubha
tunay ngang di maipinta ang kanyang mukha
parang nakuryente siya't walang magawa

para kay Mang Pedro ang buhay na’y kaypait
babayaran pa niya'y abot hanggang langit
o baka naman ang dumayo'y nanggigipit
lalo na't ito pala'y saksakan ng pangit

at naisip niya ang isang kalutasan
pinagtatanggal ang mga nasa saksakan
mga ito'y ibalik pag gagamitin lang
magtitipid siya't nang presyo'y mabawasan

tuwing gabi lang bintilador ay isaksak
patayin ang ilaw pag tinungo'y pinitak
sa saksakan mag-ingat nang di mapahamak
kuryente'y gamiting tama’t huwag bulagsak

di dapat ganito lang, at siya'y nagpasya
ginawa niya ang pinakamahalaga
at ito'y ang pagsama sa kilos-protesta:
"Ibaba ang presyo ng kuryente, ngayon na!"

Walang komento: