Sabado, Marso 7, 2026

Minsan nga'y may ganitong panahon

MINSAN NGA'Y MAY GANITONG PANAHON

minsan nga'y may ganitong panahon
pag walang trabahong salin, gutom
pag walang benta ng libro, gutom
sa diwa'y paano makaahon

natira sa tuyo'y di tinapon
tuyong biklad at sapsap inipon
minsan, bibili ng dahon-dahon
upang maiulam sa maghapon

bibilhin ay talbos ng sibuyas
kamatis, bawang, ulam na wagas
nasasadiwa'y payo ng pantas
habang asam ay lipunang patas

tinik, buntot at ulo ng sapsap
at tuyong biklad, ayos nang ganap
dadaan lang sa dila, kaysarap
at buhay na'y di aandap-andap

dapat mag-ipon ng pamasahe
lalo't dapat magtungo sa rali
o lakarin ang mahabang kalye
upang magkaroon pa ng silbi

- gregoriovbituinjr.
03.07.2026

Walang komento: