Martes, Pebrero 3, 2026

Pag walang kumatas sa harayà

PAG WALANG KUMATAS SA HARAYÀ

ayokong pilitin ang sariling kumathâ
kung wala namang kumakatas sa harayà
kahit na sa papel pa'y tumitig nang lubhâ
buting ipahinga muna ang puso't diwà

parang kumakathâ ng odang di mahulô
para sa dilag na mahirap o maluhò
para sa diwatang nasa malayong dakò
dalumatin muna nang paksa'y di maghalò

sa ganitong punto, ako'y nagtatanong din
ano't paano kayâ ang dapat kong gawin?
magpahinga, magnilay, magbasa, kumain
subalit ang mahalaga'y huwag pilitin

na para bang pag-iri habang nasa banyo
baka epekto'y putok na ugat sa ulo
huwag pilitin, iyan ang payo, katoto
kayâ dapat magpahinga munang totoo

- gregoriovbituinjr.
02.03.2026

Walang komento: