Sabado, Agosto 15, 2020

Tanaga sa dalita

Tanaga sa dalita

I

pinaslang si Echanis
chairman ng Anakpawis
dugo niya'y tumigis
sa lupa ng hinagpis

tinangay pa ng pulis
ang bangkay ni Echanis
ngipin mo'y magtatagis
sa ginawang kaybilis

mga kamag-anakan
niya'y kuyom, luhaan
panawagan ng bayan
hustisyang panlipunan

II

Anti-Terrorism Act
sa marami'y pahamak
ito'y sadyang panindak
ng gobyernong bulagsak

ito ba'y instrumento?
upang supilin tayo?
manahimik lang dito?
at huwag magkritiko?

III

O, maralitang lungsod
atin nang itaguyod
tunay na paglilingkod
pagkat nakalulugod

karapatang pantao'y
ipaglabang totoo
pati wastong proseso'y
tiyaking sigurado

- gregbituinjr.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2020, pahina 20.

Walang komento: