Martes, Enero 18, 2011

Kung Ako'y Hangin


KUNG AKO'Y HANGIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ako’y hanging di mo nakikita
ngunit iyong laging nadarama
sa araw-araw, kasama kita
sa gabi'y hinahaplos-haplos ka

ganyan nga kita iniingatan
balintataw ka sa aking isipan
guniguni ka sa panagimpan
nais kitang maging kasintahan

ako nga ba'y iyong nadarama
lalo ang puso kong sumisinta
ayokong sa dilim mawala ka
at sa liwanag ay matunaw ka

sasabihin ko ang aking lihim
ayoko nang manatiling hangin
na laging walay sa'yong paningin
nang ikaw'y tuluyang maging akin

Walang komento: