Biyernes, Agosto 4, 2017

Si Lean at si Gandalf

SI LEAN AT SI GANDALF
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"The Company has just lost Gandalf in Moria. And there is still such a long, long way to go." ~ Lean Alejandro, sa kanyang liham sa kanyang guro nang siya'y nakapiit.

tulad ni Lean, na dinaluhong at nabilanggo
si Gandalf nang mapalaban ay tuluyang naglaho
maraming sapalaran, panganib ay napipinto
subalit nagbabalik din mula sa abo't guho

dalawang buwang singkad din si Lean sa piitan
nakamit ang paglaya sa tulong ng mamamayan
nakaligtas si Gandalf sa tiyak na kamatayan
at napaslang ang kalabang Balrug sa kalaliman

nakabalik si Gandalf upang tapusin ang misyon
nakalaya si Lean na pagbabago ang hamon
pawang kagalingan ng kapwa ang kanilang layon
pangarap yaong kaytayog na di maikakahon

malupit ang kanilang kalaban, O, anong lupit!
pinagdaanan man nila'y samutsaring pasakit
ngunit pag-asa't kabutihan ang kanilang bitbit
upang kamtin ng bayan ang tagumpay na kayrikit

Walang komento: