KATAS NG TIBUYÔ
nabili ko ang librong World's Greatest Speeches
mula sa baryang naipon ko sa tibuyô
magandang librong pinag-ipunan kong labis
nang mga talumpati'y mabasa kong buô
pitumpu't limang orador ang naririto
talambuhay muna, sunod ay talumpati
ng mga bantog sa kasaysayan ng mundo
bayaning itinuring ng kanilang lahi
pitumpu't limang pinuno ng bansa nila
ang nagsibigkas ng makabagbag-damdaming
mga talumpating tumatagos sa masa
hanggang bansa nila'y tuluyang palayain
nang libro'y makita, agad pinag-ipunan
at upang di maunahan sa librong nais
ay may tibuyô akong mapagkukuhanan
ng pera upang mabili yaong mabilis
salamat sa tibuyô, may perang pambili
ng gusto ko tulad ng babasahing aklat
ang pinag-ipunan sa tibuyo'y may silbi
upang umunlad pa ang isip at panulat
- gregoriovbituinjr.
10.23.2024
* tibuyô - salitang Batangas na katumbas ng Kastilang alkansya
* ang nabanggit na aklat ay nabili sa National Book Store, Ali Mall branch sa halagang P299.00
Miyerkules, Oktubre 23, 2024
Martes, Oktubre 22, 2024
Pagninilay - salin ng tula ni Asmaa Azaizeh
PAGNINILAY
Tula ni Asmaa Azaizeh
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)
Kahapon, iniabot ko lahat ng aking tula sa aking tagapaglathala.
Pakiramdam ko'y ang aking ulo ang inabot ko sa kanya
at ang mga salitang binibigkas ko mula ngayon
ay lalabas sa bibig niya.
Napakasakit!
Hindi nagpapakita nang paisa-isa ang mga sakuna
Dumarating sila sa kawan-kawan tulad ng isang nagugutom na hayop.
Sinabi ito ng isang makata at siya'y ay namatay.
Halimbawa, kalahati ng aking pamilya ang namatay
at pagkatapos kong ipagdiwang ang dulo ng taon
namatay ang aking ama.
Simula noon ay hinayaan ko na ang aking mga tula.
Tuwing gabi naglalasing ang mga makata sa ilalim ng aking bintana
at dinidiktahan ako ng matatalinong tula.
Kinasusuklaman ko ang karunungan.
Inaanyayahan ko sila, at nilapa ko silang animo'y tupang pinataba
at nakisalo sa kanila,
subalit hindi ko pa rin maibabalik ang aking tinig.
Nasulyapan ko ito sa bintana, nakabayubay
sa ituktok ng bundok.
Ako'y naging repleksyon na lang
ng isang punong hinubaran sa isang lusak sa daan.
Ako'y huwag mong hakbangan, itago mo ako sa lilim
mula sa araw na maaaring sumikat
at msumingaw ang aking katawan.
Marahil ay sasabihin ko ang aking kapayapaan.
Sasabihin ko sa iyong ang mga sakuna'y maaapula rin
pag tinigilan mong lagyan sila ng panggatong,
datapwat hindi mo ako maririnig,
at ang bundok ay mula sa pampaningas.
- sa Dabbouria, Ibabang Galillee
10.22.2024
* Si Asmaa Azaizeh ay isang babaeng makata, lumalabas sa entablado, at mananalaysay na nakabase sa Haifa. May-akda siya ng tatlong kalipunan ng mga tula, ang Liwa, na nagwagi ng 2010 Al Qattan Foundation Debut Writer Award, As The Woman from Lod Bore Me, at Don’t Believe Me If I Talk To You of War. Si Azaizeh ang unang direktor ng Mahmoud Darwish Museum sa Ramallah simula noong 2012.
Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na:
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People
Nais basahing 100 aklat
NAIS BASAHING 100 AKLAT
nais ko pang basahin ang sandaang aklat
na paborito ko bago ako mamatay
mga kwento't nobelang nakapagmumulat
mga tula, dula, pabula, talambuhay
kayrami ko nang librong pangliteratura,
pampulitika, o kaya'y pangmanggagawa,
pang-ideyolohiya dahil aktibista
at gumagawa ng diyaryong maralita
di ko pa tapos ang nasa aking aklatan
ang iba nga'y unang kabanata pa lamang
ang nababasa't di pa muling nabalikan
ngunit babasahin din kahit nasa parang
habang kumakatha, nais ko ring basahin
dula, kwento't tulang sa masa'y nanggigising
sanaysay at ideyolohiyang sulatin
upang magsikilos ang dukha't nahihimbing
- gregoriovbituinjr.
10.22.2024
Laughing emoji - natatawa o nang-aasar?
LAUGHING EMOJI - NATATAWA O NANG-AASAR?
pag nakakita ako ng laughing emoji
sa pesbuk at sa di nakakatawang entri
ang HaHa ay mapang-asar at mapanlait
minsan, laughing emoji ay nakagagalit
ang HaHa ay komento kapag natatawa
at pag seryosong isyu, di dapat matawa
bagamat meron kang sariling kuro-kuro
gamitin ang wastong emoji sa komento
may emoji sa Like, Love, Care, Wow, Angry, at Sad
ngunit komento'y dapat alam pag nilahad
di laughing emoji sa seryosong usapin
paano kung mang-asar ang iyong layunin?
ang emoji ay ilagay natin ng tama
na di maaasar ang karaniwang madla
kung entri ay comedy, Haha ang emoji
ngunit tayo'y malaya sa nais masabi
- gregoriovbituinjr.
10.22.2024
* ang litrato'y nakita lang sa isang entri sa pesbuk
Lunes, Oktubre 21, 2024
Tulang walang pamagat IV - salin ng tula ni Zakaria Mohammed
TULANG WALANG PAMAGAT IV
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)
IV.
Siya'y tumatangis, kaya kinuha ko ang kanyang kamay upang pakalmahin at upang punasan ang kanyang mga luha.
Sabi ko sa kanya habang sinasakal ako ng kalungkutan: ipinapangako ko sa iyong ang katarungang iyon
ay mananaig din sa dulo, at daratal din ang kapayapaang iyon sa lalong madaling panahon.
Nagsisinungaling ako sa kanya, siyempre. Batid kong di mananaig ang katarungan
at di daratal ang kapayapaan sa lalong madaling panahon, subalit dapat kong pigilan ang kanyang pagtangis.
May mali akong palagay na nagsasabing, kung kaya natin, sa pamamagitan ng ilang tapik, ay mapapahinto
ang ilog ng luha, na magpapatuloy ang lahat sa makatwirang paraan.
Pagkatapos, tatanggapin na lamang ang mga bagay kung ano sila. Mangingibabaw ang kalupitan at katarungan
nang magkasama sa parang, ang diyos ay magiging kapatid ni satanas, at ang biktima'y magiging
sinta ng pumatay sa kanya.
Subalit walang paraan upang ang mga luha'y mapigilan. Patuloy silang bumubuhos na animo'y baha
at sinisira ang nakahigang seremonya ng kapayapaan.
At dahil dito, para sa mapait na kapalaluan ng mga luha, hayaang italaga ang mata bilang tunay na banal
sa balat ng lupa.
Hindi tungkulin ng tula ang magpahid ng luha.
Dapat ang tula'y maghukay ng kanal upang pagdaluyan ng luha at lunurin ang santinakpan.
- mula sa A Date for the Crow
10.21.2024
* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.
Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na:
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People
Suplado, bumait upang manalo?
SUPLADO, BUMAIT UPANG MANALO?
sa partylist daw kumandidato
ang mabait na dati'y suplado
bumait dahil nais manalo
upang makaupo sa Kongreso
sino kayang pinatutungkulan?
sino yaong pinatatamaan?
mapanuri ang nasa komiks man
punto niya'y dapat lang pakinggan
nagkokomiks ay parang makata
na dinadaan sa talinghaga
o kaya ay blind item, ika nga
ngunit sa mambabasa'y balita
kumandidato'y nuknok ng sungit
ngunit ngayon ay biglang bumait
nagbulgar pa'y komiks na makulit
na pag magsuri'y sadyang kaylupit
- gregoriovbituinjr.
10.21.2024
* komiks mula sa pahayagang Bulgar, Oktubre 20, 2024, pahina 5
Ikapitong aklat ni Karlo Sevilla
IKAPITONG AKLAT NI KARLO SEVILLA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr,
Pagpupugay kay kasamang Karlo Sevilla, isang mahusay na makata mula sa Lungsod Quezon at isa ring mambubuno, mambabalite o wrestler. Pagpupugay sa kanyang ikapitong aklat na pinagamatang "The Boy on the Hill" na inilathala ng International Human Rights Art Movement (IHRAM).
Bilang pambungad, matatagpuan sa kawing na: https://humanrightsartmovement.org/international-fellows/karlo-silvera-the-boy-on-the-hill ang kanyang pagninilay hinggil sa paglikha niya sa nasabing aklat.
“I began imagining this long poem way back in 2018, then with only its germ, i.e., the initial versions of its first and last stanzas. I even mentioned “working on it” in three different interviews around that time. Being chosen as a 2024 International Fellow of the International Human Rights Art Movement - coupled with deeply disturbing and compelling international news - has provided me the strongest impetus to finally realize this long-held dream. I’m eternally grateful to IHRAM for the opportunity to produce poetry projects. (Sinimulan kong pagnilayan ang mahabang tulang ito noong 2018, pagkatapos ay ang mikrobyo lang nito, ibig sabihin, ang mga unang bersyon ng una at huling mga saknong nito. Binanggit kong "kasalukuyang ginagawa pa ito" sa tatlong magkakaibang panayam noong mga panahong iyon. Ang pagkakapili sa akin bilang 2024 International Fellow ng International Human Rights Art Movement - kasabay ng labis na nakapag-aalala at makabagbag-damdaming internasyonal na balita - ay nagbigay sa akin ng pinakamatinding sigla upang tuluyang maisakatuparan ang matagal nang pangarap kong ito. Walang katapusan ang aking pasasalamat sa IHRAM dahil sa ibinigay na pagkakataon upang makagawa ng mga proyektong tula.)”
Sa aking pagsasaliksik, nakita kong nakatala ang pangalan ni Karlo Sevilla sa internasyunal na websayt na Poets and Writers na nasa kawing na: https://www.pw.org/directory/writers/karlo_sevilla
Halina't alamin natin kung sino si Karlo Sevilla, ayon sa nasabing pook-sapot o websayt:
Si Karlo Sevilla, mula sa Lungsod Quezon, sa Pilipinas, ay 2024 International Fellow ng International Human Rights Art Movement (IHRAM) para sa tula. Siya ang may-akda ng pitong aklat ng tula: “You” (Origami Poems Project, 2017), “Metro Manila Mammal” (Soma Publishing, 2018), "Outsourced! . . ." (Revolt Magazine, 2021), "Recumbent" (8Letters Bookstore and Publishing, 2023), "Figuratively: A Chapbook of Shape Poems" (Gorilla Printing, 2024), "Datuterte: Imagined Confession, 2024" (IHRAM, 2024), at "The Boy on the Hill" (IHRAM, 2024). Tatlong beses siyang nahirang para sa Best of the Net Anthology - sa Ariel Chart noong 2018, Collective Unrest noong 2019, at Woolgathering Review noong 2021 - unang nalathala ang kanyang mga tula sa Philippines Free Press noong 1998 at Philippines Graphic noong 2000. Sa mga sumunod na taon, hindi siya gaanong aktibo sa pagsulat at pagsusumite ng mga tula para sa publikasyon. Noong 2014 lang muling nabuhay ang kanyang gana sa pagsulat ng tula at noong 2015 ay nalathala ang kanyang mga tula sa Pacifiqa at muli sa Philippines Graphic. Kaya naman, mayroon siyang halos 300 tulang nalathala na sa iba't ibang pampanitikang magasin, antolohiya, at iba pang plataporma sa pandaigdigan. Noong 2020, isa siya sa mga nag-ambag sa "Pandemic: A Community Poem," na napili ng Muse-Pie Press para sa Pushcart Prize sa taong iyon. Siya ay kabilang sa unang batch ng mga mag-aaral (school year 2018) ng programang Malikhaing Pagsulat sa Filipino ng Center for Creative Writing ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, at kasapi rin siya ng Rat's Ass Review online poetry workshop. Nag-coach din siya ng wrestling at Brazilian Luta Livre, at nanalo ng gintong medalya sa 2016 ADCC Southeast Asia – Philippine International Submission Fighting Open at sa Greco-Roman wrestling event ng 2011 Philippine National Games.
Mababasa ang iba pa tungkol kay Karlo sa nasabing websayt lalo na ang iba pa niyang nakamit na gantimpala. Magpatuloy lang si Karlo Sevilla sa kanyang mga ginagawa, di malayong balang araw na siya'y maging National Artist for Literature sa ating bansa, tulad ng ating mga dakilang makatang sina Jose Garcia Villa, Cirilo F. Bautista, at Gemino H. Abad.
Huli kaming nagkita ni Karlo nito lang Oktubre 4, 2024 sa Maynila, nang magpasa ng kandidatura para senador ang aming kamanggagawang sina Ka Leody de Guzman at Ka Luke Espiritu.
IKAPITONG AKLAT NI KARLO SEVILLA
taaskamaong pagbati sa kamakata
sa pampitong aklat niya ng mga tula
sa Ingles, internasyunal na nalathala
siya na'y nababasa ng mga banyaga
mabuhay ka, Karlo Sevilla, pagpupugay
sa mga nakamit mong premyo at tagumpay
pagkat pinakita mo ang totoong husay
sa kapwa makata'y inspirasyon kang tunay
si kasamang Karlo ay tunay na mabigat
pananalinghaga'y di agad madalumat
nais kong mabasa ang kanyang mga aklat
kolektahin iyon bilang pasasalamat
ngalang Karlo Sevilla'y naukit nang husto
sa pantiyon ng mga makata sa mundo
katulad nina Robert Frost, Edgar Allan Poe,
John Keats, Yeats, Byron, Shelley, Neruda, at Sappo
basta't magpatuloy siyang tula'y likhain
balang araw, di malayong magawaran din
siya ng pambansang karangalan sa atin
National Artist for Literature ay kamtin
muli, ako'y nagpupugay, Karlo Sevilla
isa kang buhay na halimbawa sa masa
sa hilig mong pagtula ay magpatuloy ka
dapat kang ikarangal ng bansa talaga
10.21.2024
Pinaghalawan:
litrato mula sa entri sa pesbuk ni Karlo Sevilla
Team Asia, panalo sa Reyes Cup
TEAM ASIA, PANALO SA REYES CUP
Team Europe at Team Asia sa unang Reyes Cup
ay nagsubukan ng galing, sisinghap-singhap
ang Team Europe nang sila'y ilampasong ganap
ng Team Asia na sa kanila'y nagpahirap
pinangalan iyon kay Efren "Bata" Reyes
na sa bilyar ay magaling makipagtagis
ang "Magician" dahil sa tirang makikinis
na buong lamesa'y kaya niyang malinis
Team Europe at Team Asia ay naglabang sadya
nang unang Reyes Cup ay ginanap sa bansa
pinakita nila'y sadyang kahanga-hanga
na ang team work nila'y di basta magigiba
sa bumubuo ng Team Asia, pagpupugay!
na sa pagsargo't pagtumbok ay kayhuhusay
ang inyong panalo'y kasaysayan ngang tunay
ang hiyaw namin: mabuhay kayo! Mabuhay!
- gregoriovbituinjr.
10.21.2024
* ulat mula sa pahayagang Abante, Pang-Masa at Bulgar, Oktubre 20, 2024
Manggagawa naman
MANGGAGAWA NAMAN
banner ay taas-kamaong bitbit
"Manggagawa Naman" yaring sambit
ito ang dapat nating igiit
at sa masa tayo'y magsilapit
sigaw sa mga trapo: Tama Na!
sa masa: Baguhin ang sistema!
labanan ang kuhila, burgesya
at pulitikal na dinastiya
mundo'y binuhay ng manggagawa!
subalit sila pa ang kawawa!
paano kung walang manggagawa?
lahat ng kaunlaran ay wala!
magkapitbisig tayo, kabayan!
at isigaw: "Manggagawa Naman"
at sila'y iluklok natin upang
pamunuan ang pamahalaan
- gregoriovbituinjr.
10.21.2024
Linggo, Oktubre 20, 2024
Tulang walang pamagat III - salin ng tula ni Zakaria Mohammed
TULANG WALANG PAMAGAT III
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)
III.
Ang mamamayan ay mga asno. Nagsabit ako ng mga batingaw sa leeg nila para awitan nila ako habang ako'y nakahiga sa batuhan.
Hangal ang mamamayan. Sila'y isasabit ko sila sa aparador na parang mga damit pangtaglamig.
Mahihinog na ang sebada sa Mayo. Inihanay ng bawat tangkay ang mga binhi nito sa maayos na paraan upang makatayo sila sa tarangkahn ng langit.
Kaya kong maghanay ng mga salitang walang kahulugan.
Kaya kong lumikha ng kahulugan mula sa kawalan.
Isinusuga ko ang isang kabayo malapit sa sebada at umaapaw ang kahulugan.
Ang kahulugan ay kaayusan.
Ang kahulugan ay nagkataon lang.
Ang kahulugan ay hayop ng pasanin na humahakot ng mga pakwan.
Kung maaari ko lang ihanay ang mga bagay tulad ng ginagawa ng isang tangkay ng sebada.
Kinikitil ng sebada ang sarili nitong buhay tuwing Mayo, at binubuksan ng trigo ang pipi nitong bibig tuwing Hunyo.
Ang panahon ko'y sa katapusan ng Agosto.
Sa katapusan ng Agosto, nakalabit ang aking gatilyo.
Ay, kung maaari lang akong mabuhay sa isang baso ng tubig; ang mga ugat kong puti, luntian kong aking buhok, at ang haring araw na tangi kong diyos.
May isa akong awiting lagi kong inuulit. May isa akong malaking kasinungalingang dinikit ko ng pamatse sa kisame, upang dumikit dito ang mga langaw ng katotohanan.
Ang ulo ko'y napakalaking kapara'y lobo. Ang kamay ko'y isang dukhang bituin, ang balaraw ay isang masakit na kapayakang hindi ko taglay, at pagdating ko sa kahulugan, nawala ito sa akin.
- mula sa Alanda
10.20.2024
* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.
Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na:
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People
Ang buwan
ANG BUWAN
kayliwanag ngayon ng buwan
at may ibong pumailanlang
ang sarili'y napansin namang
nakatanghod lang sa kawalan
may kung anu-anong naisip
may mga isyung nalilirip
tila sa maya'y may humagip
paano siya masasagip
ang maya ba'y ang maralita
na tigib ng hirap at luha
habang nakapangalumbaba
sa dilim ang makatang gala
ang buwan kung ating suriin
may epekto sa dagat natin:
ang matinding hatak o dagsin
kaya may kati't taog man din
- gregoriovbituinjr.
10.20.2024
* dagsin - Ilokano sa gravity
* kati - low tide
* taog - high tide (salitang Batangas)
Muling paggawa ng ekobrik
MULING PAGGAWA NG EKOBRIK
ang maybahay ko'y may naiwang boteng plastik
sa bahay, naisip kong muling mag-ekobrik
na naiwan kong gawaing nakasasabik
lalo't may naipon akong basurang plastik
pinaggupit-gupit ko ang aking naipon
ginupit kong maliliit ang mga iyon
at sa boteng plastik ay nilagay ko roon
muli kong ginawa ang naiwan kong layon
ginagawa lang sa panahon ng pahinga
matapos ang trabaho't ako'y nag-iisa
kahit paano'y mabawasan ang basura
sa bakuran, sa tahanan at opisina
sa buong taon kahit sampu ang matapos
na ekobrik na pinaghirapan kong lubos
konting sipag lang, wala naman itong gastos
hanggang mga plastik sa bahay ay maubos
paisa-isa munang bote ang gagawin
matitigas na ekobrik ang adhikain
makakalikasang tibak na may layunin
bilang ambag sa paligid at mundo natin
- gregoriovbituinjr.
10.20.2024
Sabado, Oktubre 19, 2024
Dalawang tula - salin ng tula ni Zakaria Mohammed
DALAWANG TULA
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)
I.
Nasulyapan kita habang ako'y tumatakbo. Wala akong panahong tumigil at hagkan ang iyong kamay. Hinahabol ako ng daigdig na parang magnanakaw at imposibleng ako'y tumigil. Kung ako'y tumigil, ako na'y napaslang. Subalit nasulyapan kita: ang iyong kamay ay isang tangkay ng narsiso sa isang basong tubig, nakabuka ang iyong bibig, at ang iyong buhok ay pumailanglang na ibong mandaragit. Napasulyap ako sa iyo ngunit wala akong posporo upang sindihan ang siga at sumayaw sa paligid nito. Binigo ako ng daigdig, pinabayaan, kaya hindi man lang kita nakawayan.
Balang araw ang daigdig ay lalagay sa tahimik, ang mga sira-sirang kable ng tsanel ay titigil sa pagsasahimpapawid, at yaong mga humahabol sa akin ay magkakawatak-watak upang ako'y makabalik sa lansangang iyon, kung saan kita nasulyapan. Hahanapin kita sa parehong upuan: isang tangkay ng narsiso ang iyong kamay, isang ibong mandaragit ang iyong ngiti, at isang namulaklak na punongkahoy ang iyong puso. At doon, kasama mo, sa ilalim ng lilim ng iyong punongkahoy, ay wawasakin ko ang tolda ng aking pagkaulila at itatayo ang aking tahanan.
- mula sa Kushtban
II.
Isang mapagbigay na kaibigan ang gabi. Lahat ng bagay ay niluwagan ang kanilang mga baging sa rabaw ng aking ulo. Nakaupo sa palibot ko ang aking mga minamahal na para bang nasa isang piging. Ang mga minamahal kong nawala na. Ang mga minamahal kong narito pa, at mga minamahal pang darating. At ang kamatayan ay asong bantay na nakatanikala sa tarangkahan. Tanging ang hangin ni Khamaseen lamang ang galit na humahampas sa pintuan. Si Khamaseen ay isang kasuklam-suklam na kapitbahay; naglagay ako ng bakod sa pagitan namin, pinatay ang mga ilaw sa aming pagitan.
Masaya ako, umaawit tulad ng isang baras ng ephedra, sumisigaw tulad ng isang mandaragit.
Huwag pamiwalaan ang aking mga salita. Huwag abutin ang mga baging sa karimlan. Ang gabi ay isang kasunduan ng mga lagim. Sampung ibon ang natutulog sa puno, subalit ang isa'y balisang paikot-ikot sa bahay. At tulad ng alam mo, sapat na ang isang ibon upang sirain ang isang buong piging, isang mitsa upang masunog ang isang kabihasnan.
Malamig ang pagkain. Pagkatapos ay nagmumog ako kasama si Khamaseen, at hinugasan ang aking mga kamay gamit ang kusot.
Kung mayroon mang silbi ang pagluha, marahil ay luluha ako sa harap ninyong lahat. Subalit ang pagluha'y nangangailangan ng higit na lakas kaysa sa taglay natin, kaya aawit ako para sa inyo tulad ng malambot na hanging Saba, aawit ako sa katutubong wika ng tangkay ng murang basil: ang gabi ay bato ng amber. Ang gabi'y isang kasunduang kamangha-mangha.
- mula sa Alanda (Ephedra)
10.19.2024
* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.
Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na:
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People
Pampito sa nagpatiwakal sa loob ng isang buwan
PAMPITO SA NAGPATIWAKAL SA LOOB NG ISANG BUWAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Wala pang isang buwan ay pampito na ito sa kaso ng pagpapatiwakal na nasubaybayan ng inyong lingkod sa pahayagang Bulgar, at ngayon ay headline sa pahayagang Pang-Masa, petsang Oktubre 19, 2024. Ayon sa headline: Kolehiyala, tumalon sa MRT footbridge, patay. Nasa pahayagang Bulgar din ang balitang ito na ang pamagat ay: Coed, tumalon sa MRT footbridge, utas.
Mula sa pagsubaybay ng inyong lingkod, pangatlo siya sa napaulat na tumalon mula sa mataas na bahagi, habang tatlo naman ang nagbigti at isa ang nagbaril sa ulo.
Isa-isahin natin ang mga pamagat ng pitong balita:
(1) 16-anyos na estudyante, tumalon mula sa 7th flr. ng Tenement, Dedbol, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(2) Tserman, nagbaril sa ulo sa Brgy. Hall, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(3) Bebot, tumalon sa tulay, patay, pahayagang Bulgar, Setyembre 26, 2024
(4) Kolehiyala, 'Di Naka-Graduate, Nagbigti, pahayagang Bulgar, Setyembre 27, 2024
(5) Tatay, Nagbigti, Dedo, pahayagang Bulgar, Oktubre 7, 2024
(6) Napagalitan ng ina, 14-anyos, adik sa ML, nagbigti, patay, pahayagang Bulgar, Oktubre 16, 2024
(7) Kolehiyala, Tumalon sa MRT footbridge, patay, headline sa pahayagang Pang-Masa, at nasa pahina 2 ng pahayagang Bulgar, Oktubre 19, 2024
Pag inaral ang pitong kasong ito, ito'y dahil di na nakayanan ang dala-dala nilang problema, na nauuwi sa pagpapatiwakal. Ang nagpasya'y damdamin at hindi na naisip ang kahalagahan ng isa nilang buhay.
Subalit paano nga ba maiiwasan ang ganitong pagpapatiwakal? Planado ba ito o padalos-dalos na desisyon dahil di na kaya ng kanilang kalooban ang mga ipinagdaramdam nila, at naiisip na lang ay matapos na ang lahat. Ayaw natin silang husgahan, subalit wala nga ba silang pagpapahalaga sa sariling buhay?
Anong maitutulong ng Mental Health Law o Republic Act 11036, at ng nakasalang na panukalang batas na Senate Bill No. 1669, o ang tinatawag na Youth Suicide Prevention Act, upang mapigilan ang ganitong mga pagpapatiwakal?
PAMPITO SA NAGPATIWAKAL SA LOOB NG ISANG BUWAN
bakit tumalon ang kolehiyala
sa footbridge ng MRT sa Taft-Edsa
ayon sa ulat, posibleng problema
sa pamilya ang dahilan ng pasya
pampito siya sa nagpakamatay
sa loob ng wala pang isang buwan
na inulat sa pahayagang Bulgar
akong nagbabasa'y di mapalagay
umaga pa'y bibili na ng dyaryo
kaya ulat ay nasubaybayan ko
wala bang kakayanan ang gobyerno
gayong batas na iyang Mental Health Law
kung sinong biktima'y siya ring suspek
bakit magpatiwakal ang sumiksik
sa isipan, sa kanila bang hibik
ay walang nakinig, walang umimik
kailangan nila ng tagapayo
sa problema ngunit walang umako
sa mga dinaramdam ay nahapo
at sa kanila'y walang umaalo
nakalulungkot pag sa payo'y kapos
sa problema'y walang kakamping lubos
kaya nagpasyang buhay ay matapos
kaya buhay nila'y agad tinapos
10.19.2024
Bakas
BAKAS
naiiwan iyang bakas sa nakaraan
habang tinatahak pa ang kasalukuyan
upang kamtin ang asam na kinabukasan
ika nga sa isang sikat na kasabihan
dapat nating lingunin ang pinanggalingan
nang makarating tayo sa patutunguhan
tulad din ng mga aktibistang Spartan
na inaral ang mga nagdaang lipunan
nang bulok na sistema'y baguhing tuluyan
tulad kong laging nagmamakata pa naman
na madalas likhain ay tulang pambayan
tula sa kalikasan at kapaligiran
kaya nga sa bawat bakas ng nakaraan
pag ating nilingon ay may matututunan
kunin natin upang sa pagtahak sa daan
ay maalpasan na natin ang kahirapan
sa sama-samang pagkilos ng sambayanan
ay maitayo ang makataong lipunan
- gregoriovbituinjr.
10.19.2024
Tamis ng pulot
TAMIS NG PULOT
anong tamis ng pulot-pukyutan
na bubuyog ang may kagagawan
tulad ng aming pagmamahalan
di ng presyo kundi pag-ibigan
animo kami'y langgam sa tamis
baka kaya nagka-diabetes
di naman mahilig sa sorbetes
kundi tula'y isulat ng lapis
ika nga'y wala nang tatamis pa
kapag tayo'y laging magkasama
ako ang iyong bubuyog, sinta
ikaw naman ang aking sampaga
ganyan katamis yaring pag-ibig
na sadya namang di palulupig
kaya piniit kita sa bisig
nang bulong ng puso ko'y marinig
- gregoriovbituinjr.
10.19.2024
Biyernes, Oktubre 18, 2024
Ang dalawa kong aklat ni Apolonio Bayani Chua
ANG DALAWA KONG AKLAT NI APOLONIO BAYANI CHUA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nakilala ko si Ginoong Apolonio Bayani Chua, o Apo Chua, sa grupong Teatro Pabrika, isa sa mga grupo ng mang-aawit ng pawang mga nawalan ng trabaho sa pabrika, na bahagi rin ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Siya ang adviser ng mga iyon. Si Apo ay isa ring guro sa UP Diliman.
Nakatutuwa na nagkaroon ako ng dalawa niyang aklat.
Ang una'y ang SIMULAIN: Dulambayan ng Manggagawa sa Konteksto ng Militanteng Kilusang Unyonismo (1980-1994). May sukat ang aklat na 9" x 6" at naglalaman ng 326 pahina (kung saan 16 dito ay naka-Roman numeral).
Ang aklat na ito'y ibinigay sa akin ni Apo Chua noong Hulyo 21, 2009, kasabay ng paglulunsad ng 12 aklat ng 12 manunulat ng UP Press na ginanap sa UP Vargas Museum. Ang aktibidad ay pinamagatang "Paglulunsad 2009: Unang Yugto."
Sa ikalawang aklat naman, isa siya sa mga patnugot ng "Mga Luwa at iba pang Tula ni Jose A. Badillo". May sukat din itong 9" x 6" at naglalaman ng 390 pahina (kung saan 30 dito ay naka-Roman numeral).
Ang aklat na ito'y natsambahan ko sa booth ng UP Press sa ikatlo't huling araw ng 25th Philippine Academic Book Fair na inilunsad sa Megatrade Hall I, SM Megamall sa Lungsod ng Mandaluyong noong Hunyo 7, 2024. Nabili ko ito sa halagang P100, kasama ang iba pang pampanitikang aklat na may presyong P30 at P59.
Ilang buwan na o taon ang nakararaan nang mabanggit sa akin ni Ka Apo ang tungkol sa nasaliksik ngang mga tula ni Jose A. Badillo sa Taal, Batangas. Aniya, may mga makata rin pala sa Batangas. Matagal na pala iyon at ngayon ay nalathala na bilang aklat, at natsambahan kong mabili iyon sa booth ng UP Press.
Isa ang makatang si Jose Atienza Badillo (1917-1986) sa dapat kilalanin at bigyang parangal ng lalawigan ng Batangas bilang makata ng bayan, tulad ni Francisco Balagtas sa bayan ng Bulacan.
Ang kanyang mga sinulat na Luwa ay hinggil sa patulang tradisyon sa Batangas, sa lalawigan ng aking ama, na binibigkas pag may pista sa nayon, at madalas ay sa tapat ng tuklong (kapilya) iyon binibigkas ng isang binibini matapos iparada sa buong baryo ang Patron. Ang Luwa ay mga tula hinggil sa Patron ng nasabing lugar o nayon. Kaya pag nakakauwi ako ng Balayan, lalo pag pista ng Mayo sa nayon, ay sumasabay na kami sa prusisyon hanggang dulo ng nayon at pabalik muli sa tuklong upang makinig sa mga naglu-Luwa.
Kaya magandang saliksik ang dalawang nasabing aklat, ang dulamnbayan at ang Luwa, na dapat magkaroon din nito ang mga manggagawa, pati na yaong nakasaksi na sa Luwa, at mabigyan o mabentahan ang mga paaralan, at iba't ibang aklatan.
Huli kaming nagkita ni Ka Apo nang siya'y ginawaran bilang Pambansang Alagad ni Balagtas nang dumalo ako sa 50th Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) National Writers Congress at Ika-37 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas. Inilunsad ito sa Gimenez Gallery ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalima ng hapon ng Abril 27, 2024, araw ng Sabado. Siyam silang tumanggap ng pagkilala bilang Pambansang Alagad ni Balagtas ng taon 2024.
Isang karangalan sa akin na makilala si Ka Apo, at magkaroon ng kanyang mga aklat.
ANG DALAWA KONG AKLAT NI KA APO CHUA
ang una kong aklat na sinulat ni Apo
ay tungkol sa dulambayan ng manggagawa
mula militanteng kilusang unyonismo
na nagsaliksik ay talagang kaytiyaga
ikalawa'y hinggil sa Luwa ng Batangas
na napanood ko't nasaksihan na noon
mga patula sa Patron at binibigkas
sa kapistahan ng barangay o ng nayon
nakilala natin ang makatang Badillo
na sinilang at tubo sa bayan ng Taal
tulad din ng awtor na Domingo Landicho
si Jose Badillo sa Taal din ay dangal
mga aklat ni Apo ay pananaliksik
sa dulambayan at sa Luwa ng probinsya
na mahihinuha mong sadyang masigasig
pagkat nasulat na detalye'y mahalaga
Ka Apo, sa mga saliksik mo'y salamat
lalo sa mga naganap na dulambayan
at mga tula ni Badillo'y nahalungkat
salamat sa binahagi mong kaalaman
10.18.2024
* unang litrato ang dalawa kong aklat ni Ka Apo Chua
* ikalawang litrato naman ay kuha nang ginawaran siya bilang Pambansang Alagad ni Balagtas, katabi ni Ka Apo ang inyong lingkod
Pagsusulit - salin ng tula ni Sheikha Hlewa
PAGSUSULIT
Tula ni Sheikha Hlewa
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)
Napakahuli na ng mga aralin ng aking ina.
Matapos lahat ng dinanas namin -
binibilang niya ang mga taon
sa tapat na pagsang-ayon sa Nakba
at ang mga binilang ko habang kagat ang aking dila -
ginigiit niyang maturuan ako,
salita sa salita, nang agad-agad.
Wala siyang pagsasaalang-alang
sa patuloy kong pagkataranta
o sa pagitan ng mga taon namin,
sa urbanidad na nagpaamo sa pagiging lagalag ko
at nagpakislap sa mga gilid ng aking wika.
Inuulit niya ang mga aralin nang may kalupitan
ng isang gurong naantala ang pagreretiro.
Hinahanap niya ang kanyang patpat
sa ilalim ng kanyang bisig,
na hindi mahanap,
kaya hinampas niya ang mesang kahoy.
Isinusumpa ko ang sinumang lalaking
magpapaiyak sa iyo, naiintindihan mo?
at walang batingaw na sasagip sa akin
bago ang pagsusulit.
- sa Haifa
10.18.2024
* Si Sheikha Hlewa ay isang Palestinong manunulat na isinilang sa Dhayl 'Araj, isang hindi kilalang nayon ng Bedouin malapit sa Haifa. May-akda siya ng tatlong kalipunan ng maiikling kwento at isang kalipunan ng mga tula, na naisalin na sa maraming wika. Siya'y babaeng nagtuturo ng Peminismong Arabo sa Unibersidad ng Ben-Gurion.
Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na:
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People
Walang plataporma
WALANG PLATAPORMA
walang plata, pulos porma lang pala
ang tatakbong Senador na artista
na batay sa panayam ni Gretchen Ho
sa isang artistang kumandidato
pag nanalo na, saka iisipin
ang plataporma niyang nais gawin
sa ngayon daw ang kanyang tututukan
paano muna manalo'y pokusan
madali na iyon, sikat na siya
tulad nina Robin at Bong Revilla
ngalang Wille Revillame nga ngayon
ay talagang sikat sa telebisyon
subalit siya kaya'y epektibo
sa Senado o isa lang payaso
anong tingin sa isyung manggagawa
o dahil walang plataporma'y wala
paano kaya pag nakadebate
ni Willie sa isyu si Ka Leody
ano kayang masasabi ni Ka Luke
at ng masang sa kanila'y tututok
pag sila'y wagi ni Philip Salvador
na kagaya niya'y isa ring aktor
ika doon sa ulat ni Gretchen Ho
tunay ngang mas showbiz na ang Senado
- gregoriovbituinjr.
10.18.2024
* batay sa ulat sa pahayagang Pang-Masa, Oktubre 16, 2024, p.5
Pamatid-gutom
PAMATID-GUTOM
muli, ang inulam ko'y ginisang sardinas
niluto lang dahil ayoko nang lumabas
basta katabi itong mga diksyunaryo
at mga nakapilang babasahing libro
bagamat lata ng sardinas ay kilala
bilang inuulam ng mga nasalanta
halimbawa, nasunugan at nabahaan
pinamimigay ay sardinas at noodles man
pang-evacuation center lang daw ang ganito
subalit huwag mong mamaliitin ito
sapagkat ilang ulit akong nakaraos
upang ako'y magpatuloy pa ring kumilos
di naman madalas, minsan ulam ko'y daing
kaya ibang ulam ay di na hahanapin
tulad ng sardinas, ito pa rin ay isda
ayos lang, basta mabusog at makatula
- gregoriovbituinjr.
10.18.2024
Kasaysayan ng isang manunulat
KASAYSAYAN NG ISANG MANUNULAT
nang ako'y nasa kolehiyo pa
ang aking sarili'y natagpuan
nakatunganga sa opisina
ng pahayagang pampaaralan
sapagkat may patalastas doon
na kailangan ng manunulat
pagsusulit ay ipasa roon
at nakapasok nga akong sukat
nang artikulo ko'y malathala
sa Enero ng aming magasin
iyon na talaga ang simula
upang pagsulat ko'y pagbutihin
naging adhika kong maging tinig
ng mga tinanggalan ng boses
sa manggagawa't dukha'y nakinig
sa pabrika, tabing ilog, riles
hanggang ngayon, nagsusulat ako
ng mga tula, kwento't sanaysay
at pasalamat akong totoo
sa nakasama sa paglalakbay
marami kayo, di na mabilang
nang isa-isang pasalamatan
adhika ko'y ikwento ko naman
ang ating pinagdaanang laban
- gregoriovbituinjr.
10.18.2024
Huwebes, Oktubre 17, 2024
Pangarap
PANGARAP
masasabi mo bang ako'y walang pangarap
dahil di pagyaman ang nasa aking utak
pag yumaman ka na ba'y tapos na ang hirap?
habang pultaym ako't nakikibakang tibak
hindi pansarili ang pinapangarap ko
kundi panlahat, pangkolektibo, pangmundo
na walang bukod o tinatanging kung sino
kundi matayo ang lipunang makatao
iniisip ko nga, bakit dapat mag-angkin?
ng libo-libong ektaryang mga lupain?
upang sarili'y payamanin? pabundatin?
upang magliwaliw? buhay ay pasarapin?
subalit kung ikaw lang at iyong pamilya
ang sasagana at hihiga ka sa pera
ang pinaghirapan mo'y madadala mo ba?
sa hukay, imbes na magkasilbi sa kapwa?
aba'y inyo na ang inyong mga salapi
kung sa pagyaman mo, iba'y maaaglahi
buti pang matayo'y lipunang makauri
para sa manggagawa pag sila'y nagwagi
- gregoriovbituinjr.
10.17.2024
Tatlong naulat na nagbigti sa loob ng 20 araw
TATLONG NAULAT NA NAGBIGTI SA LOOB NG 20 ARAW
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nadagdagan na naman ang nagpakamatay. Subalit ngayon, headline news na. Ibig sabihin, dapat pansinin na ito ng mga kinauukulan.
Headline sa pahayagang Bulgar, Oktubre 16, 2024: Pinagalitan ng ina, 14-ANYOS, ADIK SA ML, NAGBIGTI, PATAY.
Sa loob ng dalawampung araw mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 16 ay may naiulat nang tatlong nagbigti sa pahayagang Bulgar. Sa loob ng wala pang isang buwan ay may anim nang nagpatiwakal. Dalawa ang tumalon sa mataas na gusali at tulay, isa ang nagbaril sa ulo, at tatlo naman ang nagbigti. Bale anim ang biktima (?) na siya ring suspek (?) sa pagpatay.
Bakit naiisip nilang magbigti? O talagang dinamdam nila ang sinasabi sa kanila? Ang nagpapasiya sa kanila ay hindi isip kundi damdaming nasaktan. Ito ngang huli ay 14-anyos na sa ulat ay hindi na natukoy kung lalaki ba o babae.
Ito ang ulat:
Isang 14-anyos na estudyante ang nagpakamatay sa Mangaldan, Pangasinan makaraang mapagalitan umano ng magulang dahil sa pagkahumaling sa online game na Mobile Legends.
Natuklasan ang biktima ng kanyang ina na nakabigti sa loob ng kanilang banyo, alas-3 ng madaling araw.
Batay sa salaysay ng ina sa mga otoridad, madalas nitong mapagalitan ang anak dahil sa pagkahumaling sa ML dahil napapabayaan na umano nito ang pag-aaral.
Hindi na aniya nagagawa ng biktima ang kanyang assignments kaya madalas na mapagalitan at mapagsabihan.
Hindi naman inakala ng ina na mauuwi sa pagpapakamatay ng anak ang pagsawata sa pagiging adik nito sa online game.
(Ulat ni Mai Ancheta)
Basahin din natin ang dalawa pang ulat ng pagbigti:
KOLEHIYALA, 'DI NAKA-GRADUATE, NAGBIGTI
mula rin sa Bulgar, Setyenbre 27, 2024, pahina 2
Isang kolehiyala ang nadiskubreng patay at nakabitin sa kanilang silid sa Brgy. Camohaguin, Gumaca, Quezon. Batay sa report, pasado alas-4 ng madaling araw nang bumulaga sa lola ang bangkay ng biktimang si alyas Rose, 23.
Agad na humingi ng tulong sa mga kinauukulan ang lola nito.
Posible umanong dinamdam ng biktima ang hindi niya pagkakasama sa pag-graduate sa kolehiyo, kung saan naging malulungkutin umano ito.
Wala namang nakitang foul play sa insidente.
(Ulat ni Levi Gonzales)
TATAY NAGBIGTI, DEDO
Nag-send sa anak ng selfie na may cord sa leeg
mula rin sa pahayagang Bulgar, Oktubre 7, 2024, p.2
Patay na nang madiskubre ang 44-anyos na technician makaraang magbigti nitong Sabado ng gabi sa loob ng kanyang kuwarto sa Punta Sta. Ana, Maynila.
... alas-10:30 ng gabi nang madiskubre ni 'Reiner' ang ginawang pagbibigti ng biktimang si 'Edmund'.
Ani 'Reiner', yayayain sana niyang mag-inuman ang biktima nang paglapit sa kuwarto nito ay may masamang amoy dahilan para sumilip sa butas sa dingding at dito nakita ang nakabiting biktima gamit ang electric cord.
Ayon sa 17-anyos na anak ng biktima, nakipag-chat umano sa kanya ang ama noong Oktubre 3 kung saan nagpadala ito ng kanyang larawan na may nakapulupot na electric cord sa leeg at nag-iwan ng mensahe na "Magiging masaya na kayo pag wala na ako."
Binalewala umano ng anak ang mensahe ng ama dahil pangkaraniwan na umano ang ginagawa nitong pagbabanta na siya ay magpapakamatay.
(Ulat ni Mylene Alfonso)
PAGNINILAY
Bakit nais nilang magpatiwakal? Ano ang pumasok sa kanilang utak upang gawin iyon? Aba'y iisa lang ang buhay ng tao subalit bakit hindi nila iyon pinahalagahan? Bakit nagpasya silang magpatiwakal?
Kung susuriin natin ang mga ulat, may ipinagdaramdam sila. Dito sa 14-anyos, ayon sa ina, napapagalitan lagi dahil sa paglalaro ng Mobile Legends. Subalit sapat na ba iyon upang siya'y magpakamatay? Labis bang nasaktan ang kanyang damdamin sa mga sinasabi ng ina?
Ang isa naman, 23-anyos na dalagita ang nagpakamatay, na ayon sa kanyang lola, ay marahil hindi nito matanggap na hindi siya naka-graduate. Bakit nagpasya siyang magpatiwakal, gayong maaari namang sa susunod na taon na siya grumadweyt? Nahihiya ba siya sa kanyang lolang nagpaaral sa kanya subalit hindi siya naka-graduate? O napagalitan din siya ng kanyang lola na kung hindi siya nagpabaya sa kanyang pag-aaral ay kasabay sana siya ng kanyang mga kaklase sa graduation?
Dalawang pagpapatiwakal na marahil ipinagdamdam nila ng labis. Kasama pa ang paninisi sa kanila, o nanunuot sa kaibuturan nila ang mga salita nang pinagagalitan sila?
Ang isa naman ay 44-anyos na tatay na nagbigti gamit ang electrical cord. Marahil nanliliit din siya sa sarili dahil sa hirap ng buhay ay hindi niya mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang pamilya.
Subalit kakaiba ang isang ito, dahil nag-iwan pa sa anak ng mensaheng "Magiging masaya na kayo pag wala na ako." Marahil, kaya ganoon ay dahil hindi siya pinapansin ng kanyang pamilya o pinagagalitan din ng kanyang mga anak at asawa, kaya ipinagdaramdam niya iyon. Marahil ay napapagalitan din siya ng asawa at mga anak o sinisisi siya sa nangyayari sa kanila. Subalit wala iyon sa ulat.
PAG SINISI KA O PINAGALITAN
Talagang ipagdaramdam natin pag pinagalitan tayo ng nakatatanda sa atin, lalo na't matatalim ang mga slaitang nakasusugat sa ating kalooban. Subalit paano ba natin kinakaya ang kanilang matalisik na pananalita. Lalo na kung tayo'y sisisihin sa mga bahay na hindi natin nagawa, o naging pabaya tayo.
Sa ating Senado, mayroon palang naka-file na Senate Bill No. 1669, o ang tinatawag na Youth Suicide Prevention Act. Marahil, tulad ko, marami na ring naaalarma sa napakaraming kabataang nagpapakamatay.
Pag tiningnan natin ito sa pahina ng Senado sa internet, na nasa kawing na: https://legacy.senate.gov.ph/lis/bill_res.aspx?congress=19&q=SBN-1669 , ang nakasulat sa legislative status ay: Pending in the Committee (1/24/2023).
Sa pambungad ng batas ay nakasaad doon: "Nearly one in five young Filipinos have considered ending their life, according to findings of a nationwide survey released by the University of the Philippines Population Institute. In 2021, studies showed that almost 1.5 million Filipino youth had suicidal attempt or tendencies. The suicidal rate amongst the youth is alarming in the Philippines considering that the percentage had already doubled from 2013 and 2021. This is a serious concern that needs the intervention of the State. (Halos isa sa limang kabataang Pilipino ang nag-iisip na wakasan ang kanilang buhay, ayon sa isang nationwide survey na inilabas ng University of the Philippines Population Institute. Noong 2021, ayon sa mga pag-aaral, halos 1.5 milyong kabataang Pilipino ang nagtangkang magpakamatay o may tendensyang gawin iyon. Ang rata ng pagpapakamatay sa mga kabataan ay nakakaalarma sa Pilipinas kung isasaalang-alang na ang porsyento ay dumoble na mula 2013 at 2021. Isa itong seryosong usaping nangangailangan ng interbensyon ng Estado.)
Nai-file ito ni Senador Mark Villar noong Enero 12, 2023, at makaraan ang labindalawang araw, ang istatus nito'y naka-pending. Mahigit isa't kalahating taon na palang pending ito, at mukhang hindi napapag-usapan kaya naka-pending.
Mayroon na rin tayong Mental Health Act o Republic Act 11036, na naging batas noong Pebrero 12, 2018. Paano ba makakatulong ang panukalang batas na SB 1669 at batas na RA 11036 upang hindi maisip ng mga kabataan na ang solusyon sa kanilang mga problema ay magpatiwakal?
Ayon sa World Health Organization (WHO), sa kawing na https://www.who.int/health-topics/suicide#tab=tab_1, "More than 720 000 people die by suicide every year. For each suicide, there are an estimated 20 suicide attempts. (Mahigit 720 000 katao ang namatay dahil sa pagpapatiwakal bawat taon. Sa bawat pagpapatiwakal, tinatayang nasa 20 ang pagtatangka).
Sana'y mabigyang pansin ng mga kinauukulan ang nangyayaring ito, at mapag-usapan na rin ang naja-pending na batas hinggil sa Youth Suicide Prevention Act (Batas Upang Mapigilan ang Pagpapatiwakal ng Kabataan).
Gayunman, paano masasabihan ang mga kabataan na iwasang gawin ang magpatiwakal, kung hindi nila kinakaya ang mga ipinagdaramdam nila? Mababatid ba nila na may batas na ganyan?
TATLO ANG NAGBIGTI SA ANIM NA NAGPATIWAKAL
paano ba ang suicide prevention?
isasama ba sa edukasyon?
paano tayo makatutugon?
pag pagpapatiwakal ang tanong
paano pag nagdamdam ang bata?
o kaya'y dalaga o binata?
paano kaya mahahalata?
kung tao'y magpapatiwakal nga?
paano bang di nila maisip?
kamatayan ang makasasagip
na may solusyon pang nalilirip
sa dinaramdam na halukipkip
kaya bago mahuli ang lahat
payong kapatid ay isiwalat
mga kabataan pa'y mamulat
na buhay ay mahalagang sukat
10.17.2024
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)



























