TULANG WALANG PAMAGAT III
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)
III.
Ang mamamayan ay mga asno. Nagsabit ako ng mga batingaw sa leeg nila para awitan nila ako habang ako'y nakahiga sa batuhan.
Hangal ang mamamayan. Sila'y isasabit ko sila sa aparador na parang mga damit pangtaglamig.
Mahihinog na ang sebada sa Mayo. Inihanay ng bawat tangkay ang mga binhi nito sa maayos na paraan upang makatayo sila sa tarangkahn ng langit.
Kaya kong maghanay ng mga salitang walang kahulugan.
Kaya kong lumikha ng kahulugan mula sa kawalan.
Isinusuga ko ang isang kabayo malapit sa sebada at umaapaw ang kahulugan.
Ang kahulugan ay kaayusan.
Ang kahulugan ay nagkataon lang.
Ang kahulugan ay hayop ng pasanin na humahakot ng mga pakwan.
Kung maaari ko lang ihanay ang mga bagay tulad ng ginagawa ng isang tangkay ng sebada.
Kinikitil ng sebada ang sarili nitong buhay tuwing Mayo, at binubuksan ng trigo ang pipi nitong bibig tuwing Hunyo.
Ang panahon ko'y sa katapusan ng Agosto.
Sa katapusan ng Agosto, nakalabit ang aking gatilyo.
Ay, kung maaari lang akong mabuhay sa isang baso ng tubig; ang mga ugat kong puti, luntian kong aking buhok, at ang haring araw na tangi kong diyos.
May isa akong awiting lagi kong inuulit. May isa akong malaking kasinungalingang dinikit ko ng pamatse sa kisame, upang dumikit dito ang mga langaw ng katotohanan.
Ang ulo ko'y napakalaking kapara'y lobo. Ang kamay ko'y isang dukhang bituin, ang balaraw ay isang masakit na kapayakang hindi ko taglay, at pagdating ko sa kahulugan, nawala ito sa akin.
- mula sa Alanda
10.20.2024
* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.
Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na:
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento