Lunes, Hulyo 14, 2008

Higanteng Tulog ang Uring Manggagawa

HIGANTENG TULOG ANG URING MANGGAGAWA

ni Gregorio V. Bituin Jr.

1

Itong manggagawa ang mapagpalaya

Kapara’y higanteng tulog pa ang diwa

Na pag nagising maliligtas ang madla

Mula sa paninipsip ng mga linta.

2

Manggagawa ang bumubuhay sa madla

Ngunit bakit sila ang nagdaralita

Laging binabarat ang lakas-paggawa

Ng tinawag na hukbong mapagpalaya.

3

Manggagawa ang sa lipuna’y nagpala

Ngunit nabubuhay sa dusa at luha

Ngayo’y tulog pa ang uring manggagawa

At nagmimistulang higanteng kawawa.

4

Uring manggagawa’y isang dambuhala

Na nagpapagalaw sa mundo at bansa

At kung magigising ay kayang sumila

Sa lipunan, gobyerno, mundo at bansa.

5

Atin ngang suriin itong kalagayan

Ng ating bayan at ng pamahalaan

Lantarang tayo’y sakal sa lalamunan

Nitong mga kapitalistang gahaman.

6

Inangkin na nila likas nating yaman

Pabrika’t lupai’y inari din naman

Pati kababaya’y wala nang matirhan

At maralita’y ipinagtatabuyan

7

Itong kapitalista’y hamig ng hamig

Ng tubo sa pabrika, kuryente’t tubig

Bigas, langis, itong presyo’y kinakabig

Sino ba ang sa kanila’y mang-uusig?

8

Pinairal nila ang patong at lagay

Kaya sa kurakot maraming nasanay

Itong baya’y unti-unting pinapatay

Kalagayan nati’y nagmistulang bangkay.

9

Sa lipunan ngayo’y tubo ang batayan

Ng pag-iral sa mundo at kabuhayan

Kung sinong may malaking tubo’t puhunan

Ay kikilalaning makapangyarihan.

10

Pribadong pag-aari ng kasangkapan

Sa paggawa ng produksyon sa lipunan

Ang siyang dahilan nitong kahirapan

At pagpapasasa ng mga gahaman.

11

At balewala ang mga naghihirap

Pagkat walang mga pag-aaring ganap

Pag maralita ka’y di katanggap-tanggap

Sadyang di ka pag-uukulan ng lingap.

12

Pagkat ito’y sistemang kapitalismo

Na siyang nagdulot ng pagkatuliro

Sa mga obrero’t karaniwang tao

Sadyang mapanlamang ang sistemang ito.

13

Kayhimbing matulog ng kapitalista

Kahit alam nilang obrero’y gutom na

Ngunit pag nabawasan ang tubo nila

Munti man ang bawas ay nababalisa.

14

Kaya obrero’y pinanatiling himbing

Ng kapitalistang sa tubo ay sakim

Pagkat alam nilang pag ito’y nagising

Sila’y tuluyan na nitong ililibing.

15

At ang globalisasyo’y ginawang salik

Ng kapitalista’t gobyernong nagtalik

Upang manggagawa’y di na makaimik

At madurog ang diwang naghihimagsik.

16

Welga’t pag-uunyon ay agad sinakal

Pinatakarang sa puhuna’y sagabal

Kontraktwalisasyo’y agad pinairal

Pag pumalag, ang obrero’y matatanggal

17

Dapat maghimagsik na ang manggagawa

Magkaisa ang hukbong mapagpalaya

At sila’y maghanda sa pamamahala

Ng mga pabrika at ng bawat bansa.

18

Ating tandaang may dakilang tungkulin

Ang mga obrerong dapat niyang gawin

Siya’y may misyong ang sistema’y baguhin

At ang tanikala’y tuluyang lagutin

19

Kaya manggagawa’y dapat nang gisingin

Humayo tayo’t sila’y pakilusin

Ipaunawa ang dakilang layunin

Magpatuloy na sila’y organisahin.

20

Baguhin na ang naghaharing sistema

Na iilan lamang ang nagpapasasa

Habang milyon-milyon itong nagdurusa

Halina’t maghanda sa pakikibaka.

21

Pag ang manggagawa’y tuluyang nagising

Ang buong burgesya’y kanyang lulusawin

Bulok na sistema’y kanyang dudurugin

At doon sa kangkungan ay ililibing.

22

O, manggagawang may tungkuling matayog

Sa lumang sistema’y kayo ang dudurog

Sa bagong lipunan kayo ang huhubog

Kaya magbangon na, O, higanteng tulog!

23

O, manggagawa, kami’y pakinggan ninyo

Tanggalin na ang pag-aaring pribado

Nitong gamit sa paggawa ng produkto

Upang makinabang ang lahat ng tao.

24

Kaya gumising na kayo at magbangon

Harapin nyo ang makasaysayang hamon

Bagong sistema’y paghandaan na ngayon

At gampanang mahusay ang inyong misyon

25

Nasa inyo ang landas ng pagbabago

Hawakan na ninyong mahigpit ang maso

Durugin ang bagsik ng kapitalismo

At itayo ang lipunang sosyalismo.

Ang Sepulturero

ANG SEPULTURERO

(8 pantig bawat taludtod)

ni Gregorio V. Bituin Jr.


kaming mga manggagawa

ang siyang sepulturero

ng uring kapitalista

sila’y aming ibabaon

sa lupang kailaliman

upang sila’y tuluyan nang

maglaho sa mundong ito

at di na magsamantala

Kapitalismo 101

KAPITALISMO 101
ni Gregorio V. Bituin Jr.

1

Ang kapitalismo pag yumakap
Tila nanggagahasa ng dilag
Lagi na lang tubo ang apuhap
Birhen sa paggawa’y nilalaspag.

2

Kapitalismo’y sistema ng mandarahas
Ng mga mapang-api’t mga talipandas
Mga kasama, hawanin natin ang landas
Upang bulok na sistema’y agad mautas.

3

Kapitalismo ay anong katuturan
Kung tingin nito sa babae’y laruan
Kapitalismo’y sadyang walang paggalang
Sa babaeng kalahati ng lipunan.

ang larawan ay mula sa http://seeingredradio.files.wordpress.com/2009/09/600px-capitalism_graffiti_luebeck1.jpg

Dapat Walang Panginoon

DAPAT WALANG PANGINOON

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Panginoong may-alipin

Nag-aari ng mga mahihina

At bihag na tribu

Sa panahong iyon nalikha

Ang Pyramide sa Ehipto

At ang Great Wall sa Tsina.


Panginoong maylupa

Ang magsasaka’y itinali

Sa sistemang pyudal

Sa panahong iyon lumakas

Ang simbahan, na malalawak

Na lupain ay kinakamkam.


Panginoong may kapital

Manggagawa’y kinakalakal

Pinasasahod ngunit binabarat

Ang lakas-paggawa

Sa panahong ito umiiral

Ang salot na globalisasyon.


Panahon namang ating dalhin

Sa mas mataas na antas

Ng pag-unlad itong lipunan

Kung saan

Walang panginoong may-alipin

Walang panginoong maylupa

Walang panginoong may-kapital

Kundi lipunang may paglaya

Ang bawat mamamayan.

Alamat ng Lugaw

ALAMAT NG LUGAW

ni Gregorio V. Bituin Jr.


nais ko’y kumain nang masasarap,

ng mga pagkaing masusustansya,

pritong manok, bangus, o porkchop

ngunit mga ito’y pagkamamahal,

di kaya ng bulsa, wala bang mura,

aba’y meron, may murang lugaw

may lugaw na limang piso sa kanto

lugaw na naman, magtatalo na

naman ba tayo? araw-araw na lang

nagtitiis pagkat lagi na lang lugaw,

oo, lugaw na naman, walang katapusang

lugaw, lugaw sa umaga, lugaw sa tanghali

pati sa gabi, lugaw, Lugaw, LUGAW,

wala na bang iba, aaaahhhhhhh!!!!

Ang Kwento ni Ako

ANG KWENTO NI AKO

(pasintabi sa ilang lider)

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Minsan, sa isang komunidad

Na may isyung inilalaban

Maraming pamilyang nakatira roon

Ang apektado ng demolisyon.

Ang bukambibig ng ilan:

“Si Ako ang tumulong diyan

Si Ako ang nag-taktiks niyan

Si Ako ang magpapanalo ng labang iyan

Si Ako ang nakipag-usap sa gobyerno

Kaya magtatagumpay ang laban.”

Ah, si Ako ang magaling na lider

Puring-puri nila si Ako

Ang Bahay ng Maralita

ANG BAHAY NG MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang bahay ng maralita ay hindi kural
Pagkat hindi baboy ang nakatira,
Kundi may puso’t damdaming nasasaktan
At marunong sumigaw ng pagbabago.

Ang bahay ng maralita ay hindi hawla
Pagkat hindi hayop ang nakatira,
Kundi mga nilalang na may
kakayahang paunlarin ang lipunan
Kung mabibigyan lang ng pagkakataon.

Ang bahay ng maralita
ay tahanan ng tao
na ang mga nakatira’y
may dignidad na inaalagaan.

Ang Anak ng Lumbay

ANG ANAK NG LUMBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Masarap ba ang pakiramdam
Kung kumukuha ka ng hindi sa iyo?
Masarap ba ang pakiramdam
Na kumukuha ka ng limpak na tubo
Habang pinahihirapan ang iba?
Masarap ba ang kumain sa Jollibee
At McDo habang nalalaman mong
Nagugutom ang iyong mga kapatid?
Masarap ba ang pakiramdam
Na hindi ka sumama sa rali
Habang nagpapabahaw ng sugat
Ang mga kasamang na-teargas
At napukpok ng batuta ng pulis?
Ngunit tiyak na masarap
Ang pakiramdam kung
Sa bawat karahasang dumaratal
Ay hindi tayo nabibitak.
Hindi tayo pinanghihinaan ng loob,
Bagkus lalo pang umiigting
Ang ating pagkakaisa
At nagpapatuloy.

Linggo, Hulyo 13, 2008

Hindi Saging ang Bata sa Video

HINDI SAGING ANG BATA SA VIDEO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Sa miting ng grupong Green Convergence sa Environmental Science Institute sa Miriam College sa Lunsod Quezon ay ipinalabas ni Ms. Lia Esquillo ang isang video hinggil sa isyung aerial spraying sa Davao. Si Ms. Lia ang executive director ng IDIS o Interface Development Interventions, Inc. Ang sumusunod na tula'y may tigsampung pantig bawat taludtod.)

Sa isang pinalabas na video
Ni Madam Lia na Davaoeño
Pinaulanan ng pestisidyo
Na binagsak mula eroplano
Ang mga saging at mga tao.

Rason ng namuhunan sa saging
Ang mga peste’y dapat patayin
Kaya gamit nila’y eryal isprey
Na tinamaa’y di lang pananim
Kundi pati tao sa paligid.

“Hindi ako saba o lakatan
Hindi ako saging na latundan
Bakit pati ako’y inambunan
Inispreyan ang aking katawan
Ng lason ng kumpanyang gahaman.”

Itong sabi ng bata sa video
Batang wala pang muwang sa mundo
Na biktima ng sakim sa tubo.
Nagkasakit na ang batang ito
Batang hindi saging, kundi tao.

Bukod sa kanya ay marami pa
Ang nagkasakit at nabiktima.
Lingkod-bayan ay agad nagpasa
Ng ginawa nilang ordinansa
Eryal isprey ay pinagbawal na.

Ngunit nakapalag ang kumpanya
Ito’y agad nakapag-apila
Kaya napigil ang ordinansa
Anim-na-buwang nagpatuloy pa
Ang eryal ispreying sa kanila.

Kaya ngayon ay inaabangan
Ang kahatulan nitong hukuman
Ang eryal isprey ba’y papayagan
O ito’y tuluyang pipigilan
Para sa kalusugan ng bayan?

At akin ding dito’y namamasdan
Kung ano ang dito’y nakasalang
Nakataya sa naglalabanan:
Dignidad ng mga lingkod bayan
Laban sa mga mamumuhunan.

Ang labanang ito’y kaytindi na
Tutubuin o ang ordinansa
Puhunan o kalusugan nila
Mga tao laban sa kumpanya
Lingkod-bayan o kapitalista.

Ang masasabi ko lang ay ito
Hindi saging ang bata sa video
Kaya sa Davao ma’y kaylayo ko
Panawaga’y sumuporta tayo
Sa laban ng mga Davaoeño.

Hulyo 12, 2008
Sampaloc, Maynila

JPEPA, Ibasura!

JPEPA, IBASURA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May mga balita doon sa Senado
Dapat JPEPA raw iratipika na
Sa muling pagbubukas nitong Kongreso
Dapat pirmahan na raw itong JPEPA.

May side agreement daw, ang sabi ni Miriam
Na ilalagay pag niratipikahan
Ngunit si Pimentel, di sang-ayon naman
Pagkat di ito ang batas na naturan.

Dahil may side agreement isasabatas
Itong JPEPAng kayrami namang butas
Maling ang JPEPA’y agad bigyang basbas
Kung makasasama na sa Pilipinas.

Kaya, mga senador, kami’y pakinggan
Itong JPEPA’y ibasurang tuluyan!

Hulyo 6, 2008
Sampaloc, Maynila

Iligtas Natin ang Kalikasan

ILIGTAS NATIN ANG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

kinakain nati’y mula sa kalikasan
bigas na pag naluto’y kaning malinamnam
iba’t ibang gulay na kaysarap ibulanglang
piritong isdang mula sa ilog at dagat
ano’t hindi natin aalagaan
itong ating likas-yaman
na siyang unang niyuyurakan
ng mga kompanyang dambuhala
tapon sa ilog ang tirang langis
tapon sa langit ang usok na mabangis
pati na usok ng tambutso ng dyip,
bus, trak, motorsiklo’t awtomobil
sino pa ang mangangalaga ng kalikasan
kundi tayo ring kanyang mga anak
kung hindi ngayon, kailan pa
kung hindi tayo, sino ba
sasagipin lang ba ang kalikasan
kapag ito’y tuluyang nasira na?

Pagkaluray ng Katauhan

PAGKALURAY NG KATAUHAN

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Napakataimtim ng kanyang kasibaan

Nag-aastang reyna ng Perlas ng Silangan

Namumutawi sa bunganga’y kayabangan

Upang mapanatili ang poder ng kapangyarihan.


Sinasambit-sambit ang nakasusukang salita

Siya raw ang tanging pinakamagaling

At kahanga-hangang puno ng bansa

Diyata’t ang taong ito’y tila napapraning.


Ito’y tahasang pagbubuhat ng bangko

Kalabisan na ito ng pangulong payaso

Sadyang panloloko sa masang tuliro

Sa kahirapan nilang di na mapagtanto.


Mga hirap na manggagawa’y tuloy naman sa trabaho

Nagsisipag, nagpapawis, naggigitata ang noo

Habang humahalakhak ang mga masiba sa tubo

Nagsasaya’t nagpapakabusog sa pawis ng obrero.


Maralita’t manggagawa’y sawa na sa kahirapan

Lalo na itong mga manggagawang kababaihan

Doble ang pasanin nila sa pabrika’t tahanan

Naluluray na ba ang kanilang mga katauhan?


Maraming dahilan kung bakit ganito’y nagpapatuloy

Isa ang globalisasyon sa agad na natukoy

Unti-unti tayong niluluray, pinapaso sa apoy

Nitong gobyernong naglulubog sa atin sa kumunoy


Panahon nang hubaran ng maskarang suot

Ang namumunong sadyang may pusong buktot

Pawiin ang mga patakara’t alituntuning baluktot

Itakwil ang masisiba’t ilibing sila ng ating poot.


Ang gobyernong taksil na sa taumbaya’y walang galang

Gobyerno’y pinamumunuan ng lider na hibang

Sa dagat ng ating mga poot doon natin siya ilutang

Hanggang siya’y malunod pati mga alyadong tampalasan.

O, Babae

O, BABAE
ni Gregorio V. Bituin Jr.

huwag kang tumulad
kina Huli, Maria Clara
at Sisa na pawang likha
ng bayaning Jose Rizal

tularan mo’y mga babaeng
gaya nina Gabriela’t Liliosa
na mga tunay na bayaning
nakibaka para sa paglaya

Kay Nicole, Biktima ng Rape

KAY NICOLE, RAPE VICTIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Itinago ng isang announcer sa radyo sa pangalang Nicole ang Pinay na ginahasa ng apat na US Marines sa Subic noong Nobyembre 1, 2005)

Hindi mabubura ng luha
ang iyong sinapit
ngunit sige, lumuha ka

Hindi mapapawi ng hikbi
ang nangyari sa iyo
ngunit, sige, humikbi ka

Upang kahit bahagya man
ay gumaan-gaan
ang iyong dinadala

At pagkatapos ng
maraming hikbi
ay pagtitiim-bagang

Ang paghahanap
sa nagtatagong
katarungan

Tanggalin mo
ang tinik na sa dibdib
mo’y nakaharang

Ilabas mo ang galit
ilantad mo ang ginawa
ng mga buhong.

Sila’y mga asal-putik
at ugaling buktot
dapat nang putulin

ang sungay nila’t buntot
humayo ka’t ilibing
sila ng iyong poot

O, Nicole, naririto kami,
huwag nang malungkot
kami’y iyong kakampi,
kaya’t huwag matakot.

Ngunit pag di ka lumaban
Pag hinayaan lang sila
Patuloy silang hahalakhak

Lahi mo’y tatawanan nila
at pag di ka kakasa,
sino na ang isusunod?

Oda sa Babaeng Pinalo ng Pulis sa Rali

ODA SA BABAENG PINALO NG PULIS SA RALI

ni Gregorio V. Bituin Jr.


napapikit ako’t napailing

nang makita kitang

nadapa at nagkalatay

dulot ng hampas ng yantok

ng isang pulis sa Mendiola

duguan pati ang iyong mukha

pumutok ang noo mo

sa hampas ng palo

ahh, putang ina

ayaw ko sanang magmura

ngunit ang ginawa nila’y

hindi makatao

hindi makamasa

hindi makatarungan

kundi ito‘y makahayop

ahh, mas masahol pa sila

pagkat kahit hayop

ay baka di iyon gawin

sa kabila ng mga ganito

tayong naniniwala’t ipinaglalaban

kung ano ang tama at mali

ipinaglalaban ang hustisya sosyal

ay magpapatuloy pagkat

karapatan nating magpahayag

karapatan natin itong lahat

ngunit bakit tayo pinipigilan

bakit pati ikaw ay lalatayan

pasensya na’t di ako nakasaklolo

pagkat lahat sa rali ay nagkagulo

nawala nga pati aking sumbrero

na bigay pa ng dating irog ko

nais kitang saklolohan

ngunit nagkakahulihan

hinuhuli ang nagsasapraktika

ng kanilang abang karapatan

pero naaalala pa rin kita

ang iyong maamong mukha

na naging kulay pula

dahil sa dugong namasa

ahh, kung nililiyag lamang kita’y

hindi ko sila mapapatawad

ngunit kasama kita sa laban

kasama kita kaya dapat ipagsanggalang

laban sa kanilang pamamalo‘t

walang puknat na karahasan

ahh, wala silang pakialam

kahit babae ka pa

pagkat ang alam lang nila

itinuturing kang kalaban

dahil umaangal ka

laban sa kanilang

pinakamamahal na amo

kaya kahit mali

sila’y magbubulag-bulagan

tulad ng asong

bahag ang buntot

sa pekeng pangulo

Di Kailangan ng Permit sa Rali

DI KAILANGAN NG PERMIT SA RALI

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Sabi ng nagmamagaling na politiko

“No permit, no rally” daw ang polisiya nito

Kung magrarali’y kumuha muna ng permit

Iyan daw ay batas na dapat igiit.


Siya pala’y sandaang beses na ungas.

Di nagbabasa nitong Saligang Batas.

Di ba niya alam na isang karapatan

Itong pagrarali maging ng sinuman.


Sa Konstitusyon, ang Artikulo Tres

Ay tungkol sa ating Bill of Rights

Kung saan sa pang-apat na seksyon

Ay nagsasabing walang batas

Na dapat isagawa kung sasagka

Sa ating karapatan sa pananalita

O pagpapahayag, maging pagkilos


Ito’y maliwanag pa sa sikat ng araw

Na dapat nating maunawaan

At ng politikong naghahari-harian.

Kaya ang pagkuha ng permit sa rally

Ay kahunghangang sagka sa karapatan.


Ah, dapat lang nating ipaglaban

Ang ating mga karapatan

Ito’y di dapat ipagkait sa sinuman

Lalo na ang kalayaan sa pagpapahayag.

Sabado, Hulyo 5, 2008

Panulat sa Labas ng Mundo

PANULAT SA LABAS NG MUNDO
ni Greg Bituin Jr.

(“US scientists from NASA spend untold sums to develop a pen that could write in weightlessness in space. Russian solution: use pencil.” Ito ang sinipi ko mula sa isang magasin at itinala ko sa aking lumang notbuk, na nahalungkat kong muli, at ngayo’y ginawan ko ng tula.)

Minsan sa magasin ay aking nabasa:
Nagpilit lumikha ng ‘sang klaseng pluma
Itong mga Amerikanong syentista
Na pawang nagtatrabaho dun sa NASA.

Gumugol ng napakalaking halaga
Sa misyong ito ang bansang Amerika
Pagkat nais nilang maimbentong pluma
Makasulat sa labas ng atmospera.

Sa daigdig ay malakas ang grabidad
Anumang ipukol agad bumabagsak
Sa labas ng mundo’y kayhina ng hatak
Kaya ang pluma’y di agad makasulat.

Sa suliranin ang Ruso’y nanorpresa
Agad nilutas ang nasabing problema
Paggamit ng lapis ang solusyon nila
Maraming natuwa sa pagkaresolba.

Sa lapis ay di na problema ang tinta
Di gaya ng ninanais nilang pluma
Payo pag sila’y nasa kalawakan na
Ay tiyakin laging maydalang pantasa.

Pangyayaring ito pag pinagnilayan
May mabuting aral na pinatunguhan
Komplikadong problema’y malulunasan
Basta’t mataman nating pag-iisipan.

Sampaloc, Maynila
Hulyo 4, 2008

Nasaan ka, Kasamang Carlos Forte

NASAAN KA, KASAMANG CARLOS FORTE
ni Greg Bituin Jr.
(nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 18)

Ang dugo mong tumilamsik at natuyo sa tigang na lupa ay isang sakripisyong hindi mawawaglit sa aming isipan
At ngayon, kasamang Carlos Forte, nakikita ka namin sa karamihan ng naghihirap na naghahangad ng pagbabago sa lipunan
Nasa mga kuyom na kamao ka ng mga aktibistang nagrarali sa Mendiola
Nasa mga mata ka ng mga organisador na handang ilaan ang kanilang panahon at kakayanan para sa ikalalaya ng masa
Nasa mga sikmura ka ng mga maralitang inalisan ng bahay ng mga berdugo, kaya ngayo’y walang matirhan at nagugutom
Nasa mga nangangalog na tuhod ka ng mga vendors na nilalapastangang parang hayop sa lansangan
Nasa mga lalamunan ka ng mga magsasakang inagawan ng lupang sinasaka
Nasa mga dibdib ka ng mga kababaihang pinagsasamantalahan, at ngayo’y humihingi ng hustisya
Nasa mga payat na bisig ka ng mga manggagawang biktima ng kontraktwalisasyon
Nasa mga noo ka ng mga estudyanteng nagninilay kung bakit may kakaunting mayayaman habang laksa-laksa ang naghihirap
Nasa lmga uha ka ng mga magulang ng dalawang sanggol na namatay sa marahas na demolisyon sa Navotas
Nasa mga ugat ka ng mga aktibistang patuloy sa pagsisiwalat ng katotohanan hinggil sa kabalintunaan ng lipunan
Nasa mga dugo ka ng mga desaparesidos na sapilitang dinukot at ngayon ay hindi pa natatagpuan
Nasa mga buto ka ng mga bilanggong pulitikal na naghahanap ng katarungan at kalayaan
Nasa mga bungo ka ng mga maralita’t manggagawang pinaslang ng mga berdugo ng estado’t kapitalista
Kasamang Carlos Forte, hangga’t lugmok sa katinuan ang naghaharing iilan
Hangga’t nakatitigatig ang mga ngisi ng mapang-aping gahaman
Hangga’t nababagabag ang mga manggagawa’t maralitang nahihirapan
Hangga’t may takot na nananahan sa bawat pitlag ng puso ng karamihan
Hangga’t ang bawat hataw ng kapitalismo ay nakahihiwa ng laman
Naririto ka, kasamang Carlos Forte
Naririto ka sa bawat dalamhati ng masang lumalaban para sa kanilang karapatan
Naririto ka sa bawat pasa ng mga aktibistang nagnanais pumiglas sa higpit ng tanikala
Naririto ka sa bawat sugat ng mga manggagawang patuloy na nakikihamok sa lupit ng sistema
Naririto ka, kasamang Carlos Forte, at patuloy kang dumadaloy sa dugo ng mapagpalaya

Ang Gyera ay Di Isang Rebolusyon

ANG GIYERA AY DI ISANG REBOLUSYON!
ni Greg Bituin Jr.

Ang giyera ay di isang rebolusyon
Pagkat dal’wang ito’y kaiba ng tugon
Sa kahirapan nga’y digma’y di solusyon
Kaya’t sa paghambing ay baka magumon.

Giyera’y paghawak ng baril at kanyon
Kaaway madurog ang pangunang layon
Girian ng lakas ang kanilang hamon
Pag utak mo’y digma isip mo’y nalason.

Rebolusyon’y hindi digma ang kapara
Kung lipuna’y layong mabago ang kara
Alisin ang lider kung ‘sang palamara
Nang ang pamayana’y madamdam ang gara.

Sagot sa problema’y di digmaang bayan
Kundi pagsusuri sa ating lipunan
Hindi baril kundi tayo’y magdamayan
Nang sistemang bulok ay ating palitan.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2001, p.8.

Hinggil sa Balitang Hoarding ng Bigas

HINGGIL SA BALITANG HOARDING NG BIGAS
ni Greg Bituin Jr.
(lalabinlimahing pantig bawat taludtod)

Nabubulok ang mga bigas sa mga bodega
Itinatago ng mga tusong kapitalista
Gayong ang mga nagugutom ay nangaglipana
Nang dahil sa tubo, nahan na ang konsensya nila?

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8.

Walang Panginoon

WALANG PANGINOON

ni Greg Bituin Jr.


Kapag may panginoon, may alipin.

Kapag may alipin, walang kalayaan.

Kapag walang kalayaan, walang dignidad.

Kaya ano ang dapat?

Dapat walang panginoon,

Upang walang alipin.

Dapat walang alipin,

Upang may kalayaan.

Dapat may kalayaan,

Upang may dignidad.

Sa madaling salita

Kapag walang panginoon

Saka lamang mararamdaman

Ng tao na siya’y

May kalayaan

At dignidad.

Dalawang Mundo

DALAWANG MUNDO
ni Greg Bituin Jr.

Naroroon sa barung-barong
mga maralita’y masasaya
bagamat sila’y naghihirap.
Naroon naman sa mansyon
ang mga mayayamang
natatakot baka makidnap.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2002, p.8.

Ang Nais Naming Kapayapaan

ANG NAIS NAMING KAPAYAPAAN

ni Greg Bituin Jr.

(sasampuing pantig bawat taludtod)


Kapayapaan ang nais namin

Ngunit hindi ang kapayapaan

Ng nakahimlay sa sementeryo

Kundi mula sa hustisya sosyal.

Hippocratic Coat

HIPPOCRATIC COAT
ni Greg Bituin Jr.

Sila ay sumumpang una itong bayan
Uunahin itong merong karamdaman
Bakit pag dumating ay isang duguan
Ang hihingin agad ay ang kabayaran?

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2001, p.8.

Resign All

RESIGN ALL

ni Greg Bituin Jr.

(sasampuing pantig bawat taludtod)


Sambayana’y ating ipagtanggol

Laban sa gobyernong nauulol

Mga pinuno’y sadya ngang bopol

Kaya’t ating isigaw, “Resign All!”

Terorista ng mga Vendors

TERORISTA NG MGA VENDORS
ni Greg Bituin Jr.
(waluhang pantig bawat taludtod)

Sila’y dakilang utusan
ng gobyerno sa lansangan.

At ang utos ng pinuno’y
agawin itong paninda
ng mga vendor sa daan.

Sunugin hanggang maabo
at maubos ang kapital
ng kawawang manininda.

Nilalapastangan nila
ang karapatang mabuhay
at makapaghanapbuhay
nitong vendors sa lansangan.

Hindi lang sila utusan
kundi mangungulimbat din
pagkat ninanakawan pa’y
mga kawawang tindera.

Sila’y pawang teroristang
kaluluwa’y halang, siga,
uto-uto, walang puso.

Ang mga panindang yao’y
inutang lamang sa Bumbay
upang may maipakain
kay Bunsong panay ang iyak.

- edited version ng unang nalathalang tula sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2002, p.8.

Hibik sa Taga-Sitio Mendez

HIBIK SA TAGA-SITIO
ni Greg Bituin Jr.
(Alay sa mga maralita ng Sitio Mendez, Baesa, Lunsod Quezon, na dinemolis sa kanilang lugar at nakabalik makalipas ang isang buwan sa kanilang lugar.)

O, Sitio Mendez, sa kasalukuyang lipunan
Bibihira ang gaya mong matindi ang paninindigan
Pero di lamang ikaw ang dapat lumaya sa putikan
Kundi buong anakpawis na sadlak sa kahirapan.

Kaya kaiingat kayo, at baka mabukulan
Huwag magpatulog-tulog diyan sa pansitan
Dahil kung hindi’y baka kayo maisahan
Maulit na muli ang mapait na karanasan.

Kaya’t panawagan nami’y inyong pakinggan
Panahon na upang baguhin ang sistema ng lipunan
Na siyang nagsadlak sa atin dito sa karalitaan
Panahon nang durugin ang pagpapasasa ng iilan.

Halina’t ipagpatuloy ang ating mga nasimulan
Agawin sa buwaya’t buwitre ang kapangyarihan
Ibigay sa uring anakpawis ang yaman ng lipunan
Tanggalin ang gapos, palayain ang sambayanan.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2001, p.8.

Sabado, Hunyo 28, 2008

Palamunin ng Manggagawa

PALAMUNIN NG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

KAPITALISTA:
Ikaw, manggagawa, bilisan mo diyan
Iyang trabaho mo’y iyo ngang paspasan
H’wag tatamad-tamad pagkat kailangan
Ang tubo ko’y dapat lumaking tuluyan.

MANGGAGAWA:
Kinukuba na nga ako sa trabaho
Ay di naman sapat itong aking sweldo
Dahil lang sa tubo na tanging hangad mo
Sa pagtatrabaho’y papatayin ako.

KAPITALISTA:
Magtigil at baka sisantehin kita
Di ka pa regular dito sa pabrika
Huwag kang umangal, hala, trabaho na’t
Baka mamatay kang dilat ang ‘yong mata.

MANGGAGAWA:
Isip ay pamilya at kinabukasan
Mahigpit din itong pangangailangan
Nagtatrabaho ‘ko nang sagad-sagaran
Kaya’t h’wag ituring na ‘yong kasangkapan.

KAPITALISTA:
Ano bang gusto n’yong mga hampaslupa
Aangal pa’y akin ang buong pabrika
Pasalamat kayo’t merong trabaho pa
Paano kung ito sa inyo’y mawala?

MANGGAGAWA:
Simple lamang naman itong aming nasa
Kami’y bayaran mo ayon sa halaga
Ng lakas-paggawang aming binebenta
Nang aming pamilya nama’y guminhawa.

KAPITALISTA:
Ikaw, manggagawa, itong tandaan mo:
Di dapat bawasan, tutubuin dito
Sumunod ka na lang, pabrika ko ito
Kung ayaw mong ikaw ay sisantehin ko!

MANGGAGAWA:
Hoy, kung hindi dahil sa’ming manggagawa
Ay hindi tatakbo ang iyong pabrika
Pakatandaan mong palamunin kita!
Ang tubo mo’y galing sa lakas-paggawa!

KAPITALISTA:
Hangad ko ay tubo, lumaki ang kita
Kaya ko pinundar ang aking pabrika.

MANGGAGAWA:
Kaya’t dapat kami’y bayaran ng tama
Pagkat kung ayaw mo, kami’y magwewelga.

KAPITALISTA:
Tubo ang hangad ko’t akin ang pabrika
Kayong manggagawa’y walang magagawa!

MANGGAGAWA:
Sa’n ka pupulutin, kung kami ay wala?
Nang dahil sa amin kaya yumaman ka!

KAPITALISTA:
Ang gobyerno’t pulis, sa akin kakampi
Subukan n’yo’t sila’y di mag-atubili.

MANGGAGAWA:
Ang gobyerno’t pulis, dudurugin kami?
Di kataka-taka, kayo’y magkakampi.

KAPITALISTA:
Sige, subukan n’yong ako’y kalabanin
At malilintikan kayong lahat sa’kin.

MANGGAGAWA:
Palamunin ka lang naming manggagawa
Subukan mo kami’t ikaw ang kawawa!

pahayagang Obrero
Disyembre 2004

Martial Law sa Piketlayn

MARTIAL LAW SA PIKETLAYN

ni Greg Bituin Jr.


Bus Linggu-linggo’y Tuloy ang Biyahe

manggagawa’y kumakayod para sa pamilya, ngunit

Biglang Lumiko ang Tunguhin ng Bus.

Napagtanto ng mga manggagawa na sa

Bawat Lakbay, Talagang Bumubundat

itong kapitalista, dahil naiisip ng may-ari’y

Basta Lumaki ang Tubo sa Bulsa.

Sumama tayo sa mga manggagawa

nagpiket, ngunit tayo’y

Biglang Linapastangan, Tineargas, Binira.

Maraming nasaktan, ngunit

hindi tayo nanghina, dahil sa

Bawat Labanan, Tayo’y Bumabalikwas

upang ituloy ang laban

hanggang sa tagumpay.


(Sinulat ang tulang ito bandang 1997 habang nakapiket ang mga manggagawa ng Batangas, Laguna, Tayabas Bus Company o BLTB Co. sa Edsa, Lunsod ng Pasay)

Kababaihan, Makialam Ka!

KABABAIHAN, MAKIALAM KA
(alay sa sentenaryo ng peminismo sa Pilipinas, 2005)
tula ni Greg Bituin Jr.

Sakdal rahas itong kasalukuyang lipunan
Pagkat nangaglilipana pa itong kaapihan
Ng mga manggagawa’t maralitang kababaihan
Mula sa komunidad at mga pagawaan.
Mula pa noon hanggang sa kasalukuyan
Kababaiha’y biktima ng sistemang gahaman.

Kababaihan, minsan ka nang itinulad kay Maria Clara
Na anak ng isang paring walang kaluluwa
Na bukod sa mahinhin ay mahina, sakitin at lampa
Ikaw raw ay Maria Clarang modelo ng babaeng Pilipina.
Nararapat nang palitan ang mga makalumang pagkilala
Pinaglipasan na ng panahon ang mga Maria Clara.

Sampung dekada na ang nakararaan
Nang ang unang peministang samahan
Ng mga mapagpalayang kababaihan
Ay maitatag at kanilang mapagyaman.
Kasaysayan na ang nasimulan nilang pakikibaka
Panahon na ng panibagong Gabriela, Liliosa’t Lorena.

Mula sa bibliya hanggang sa nobela ni Rizal
Babae’y itinulad kay Maria Clara at Sisang hangal
Apat na sulok ng bahay ang kanilang naging lugal
Ikinulong doon na pawang pagkaapi ang dumaratal.
Baguhin na ang kultura ng kawalang pagkakapantay
Palayain ang babae sa apat na sulok ng bahay.

Hanggang sa panahong ito ng globalisasyon
Dumoble pa ang pasanin ng kababaihan ngayon
Mula sa apat na sulok ng bahay, meron pang ekstensyon
Sa pabrika’y nararanasan din nila ang represyon.
Humaba lamang ang kadena ng kaapihan
Mula sa bahay patungo sa pagawaan.

Sa komunidad ng maralita’y naghihinagpis ang mga ina
Pagkat winawasak ng mga berdugo ang mga bahay nila
Ang mga anak ay apektado, kalagayan nila’y kaawaawa
Anong aasahan nila sa gobyernong wala nang ginawa?
Hindi na panahon ngayon ng mga pagtitiis
Di na dapat manatili ang buhay na hapis.

Kapitalistang sistema’y larawan ng pagkamuhi
Sa mga manggagawa’t maralitang babae
Dapat nang durugin ang mga mapag-aglahi
Dapat nang pawiin ang sistemang mapang-api.
Sa dobleng pasanin, kababaiha’y dapat nang lumaya
Dapat nang matapos ang pagsasamantala.

Di habang panahon ay panahon ng kaapihan
Kababaihan, panahon nang ikaw ay lumaban
Igalang at itaguyod ang reproduktibong karapatan
At kalayaang magpasya sa sariling katawan.
Tapusin na ang pananahimik at kawalang pakiramdam
Kababaihan, panahon nang lumaya ka’t makialam.

pahayagang Obrero
Mayo 2005