Linggo, Hulyo 25, 2021

Tumindig at manindigan

TUMINDIG AT MANINDIGAN

kaytinding sining sa facebook ni Tarantadong Kalbo
na mga dating sumasamba sa maling idolo
ngayon ay talagang nagsisitayuang totoo
upang ipakitang tumitindig sila sa wasto

nagkaisa upang labanan ang maling sistema
na siyang rason upang inosente'y madisgrasya
dahil sila'y pinagpapaslang sa utos ng Ama
ng Tokhang, na nakita ring tila tuta ng Tsina

wala ngang martial law ngunit kung umasta'y diktador
sa West Philippine Sea nga, animo siya'y bentador
lumobo ang utang ng bansa na siya'y promotor
at babagsak daw ang ekonomya kung utang pa more!

kabaluktutan ng sistema'y di dapat manaig
nagwawasak ng karapatang pantao'y mausig
pasasalamat sa lahat ng mga tumitindig
upang bayang ito'y sagipin, nagkakapitbisig

- gregoriovbituinjr.

* ctto, litrato mula sa fb

Walang komento: