Huwebes, Hulyo 29, 2021

Pangunguha ng tao, ayon sa krosword

Sa 22 Pababa ng krosword na ito, akala ko DUKOT ang "pangunguha ng tao". Dahil na rin sa isyu ng mga desaparecido. Ang sagot pala ay KALAP.

Dapat yata ang tanong ay "pangunguha ng kasapi" at hindi "pangunguha ng tao". Ano sa palagay n'yo? Dahil dito, paksang ito'y ginawan ko ng tula:

PANGUNGUHA NG TAO

sa isang krosword ay tila iba ang katanungan
kaya iba rin ang naunawa nitong isipan
dahil kaya iba ang mga naging karanasan
kaya samutsari ang natatamong kahulugan

sa krosword, katanungan ay "pangunguha ng tao"
tingin ko agad ay tungkol sa desaparecido
o dinukot sa panahon ng dahas at martial law
limang titik ang sagot, DUKOT ang isusulat ko

subalit sinagot ko muna ang mga katabi
hindi DUKOT kundi KALAP pala ang sagot dini
mukhang mali ang tanong, nasabi ko sa sarili
"pangunguha ng kasapi" ang wasto, mas mabuti

kaya sa palaisipan, mag-ingat sa pagsagot
lalo't iba ang kahulugan ng KALAP sa DUKOT
bagamat hasaan ng isip ay masalimuot
na isang pang-aliw ay may aral ding mapupulot

- gregoriovbituinjr

Walang komento: