Sabado, Nobyembre 22, 2014

Sariling aklat

SARILING AKLAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"If there's a book you really want to read, but it hasn't been written yet, then you must write it." ~Toni Morrison

kung may nais kang mabasang magandang aklat
subalit di pa pala ito nasusulat
aba'y simulan nang kathain ito't sukat
mapalathala't nang amin ding mabulatlat

nais naming mabasa ang bago mong katha
lalo't laman ay galing sa puso mo't diwa
halukipkip man niyan ay hirap at tuwa
o kaya'y mapangiti kami't mapaluha

kaysarap damhing may aklat ka nang sarili
katha mo'y kayraming tagahangang bumili
lalo na't akda'y para sa ikabubuti
ng kapwa, ng bayan, sa bayan ay may silbi

sige't akdain mo na ang aklat mong asam
ilabas mong lahat ang mga agam-agam
bakasakaling may sagot ang mga paham
nang unti-unti, suliranin ay maparam

Walang komento: