Sabado, Disyembre 7, 2024
May kolum pa sa dyaryo ang may arrest order
MAY KOLUM PA SA DYARYO ANG MAY ARREST ORDER
naulat na wala na sa bansa, Disyembre Kwatro
si Harry Roque, spokesperson ng dating pangulo
na may arrest order umano mula sa Kamara
kung wala na sa bansa, paanong darakpin siya
kolum ni Roque'y nalathala, Disyembre Siyete
kung nakalabas ng bansa, bakit ito nangyari
pa-email-email lang, kanyang kolum ay tuloy pa rin
gayong may kaso pala siyang qualified trafficking
bagamat animo'y pinaglalaruan ang batas
siyang may arrest order, kolum pa'y labas ng labas
kalayaan sa pamamahayag pa'y tinamasa
tulad ni Amado Hernandez, isang nobelista
at kumatha ng mga tulang Isang Dipang Langit
sa Bilibid sa Muntinlupa nang siya'y napiit
di pa nadakip si Roque, patuloy lang ang kolum
ah, pluma'y malaya sa harap man ng paghuhukom
pluma ng makatang tibak tulad ko'y di mapigil
kung mapiit muli't sa aktibismo'y sinisiil
tunay na sagrado ang kalayaang magpahayag
kahit sa batas ng estado'y mayroong paglabag
- gregoriovbituinjr.
12.07.2024
* ulat mula sa Pilipino Star Ngayon, Disyembre 4, 2024, p.3
* kolum mula sa Philippine Star, Disyembre 7, 2024, p.7
Manny Pacquiao, malalagay sa Boxing Hall of Fame
MANNY PACQUIAO, MALALAGAY SA BOXING HALL OF FAME
buong pagpupugay sa Pambansang Kamao
Manny Pacquiao na natatanging boksingero
nakamit niya ang iba't ibang titulo
sa walong dibisyon ay nagkampyong totoo
sa International Boxing Hall of Fame naman
sa Hunyo, sunod na taon pararangalan
tulad ni Flash Elorde ay pagpupugayan
dahil sa ambag sa boksing, sa palakasan
naging kampyon si Pacquaio sa iba't ibang weight
una, flyweight; ikalawa, superbantamweight,
sunod ay featherweight, superfeatherweight, lightweight,
superlightweight, welterweight, at junior middleweight
ang tinalong kampyon: Chatchai Sasakul, una
sunod ay sina Lehlohonolo Ledwaba,
Erik Morales, Marco Antonio Barrera,
Juan Manuel Márquez, at Oscar De La Hoya
tinalo din sina Clottey, Larios, Algieri,
Miguel Cotto, Vargas, Solis, Lucas Matthysse,
Ricky Hatton, Broner, Thurman, Timothy Bradley,
Rios, Antonio Margarito, at Shane Mosley
sa Boxing Hall of Fame, sa pagsikat ng araw
ay magniningning ang pangalang Manny Pacquiao
kaming narito'y taospusong nagpupugay
at kay Manny Pacquiao: Mabuhay ka! Mabuhay!
- gregoriovbituinjr.
12.07.2024
* ulat mula sa Philippine Star, Disyembre 7, 2024
Istranded sa ospital
ISTRANDED SA OSPITAL
di makalabas, di pa kumpleto ang bayad
ganitong sistema'y talagang nalalantad
paano makakahanap ng pera agad
lalo't lahat na ng ipon nami'y nasagad
di pwedeng promissory note sa hospital bill
dito na ba kami sa ospital titigil
parang bahay na sa isang buwang pagtigil
ngayon, parang piitan, luha'y di mapigil
higit kalahating milyon, hahanapin pa
paano ba malutas ang ganyang problema
ang professional fee ng doktor ay wala pa
aba'y labing-apat na doktor lahat sila
mag-promissory note sa doktor, maaari
ngunit di sa hospital bill, di ko mawari
baka pag di nabayaran, sila'y malugi
magpapirma sa mga doktor ang mungkahi
kaya ito muna ang aming kinakayod
hagilapin ang mga doktor ang kasunod
ramdam ko'y nadudulas sa mga alulod
nakakabangon din, may sugat man ang tuhod
- gregoriovbituinjr.
12.07.2024
Almusal
ALMUSAL
payak ang aming almusal
dito pa rin sa ospital
isang pares ng pandesal
at omelet, lutong lokal
warfarin diet si misis
gumanda kaya ang kutis
katawan kaya'y humugis
o katulad ko'y numipis
ako'y magkakape muna
habang kasama ang sinta
sana siya'y gumaling na
sa sakit na nanalasa
dito'y higit isang buwan
kayraming natutuklasan
nalalagay sa tugmaan
mula sa puso't isipan
- gregoriovbituinjr.
12.07.2024
Biyernes, Disyembre 6, 2024
Dalawang anekdota sa pinuntahan kahapon
DALAWANG ANEKDOTA SA PINUNTAHAN KAHAPON
Dalawa ang pakay ko kahapon, ang magpapirma sa mga doktor para sa promissory note at pumunta muli sa DSWD. Kaya dalawang klaseng tao ang nakausap ko - doktor at social worker.
Kailangan kong magpapirma sa labing-apat na doktor na tumingin kay misis para sa promissory note upang makalabas ng ospital. Hindi raw kasi maaari ang promissory note pag hospital bill, na dapat daw ay bayaran ng buo. Pang-apatnapu't limang araw na namin ngayon, sabi ng mga doktor ay pwede na siya lumabas. Subalit sa billing station, hindi pa hangga't di nabubuo ang bayad.
Nakapapagpapirma ako sa unang doktor na dumalaw kay misis nang magtungo ako sa kanyang tanggapan, ikasampu ng umaga kahapon. Sa ikalawang doktor naman ay nakapagpapirma ako bandang alas-onse y medya. Nang mapirmahan niya iyon, sabi niya sa kanyang sekretarya, "Ito 'yung pasyenteng takot na takot kami dahil baka mamatay. Buti naman at naagapan."
Ikalawa, nang magtungo ako sa DSWD dahil may pinakontak ang isang staff ng partylist na DSWD staff. Agad ko naman iyong pinuntahan.
Sa panayam sa akin ng social worker, at pagtingin niya sa mga papel lalo na sa SOA o statement of account, ang agad na komento niya, "Ang liit naman ng kaltas ng PhilHealth, dalawang libong piso nga kada buwan ang kaltas sa amin, at kayo naman abot dalawang milyong piso ang hospital bill, tapos limang libong piso lang ang kaltas." Wala akong naisagot kundi tango.
Sinabi ko sa social worker na tumingin ng papel na nakakuha na ako ng Guarantee Letter noong Lunes lang. "Buti sinabi mo. Dahil kung hindi, baka ibawas sa akin iyan.", sabi ng social worker. Dahil nabigyan na ako ng GL, ang ibinigay na lang niya sa akin ay food assistance na P10K, na nakuha ko naman bago mag-alas singko ng hapon.
Dalawang komento iyon na tumimo sa akin habang pauwi na ako sa ospital sa piling ni misis. Ang una, anang doktor, na muntik na palang ikamatay ni misis ang namumuong dugo sa kanyang bituka. Natatandaan ko ngang nagkaroon pa ng doctors' conference sa viber kasama si misis noong gabi bago siya operahan kinabukasan. Kaya pala, sinasabi ng mga doktor na rare case ang kaso ni misis. Nakatatlong test na, kasama ang bone marrow biopsy subalit di pa batid ng mga doktor ang dahilan ng blood clot. Subalit nabigyan naman si misis ng blood thinner.
At ang ikalawa nga ay yaong komento ng social worker sa PhilHealth ni misis, na nang tinanong ko si misis ay sinabi niyang totoo iyon. Social worker din si misis kaya alam din niya.
Ginawan ko ng munting tugmaan ang karanasan kong iyon.
DALAWANG ANEKDOTA SA PINUNTAHAN KAHAPON
yaong pahayag ni Dok ay nakagigimbal
muntik nang ikamatay ni misis ang sakit
todo bantay ang mga doktor sa ospital
upang tiyaking sakit ay di na umulit
pati komento ng social worker sa PhilHealth
ay sadyang tumimo sa aking kaisipan
ang bill sa ospital ay dalawang milyong higit
sa PhilHealth, limang libo lang ang kabawasan
dalawang anekdota iyong narinig ko
nang kinakausap ako ng mga iyon
at makadurog-puso kung iisipin mo
na di ako makatulog nang dahil doon
buti't maagap ang mga doktor, ginawa
ang nararapat upang bumuti si misis
na ngayon ay buhay pa't nagpapagaling nga
kaya ang paggaling niya'y walang kaparis
- gregoriovbituinjr.
12.06.2024
Kasabihan sa dyip
KASABIHAN SA DYIP
mayroong kasabihang
nakita sa sasakyan
agad kong kinodakan
paksa sa panulaan
kasabihang nahagip
na nakapaskil sa dyip
paalalang nalirip
na ngayo'y halukipkip
"nasa Diyos ang awa,
nasa tao ang gawa"
kalahating tanaga
nababasa ng madla
na nagsisilbing aral
habang natitigagal
lalo na't anong tagal
ni misis sa ospital
pampatanggal depresyon
na aking danas ngayon
ramdam ko'y nilalamon
ang wala ng mayroon
- gregoriovbituinjr.
12.06.2024
Balik upak
BALIK UPAK
tila ba bagong pananagalog
BALIK UPAK ang sabi sa ulat
kakaiba kumbaga sa tugtog
ang salitang nais ipakalat
dalumat naman ang kahulugan
balik upak, balik sa ensayo
may laban nang pinaghahandaan
itong magaling na boksingero
dagdag sa arsenal ng makata
ang sa ulat ay mga kataga
marahil di bago kundi luma
o gayon ang salin ng salita
napupuno ang bokabularyo
sa mga salitang pinauso
na magagamit sa tula't kwento
na ngayon ay sinisimulan ko
- gregoriovbituinjr.
12.06.2024
* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 4, 2024, pahina 12
Aklatan ko sa ospital
AKLATAN KO SA OSPITAL
tila may mini-library ako
sa ospital sa dami ng libro
na pawang noon pa'y nabili ko
at ngayon lang nababasa ito
pinagkakaabalahang sukat
bukod sa kwaderno't pluma'y aklat
malaking oras ang magbulatlat
ng pahina't paksang mapagmulat
habang bantay sa silid ni misis
basa muna't buryong ay maalis
bakit kaya may pagmamalabis
at dukha sa hirap nagtitiis
ganyang sistema ba'y nalulunok?
iyan ba sa kanila'y pagsubok?
bakit nga ba ang sistema'y bulok?
dukha ba'y malalagay sa tuktok?
bakit sa mundo'y katanggap-tanggap
na may mayaman at may mahirap
pagbabasa'y gawin nating ganap
magbasa at kamtin ang pangarap
- gregoriovbituinjr.
12.06.2024
Huwebes, Disyembre 5, 2024
Salamisim
SALAMISIM
isang buwang higit sa ospital
di sapat ang pambayad, kaymahal
narito kaming di makalabas
kundi muna mabuo ang bayad
kay misis kanina'y nasabi ko
noong nilakad ko'y dokumento
"sa ospital ay uuwi ako"
akala mo'y bahay namin ito
sana may mahanap pang salapi
baka sa lotto kami'y magwagi
magsangla kung merong pag-aari
o kaya'y magbenta na ng puri
sana'y may mahagilap pang pera
nang sa ospital makalabas na
ay, dito na ba kami titira?
gayong kwarto'y kaymahal talaga
nababaon na kami sa utang
panay lang ang paghanap, sige lang
anong gagawing pamamaraan?
upang makalabas nang tuluyan?!
- gregoriovbituinjr.
12.05.2024
Kaligtasan
KALIGTASAN
kaligtasan niya'y prayoridad
ito ang talaga kong naisip
nang karamdaman niya'y nalantad
sa akin, dapat siyang masagip
dinala sa ospital na iyon
upang magamot siyang totoo
nang di pa batid ang presyo niyon
lumobong dalawang milyong piso
subalit dapat siyang magamot
malutas agad ang sakit niya
at maligtas sa gayong bangungot
kaya agad siyang inopera
pagkat tiyak na ang kamatayan
kung bituka'y tuluyang mabulok
lapot ng dugo'y kaytindi naman
oxygen sa ugat di pumasok
bagamat sa pambayad pa'y kapos
kaya di pa makalabas dito
mahalaga siya'y nakaraos
pantustos ay hanap pang totoo
paglabas, gamutan ay patuloy
blood thinner ay madalas bibilhin
upang sa ugat ay mapadaloy
nang sa sakit tuluyang gumaling
- gregoriovbituinjr.
12.05.2024
Miyerkules, Disyembre 4, 2024
Tulok
TULOK
Una Pahalang, tanong ay TULOK
tila ba kaylalim na Tagalog
isip-isip, katugma ng TULOG
kaya Pababa muna'y sinagot
hanggang natanto ko't natandaan
sagot sa dating palaisipan
tila ba dumi sa tainga iyan
at nakita nga ang kasagutan
kahulugan ng TULOK ay LUGA
ah, nasagutan ko rin ng tama
dagdag-kaalaman sa salita
na magagamit din sa pagtula
kaya sa krosword, salamat muli
at itong utak ko'y nakabawi
palaisipan ay sadyang binhi
sa talasalitaan ng lahi
- gregoriovbituinjr.
12.04.2024
* palaisipan mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 4, 2024, pahina 11
Banner ng TFDP
BANNER NG TFDP
nakasakay akong dyip puntang pagamutan
tinatakang banner sa Kamias nadaanan
TFDP iyon, agad kong kinodakan
naghahanda na sa Araw ng Karapatan
lampas isang buwan na kami sa ospital
di ko sukat akalaing gayon katagal
na nagbabantay sa aking asawang mahal
ay, ramdam ko pa rin ang pagkakatigagal
ngunit nang makita ang banner ay sumigla
nabuhay ang loob mula pagkatulala
biglang lumakas ang katawan, puso't diwa
tila naalpasan ko ang kaytinding sigwa
kaya sa Araw ng Karapatang Pantao
sa pagkilos nila'y sasama muli ako
panata sa sarili'y magsilbing totoo
sa masa, sa maralita't uring obrero
- gregoriovbituinjr.
12.04.2024
* TFDP - Task Force Detainees of the Philippines
Martes, Disyembre 3, 2024
Pila
PILA
mahaba ang pila sa DSWD
kanina pang umaga, pumila'y kayrami
nagbabakasakaling may makuha dini
upang sa ospital, may maibayad kami
hapon na, ngunit di pa magawa ang mithi
ganyan ang buhay, kayraming bakasakali
dapat handa ka ring ang gutom ay mapawi
magbaon ka ng biskwit at tubig palagi
buti na lang, kami'y may silya't nakaupo
kundi tiyak ngalay kami sa katatayo
dokumento'y tiyakin mong kumpleto 't buo
nang di ka naman uuwing lulugo-lugo
tiyaga-tiyaga lang, sa sarili'y bilin
maya-maya lang ay makakausap na rin
ako ng social worker, kakapanayamin
para sa guarantee letter na aking kukunin
- gregoriovbituinjr.
12.03.2024
* DSWD - Department of Social Welfare and Development
* litratong kuha ng makatang gala bandang ikatlo ng hapon ng Disyembre 3, 2024
Bukangliwayway
BUKANGLIWAYWAY
kaytagal nahimbing
kay-agang nagising
agad nang naligo
baho'y pinaglaho
dapat gumayak na
at kumain muna
kaylayong totoo
ng pupuntahan ko
barya ko'y binilang
tungong pupuntahan
saan ba aabot
ang baryang nadukot
sa aking pantalon
nang tupdin ang layon
ah, kaygandang ugnay
ang bukangliwayway
- gregoriovbituinjr.
11.03.2024
Lunes, Disyembre 2, 2024
Nilay
NILAY
nakikibaka pa rin
kahit ako'y gabihin
kahit dito'y ginawin
kahit walang makain
tibak kaming Spartan
ay patuloy sa laban
nais naming makamtan
pangarap na lipunan
at dapat ding isipin
ang kalusugan natin
habang papag-alabin
ang puso't diwa pa rin
para sa masa't uri
obrero'y ipagwagi
mga pag-aaglahi'y
di dapat manatili
- gregoriovbituinjr.
12.02.2024
Linggo, Disyembre 1, 2024
40 days at 40 nights na sa ward
40 DAYS AT 40 NIGHTS NA SA WARD
umabot na kami ng apatnapung araw
at apatnapung gabi dito sa ospital
kaytagal namalagi, pagkain ay lugaw
paano'y naoperahan dito si mahal
sa isang munting sakit, maraming nakita
mula gall stone at gerd, mayroon palang blood clot
namuo ang dugo sa bituka, nagbara
at di makapasok ang oxygen sa ugat
siya'y naoperahan, hanggang naimpeksyon
ang dugo, dalawang linggong antibayotik
na anong lakas daw, ramdam ni misis iyon
at sa harap niya, ako'y di makahibik
rare case, anang mga doktor, may mayoma pa
ilang beses siyang sinalinan ng dugo
dahil anong baba ng hemoglobin niya
ah, kailan ba sakit niya'y maglalaho
nagsagawa pa nga ng bone marrow biopsy
na pangatlong eksamen kung sanhi ba'y ano
di pa batid sa pagsususuri ang nangyari
lalo't resulta ng biopsy: negatibo
mabuti't guarantee letter na'y nagsipasok
malaking tulong sa kaymahal na gamutan
kung saan kukuha ng pera'y di maarok
upang ipandagdag sa aming babayaran
- gregoriovbituinjr.
12.01.2024
The artistry and activism in me
THE ARTISTRY AND ACTIVISM IN ME
when painter Marcel Duchamp died
that was the day I was born
when massacre of students in
Tlatelolco, Mexico happened
that was the day I was born
a painter died, a future poet
was conceived from her mother's womb
protesting students were massacred
a future student and activist
was conceived from her mother's womb
in my blood is the shaper of words in Filipino
who's father is a Batangueno
who's mother is a Karay-a from Antique
who inculcated in me words that is deep
even if I was raised as a Manilenyo
also in my blood were Spartan activists
who fight for equality, justice and truth
Duchamp and the Tlatelolco students
have died the day I was born
their memory and legacy will be
in my blood, brain, heart and bone
I will continue the artist in me
I will continue the activist in me
I don't usually believe
in what they call reincarnation
I just thought that the date of their
death is the same as my birth
I was born probably to become artist of words,
as a poet, and as an Spartan activist
and that I will continue to be
to serve the people and the working class
to be one in changing the rotten system
to make a heart in a heartless world
- gregoriovbituinjr.
12.01.2024
* written while contemplating in a hospital with my wife who is still recuperating
Disyembre na naman
DISYEMBRE NA NAMAN
ramdam ang simoy ng hanging amihan
na tanda ba ng parating na ulan?
Disyembre na, marahil kaya ganyan
o climate change, klima'y nag-iba naman
unang araw ng Disyembre, World AIDS Day
a-syete, Political Prisoners Day
sa ikasiyam, Anti-Corruption Day
sa petsa sampu naman, Human Rights Day
may sanlinggo pang ang dukha'y hihibik
yaong Urban Poor Solidarity Week
na baka gawing Urban Poor Protest Week
pagkat sa hirap pa rin nakasiksik
tatlong linggo na lamang at Pasko na
paulit-ulit, wala bang pag-asa?
kayrami pang palaboy sa kalsada
kayrami pa ring hanap ay hustisya!
- gregoriovbituinjr.
12.01.2024
Sabado, Nobyembre 30, 2024
Makatang Pinoy
MAKATANG PINOY
kayraming makatang / dapat kilalanin
kaya mga tula / nila'y babasahin
pati talambuhay / nila'y aaralin
upang pagtula ko'y / sadyang paghusayin
at ngayon, naritong / binuklat kong sadya
librong Pag-unawa / sa Ating Pagtula
na aklat ni Rio / Alma, na makata
Pambansang Alagad / ng Sining sa bansa
Francisco Balagtas, / at Lope K. Santos
Marcelo del Pilar, / Benilda S. Santos
Amado Hernandez, / at Benigno Ramos
Teo Baylen, Jose / Corazon de Jesus
Teo T. Antonio, / at si Vim Nadera
Cirio Panganiban, / at si Mike Bigornia
at si Alejandro / Abadilla pala
na pawang dakilang / makata talaga
Elynia Mabanglo, / Lamberto Antonio
pati si Joi Barrios, / at Rolando Tinio
Rebecca't Roberto / Anonuevo rito
ay kahanga-hangang / makata, idolo
si Glen Sales, Joel / Costa Malabanan
Sidhay Bahaghari, / kayrami pa naman
Danilo C. Diaz, / bugtong ay sagutan
maraming salamat / sa mga tulaan
- gregoriovbituinjr.
11.30.2024
* kinatha ngayong ika-161 kaarawan ni Supremo Gat Andres Bonifacio
Lugaw na naman
LUGAW NA NAMAN
lugaw muli ang pagkain ni misis
sa ospital, sa lugaw nagtitiis
bawal muna sa kanya ang matamis
o kaya'y maalat na parang patis
aba'y pangtatlumpu't siyam na araw
na namin ngayon, pagkain ay lugaw
na pamatid-gutom sa araw-araw
rasyon ng ospital, meron pang sabaw
pinagandang tawag sa lugaw: congee
warfarin diet sa kanya'y sinilbi
sa umaga, tanghali hanggang gabi
hanggang kalagayan niya'y bumuti
pag nagsawa siya, ako'ng kakain
kaysa mapanis, di ko sasayangin
pagkat ito nama'y lamang tiyan din
at laking tipid pa para sa akin
bibilhin ko naman ang kanyang gusto
basta sakit ay di lumalang todo
paggaling niya'y pangunahin dito
kaya nakabantay talaga ako
- gregoriovbituinjr.
11.30.2024
* kinatha ngayong ika-161 kaarawan ni Supremo Gat Andres Bonifacio
Nilay sa salawikain
NILAY SA SALAWIKAIN
nagtitipon ako / ng salawikain
na marapat lamang / na pakaisipin
baka makatulong / upang paghusayin
ang buhay na iwi't / kalagayan natin
magandang pamana / mula sa ninuno
sa mga panahong / ang ilaw pa'y sulo
mga aral yaong / kanilang nabuo
kaya payo nila'y / kapara ng ginto
yaong di lumingon / sa pinanggalingan
di makararating / sa paroroonan
ang mga bayani / pag nasusugatan
ay nag-iibayo / ang kanilang tapang
pag naaning mangga'y / sangkaterbang kaing
ay alalahanin / ang mga nagtanim
sa hapag-kainan / pag may haing kanin
ay pasalamatan / kung sinong nagsaing
kapag nagkaisa / tungo sa paglaya
itong bayang api, / kakamti'y ginhawa
pag ipinaglaban / ang mithing dakila
ang ating kakampi'y / uring manggagawa
ang isa mang tingting / madaling baliin
ngunit maganit na / pag sandaang tingting
halina't alamin / ang salawikain
ng ating ninuno't / isabuhay natin
- gregoriovbituinjr.
11.30.2024
* kinatha sa ika-161 kaarawan ni Supremo Gat Andres Bonifacio
Ang mamahalin at ang mumurahing saging
ANG MAMAHALIN AT ANG MUMURAHING SAGING
nakabili ako ng saging sa 7-11
pagkat nais ko'y panghimagas matapos kumain
isa iyong lakatan subahil kaymahal na rin
ngunit ayos lang sapagkat tiyan ko'y nabusog din
hanggang mabasa ko ang isang ulat sa internet
tungkol sa banana art na sa dingding ipinagkit
na isinubasta at milyonaryo ang nagkamit
presyo'y 6.2 million dollar, wala nang humirit
tila sa kanya, presyo niyon ay napakamura
gayong sa akin, yaong bente pesos na banana
ay mahal na, talagang nakabubutas ng bulsa
magkaibang uring minulan, sadyang magkaiba
marahil ay pareho rin naman ang aming saging
kung matamis sa kanya, matamis din ang sa akin
ginawang banana art ang kanya kaya mahal din
subalit kapwa may potassium din kapag kinain
- gregoriovbituinjr.
11.30.2024
Ang makita ng makata
ANG MAKITA NG MAKATA
sa paligid ay kayraming paksa
samutsaring isyu, maralita,
dilag, binata, bata, matanda,
kalikasan, ulan, unos, baha
kahit mga karaniwang gawa
ng magsasaka at manggagawa
anumang makita ng makata
tiyak gagawan niya ng tula
tulad ng inibig niyang kusa
sinta, madla, tinubuang lupa
nasunugan, naapi, kawawa
tutula siyang puno ng sigla
pagkat buhay niya ang kumatha
at kakatha siyang buong laya
subalit di ang magpatirapa
sa mapang-api, tuso't kuhila
kung dapat, maghihimagsik sadya
upang hustisya'y kamtin ng madla
pluma niya'y laging nakahanda
maging ang katawan, puso't diwa
- gregoriovbituinjr.
11.30.2024
* kinatha sa ika-161 kaarawan ni Supremo Gat Andres Bonifacio
sa paligid ay kayraming paksa
samutsaring isyu, maralita,
dilag, binata, bata, matanda,
kalikasan, ulan, unos, baha
kahit mga karaniwang gawa
ng magsasaka at manggagawa
anumang makita ng makata
tiyak gagawan niya ng tula
tulad ng inibig niyang kusa
sinta, madla, tinubuang lupa
nasunugan, naapi, kawawa
tutula siyang puno ng sigla
pagkat buhay niya ang kumatha
at kakatha siyang buong laya
subalit di ang magpatirapa
sa mapang-api, tuso't kuhila
kung dapat, maghihimagsik sadya
upang hustisya'y kamtin ng madla
pluma niya'y laging nakahanda
maging ang katawan, puso't diwa
- gregoriovbituinjr.
11.30.2024
* kinatha sa ika-161 kaarawan ni Supremo Gat Andres Bonifacio
Biyernes, Nobyembre 29, 2024
Pakner sa paglaya ng inaapi
PAKNER SA PAGLAYA NG INAAPI
Nobyembre 29 - International Day of Solidarity with the Palestinian People
minsan, pakner kami ni Eric pag may rali
o kung may aktibidad tulad ng sa U.P.
pag sinigaw namin: From the River to the Sea!
ay sasagot ang iba: Palestine will be Free!
kaya nga, ngayong Nobyembre bente-nuwebe
na International Day of Solidarity
with the Palestinian People, kaisa kami
nila na kalayaan yaong sinasabi
habang sa uring manggagawa nagsisilbi
sa bandilang Palestino, kami'y nag-selfie
na isyu ng paglaya nila'y mapalaki
at mapalayas ang mananakop na imbi
ka Eric, mabuhay ka't pagkilos ay pirmi
sana'y dinggin ng mundo ang ating mensahe
mga kasama, makiisa tayo dine
hanggang madurog ang anumang pang-aapi
- gregoriovbituinjr.
11.29.2024
* kuha ang litrato sa unang araw ng Fight Inequality Alliance (FIA) Global Assembly mula Setyembre 4-7, 2024 sa UP Diliman
Pakikiisa sa mamamayang Palestino
PAKIKIISA SA MAMAMAYANG PALESTINO
naritong nagpupugay ng taaskamao
sa lahat po ng mamamayang Palestino
sa International Day of Solidarity
with the Palestinian People ngayong Nobyembre
nawa'y mapagtagumpayan ninyo ang laban
mula sa panunupil ng kalabang bayan
nawa lugar ninyo'y tuluyan nang lumaya
at maitatag ang isang malayang bansa
kami rito'y lubusan pong nakikiisa
kami'y kasandig ninyo sa pakikibaka
laban sa pagsasamantala't pang-aapi
upang mananakop ay tuluyang iwaksi
magkasangga tayo sa lipunang pangarap
na wala nang kaapihan sa hinaharap
lipunang makatao'y dapat maitayo
at dapat maitatag sa lahat ng dako
- gregoriovbituinjr.
11.29.2024
MABUHAY ANG MGA PALESTINO!
Nobyembre 29 - International Day of Solidarity with the Palestinian People
Ang galas pala'y mapulang lupa
ANG GALAS PALA'Y MAPULANG LUPA
may Mapulang Lupa sa Las Piñas
sa bandang Sampaloc ay may Galas
naalala ngayon at nawatas
dalawang lugar pala'y parehas
ng kahulugan, aking nalaman
mula sa isang palaisipan
sa tanong sa Talumpu Pahalang
na tunay na dagdag-kaalaman
ang galas pala'y mapulang lupa
na marahil sinasakang sadya
upang magkapalay na dakila
upang gawing bigas nitong madla
wala ako ritong diksyunaryo
pagkat nasa ospital pa ako
buti'y may krosword akong narito
may natutunan na namang bago
- gregoriovbituinjr.
11.29.2024
* krosword mula sa pahayagang Abante, Nobyembre 24, 2024, p.7
Balagtas mula bagtas, kalamyas mula kamyas
BALAGTAS MULA BAGTAS, KALAMYAS MULA KAMYAS
Sa lalawigan ni Itay sa Batangas, ang tawag sa bungang KAMYAS ay KALAMYAS na madalas isahog sa sinaing na tulingan. Nadagdagan ng "la" ang KAMYAS. Kumbaga, ang kamyas sa Maynila ay kalamyas sa Batangas. Ang aking ama'y mula sa Balayan kung saan palasak ang sinaing na tulingan. Ang kalamyas na pinatuyo mula sa pagkabilad sa araw ang paborito kong papakin sa sinaing na tulingan.
Mas napansin ko ang paggamit sa "la" ngayon nang talakayin ni Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario na ang BALAGTAS ay mula sa salitang BAGTAS. Tulad din ng kalamyas na nadagdagan ng "la" sa salita.
Binabasa ko ang aklat na Kulo at Kolorum ni Almario, pahina 31, at nabanggit niya iyon. Ayon sa kanya, "Una, dahil isang totoong Tagalog na salita ang "balagtas" - varyant ng "bagtas" at katumbas ng shortcut natin sa Ingles. Ikalawa, bahagi ng kadakilaan ng Florante at Laura ang idinulot nitong simbolikong pagbagtas ng panitikan ng ..."
Panlapi ba ang "la"? Ito ang tila sinasabi sa mga nabanggit na salita. Mayroon tayong gitlaping "la". Bukod sa Balagtas at kalamyas, may iba pa kayang salitang gumagamit ng gitlaping "la"?
Dagdag pa ni Almario, "Sa kasulatan ng binyag, isinunod ang pangalan ng makata sa pangalan ng ama na si Juan Balagtas ng Panginay, Bigaa, kaya bininyagan siyang "Francisco Balagtas."
Ginawan ko ng munting tula ang usaping ito:
GITLAPING "LA"
ani Almario, mula "bagtas" ang "Balagtas"
dahil panitikan ng bayan ang binagtas
para pala itong kalamyas sa Batangas
na dinugtungan ng gitlaping "la" ang kamyas
mga dagdag-kaalaman ang mga ito
nang mapaunlad pa ang wikang Filipino
at mabatid ng tagapagtaguyod nito
gaya ng makata't manunulat tulad ko
sa mga saliksik ko'y isasamang sadya
at magagamit sa anumang maaakda
ang gitlaping "la" ay luma ngunit sariwa
na karaniwan nang ginagamit ng madla
maraming salamat, mga ito'y nabatid
wikang lalawiganin ay may naihatid
at napagtantong kung sakaling may balakid
sa pagpaunlad ng wika'y maging masugid
- gregoriovbituinjr.
11.29.2024
Huwebes, Nobyembre 28, 2024
Pananghalian sa ospital
PANANGHALIAN SA OSPITAL
pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw
ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw
natulog siya't ibibili ko mamaya
ng kanin at ulam na gusto niyang sadya
gulay, isda't lugaw ay aking kakainin
kaysa masira't ayokong ito'y sayangin
kahit ito'y lugaw, lamang tiyan din ito
may gulay pa at bangus na uulamin ko
ganyan minsan ang buhay dito sa ospital
habang nakabantay sa aking minamahal
asam kong gumaling na siya't magpahinga
at kanyang hemoglobin sana'y magdose na
wari ko'y nasa piketlayn o bilangguan
may rasyong pagkain laban sa kagutuman
gulay, isda't lugaw man, huwag maliitin
dahil laking tipid kaysa labas kumain
- gregoriovbituinjr.
11.28.2024
Pagbabasa sa ospital
PAGBABASA SA OSPITAL
ikatatlumpu't pitong araw sa ospital
animo'y tahanan ng higit isang buwan
dito na naghahapunan, nag-aalmusal
nagbabawas, labahan, liguan, tulugan
umuwi akong bahay, saglit na lumabas
at ang aking mga libro'y agad kinuha
bumalik ng ospital at sa libreng oras
hanggang hatinggabi ako'y nagbasa-basa
kwaderno't panulat ay laging nakahanda
upang itala anumang nasok sa isip
sumagot ng palaisipan at tumula
paksa sa binasang aklat ay nililirip
lalo't ang pinayo ko sa aking sarili
basahin ang anuman, maging kasaysayan
baka may matutunan at magmuni-muni
habang nagbabantay pa rin sa pagamutan
- gregoriovbituinjr.
11.28.2024
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)
































