paglalaba'y panahon ng pag-iisip ng akda
samutsaring isyu't problema'y suriin ng diwa
kukusutin ang kwelyo'y may sasaglit sa gunita
habang dumi ng manggas ay kinukusot nang kusa
nilagyan ng sabon ang damit bandang kilikili
habang nagkukusot, ang nasa diwa'y binibini
labandero man ako'y isang tunay na prinsipe
dadalhin ko sa kaharian ang mutyang babae
ang puti at dekolor ay dapat paghiwalayin
pati ang tula't pabula'y dapat ding pagbukurin
nasa barong kinukusot ang diwang kakathain
nakalarawan ang damit na gusot at gusgusin
kwento'y nalilikha kahit pawis na'y gumigiti
habang labada'y binabanlawan nang nakangiti
ako'y magbabarong sa aking pagtatalumpati
habang binibilad sa arawan ang barong puti
nasa diwa'y nagsusulat kahit nasa bilaran
tula'y inuugit sa isipan, nagbabanlaw man
kakathang nakatitig sa makulay na sampayan
akda'y matatapos pag sinampay ay maarawan
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento