Biyernes, Agosto 15, 2008
Dear Alwina
Tubo ang Itinatahol
TUBO ANG ITINATAHOL
ni Greg Bituin Jr.
(lalabing-isahing pantig bawat taludtod)
Tubo lagi itong itinatahol
Ng mga taong tila nauulol
Pag tubo’y lumiit ay nagmamaktol
At manggagawa itong hinahabol
Ang oras natin ay lubhang ginagahol
Nitong gobyernong sadya yatang bopol
Halinang kumilos, tayo’y tumutol
At ang sambayanan ay ipagtanggol
Laban sa sistemang dapat madedbol.
Pandesal
Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).
Berdugo
Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).
Sa Kuko ng Lawin
Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).
Linggo, Agosto 10, 2008
Si Lou, si Fides
SI LOU, SI FIDES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig
dalawa silang crush ko noong elementarya
para silang diwata noong ako' y bata pa
ang isang palangiti at makulit ang isa
sa amin ngang batch noon, sila ang mga bida
parehong matalino, hanggang titig lang ako
sa reses maglalaro, sila'y susulyapan ko
wala lang di ko alam ang gagawin ko'y ano
basta't crush ko sila at pareho kong gusto
nakita nilang ako'y napingot ni Miss Josue
kaya nahiya ako't tila ako napipi
ngunit nang maghayskul na, nagkahiwalay kami
natira sila doon, pawang mga babae
mga lalaki kasi'y sa elementarya lang
sila'y pansamantala ko nang nakalimutan
nauna kong naging crush si Lou na crush ng bayan
si Fides nang paalis ako ng paaralan
sila'y naging bahagi ng aking pagkabata
kaya nasa puso ko ang kanilang gunita
minahal ko rin sila sa aking pusong bata
ka-batch na lang ang turing ngayong kami'y tumanda
Sabado, Agosto 9, 2008
Bawat Karapatan ay Butil ng Ginto
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod
mamamayan tayong di dapat matanso
ng sinumang taong may utak na liko
bawat karapatan ay butil ng ginto
sinumang aagaw ay dapat masugpo
karapatan nati'y kasabay pagsilang
at dapat magamit hanggang kamatayan
kaya karapatan ay dapat igalang
ng sinumang tao, gobyerno't lipunan
karapatan natin ang makapagpahayag
ito'y karapatang di dapat malabag
isang moog itong di dapat matibag
tanganan ito't di tayo patitinag
karapatan natin ang mag-organisa
ng manggagawa at karaniwang masa
sa mga samahan, unyon at iba pa
ng may isang layon at pagkakaisa
karapatan natin ang tayo'y mabuhay
may trabahong sapat at nakabubuhay
ng ating pamilya, meron ding pabahay
at tatlong beses ding kakain ng sabay
karapatan nating maging malulusog
di nagkakasakit, sa buhay pa'y busog
asikasong pantay-pantay di man irog
tinatanggap kahit ospital ma'y bantog
nakatala itong mga karapatan
sa mga deklarasyong pandaigdigan
na dapat basahin at maunawaan
ng lahat ng bansa at pamahalaan
pag sinaling itong karapatang buo
ipagtatanggol diligin man ng dugo
pagkat karapatan ay butil ng ginto
di tayo papayag na tayo'y matanso
Aklat
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig, soneto
Dahil sa ilang aklat, lumaya tayo
At pinalaya tayo ng ilang libro
Unang basahin ang mabubuting libro
Baka pagkakataong basahin ito
Ay mawala na pagkat tayo'y natuliro.
Ang aklat na turing nati'y kaibigan
Ay piling-pili at kakaunti lamang
Yaong taong ayaw talagang magbasa
Ng mabubuting libro'y walang sinabi
Sa talagang di nakapagbasa nito.
Marami tayong librong mabubulatlat
Ngunit piliin lang ang mabuting aklat
Pagkat matututo tayo't mamumulat
Sa mga aral doong madadalumat.
Lunes, Agosto 4, 2008
Gawing Bilog ang Tatsulok
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
1
Kung itutulad itong bayan sa tatsulok
Elitista’t mayayaman ang nasa tuktok
Makikitang ito’y isang sistemang bulok
Pagkat dalita’y sa ilalim nakalugmok.
2
Ang tatsulok ay dapat nating baligtarin
Ito’y panawagan ng marami sa atin
Ako’y umaayon pagkat pangarap ko rin
Na mabago na itong kalagayan natin.
3
Halina’t ating baligtarin ang tatsulok
Upang uri’y mawala sa lipunang bulok
Nang mawala rin ang mga pinunong bugok
Na sa bayan natin ay nakapagpalugmok.
4
Tatsulok itong ginawang paglalarawan
Nitong uri ng tao sa ating lipunan
Lalo’t sa malaking agwat ng kalagayan
Ng mga mahihirap at ng mayayaman.
5
Balisunsong ang binaligtad na tatsulok
Na anyo’y imbudo o konong nasa sulok
Ang tatsulok ba’y dapat gawing balisunsong
O ito ba’y mas dapat gawin nating bilog?
6
Subukan ngang tatsulok ay baligtarin mo
At pabayaan kung makakatayo ito
Tiyak na babagsak ang isang gilid nito
At ang hahalili’y tatsulok namang bago.
7
Nais natin na ang pribadong pag-aari
Ng kagamitan sa produksyon ay mapawi
Pagkaapi’t kahirapa’y ito ang sanhi
At lumikha nitong lipunang makauri.
8
Ang tatsulok ay dapat nating gawing bilog
Upang makauring lipunan ay malasog
At itong pribadong pag-aari’y madurog
At pantay na sistema ang ating mahubog.
9
Sa sistemang bilog, wala nang mga uri
Wala na ring kapitalistang maghahari
Wala na ring elitistang mang-aaglahi
Pagkat pantay-pantay na ang lahat ng lahi.
10
Gawing bilog ang tatsulok na kalagayan
Nang wala nang naghihirap sa ating bayan
Itong sistema’y baguhin nating tuluyan
At itayo na ang panibagong lipunan.
11
Itatag natin ang isang bagong sistema
Isang lipunang walang pagsasamantala
Isang sistemang mapagkalinga sa kapwa
At lipunang makatao para sa masa.
12
Dito’y igagalang lahat ng karapatan
Ng bawat sektor sa bago nating lipunan.
Dito’y iisipin ang bawat kapakanan
At pagkakapantay-pantay ng kalagayan.
13
Magbabago rin ang takbo ng kasaysayan
Pagkat pribadong pag-aari’y wawakasan
Kaya pagkagahama’y wala nang batayan
Pag-ibig ang iiral sa sangkatauhan.
14
Mga kaugalian din ay magbabago
Sa maitatatag na bagong sosyalismo
Pagpapakatao’t makipagkapwa-tao
Ang siyang gawi ng bawat isa sa mundo.
Sampaloc, Maynila
Agosto 4, 2008
Sa Sisne ng Panginay (Alay kay Francisco Balagtas)
Hanggang Kailan Magtitiis
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(13 pantig bawat taludtod)
1
Pag-aring pribado ng mga kagamitan
Sa produksyon ng kalakal sa mga bayan
Ang siyang dahilan ng ating kahirapan
Kaya’t dapat itong mawala nang tuluyan.
2
Hangga’t pribadong pag-aari ng iilan
Ang mga lupain at pabrika sa bayan
Hangga’t lakas-paggawa’y pinagtutubuan
Hangga’t may agwat ang mahirap at mayaman
3
Hangga’t nagpapatuloy pa ang kurakutan
Hangga’t di binabago ang pamahalaan
Hangga’t marami sa ati’y ayaw lumaban
Hangga’t marami ri’y nagmamaang-maangan.
4
Mananatili pa rin itong pagkaapi
Hangga’t nagbubulag-bulagan ang marami
Hangga’t sa panawagan sila’y mga bingi
Sa pagbabagong atin ngayong minimithi
5
Ang mga panawaga’y kailan diringgin?
Aping kalagaya’y kailan babaguhin?
Kapag marami na ang namatay sa atin?
Ang tatsulok ba’y ating pananatilihin?
6
Hindi na panahon ng patunga-tunganga
Organisahin na ang uring manggagawa
At ipatimo ang misyong mapagpalaya
Tungo sa pagbabago ng lipuna’t bansa.
7
Dapat mawala ang pribadong pag-aari
Upang wala nang sa atin ay mang-aglahi
Sa susunod na yugto ito’y mapapawi
At dignidad ng paggawa’y mananatili.
8
Ibagsak na natin itong kapitalismo
At sumulong tayo sa yugtong panibago
Ating itatayo ang bagong sosyalismo
Para sa pakinabang ng lahat sa mundo.
Sampaloc, Maynila
Agosto 2, 2008
Sabado, Agosto 2, 2008
Numero

NUMERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(13 pantig bawat taludtod)
1
Bata pa ako’y nahilig na sa numero
Nahiligang magkwenta ng kung anu-ano
Mula pamasahe, sukli, anumang presyo
Matematika’y sadyang kinagiliwan ko.
2
Sa mataas na paarala’y kita ito
Sa ibang aralin ay sadyang kaybaba ko
Ngunit nakuha ko’y matataas na grado
Pag ang paksa’y may kaugnayan sa numero.
3
Kaya naman ang mga kinuha kong kurso
Sa mga bukasyunal at sa kolehiyo
Ay may kaugnayan sa pag-iinhinyero
Sa pagkokompyuter at sa elektroniko.
4
Ang iba’y natatakot kapag may numero
Tila tingin dito’y pawang mga simbolo
Ng halimaw o ng kung sinumang demonyo
Na dapat pangilagan pagkat hindi santo.
5
Numero’y bahagi na ng buhay ng tao
Mula sa pagsilang hanggang kamatayan mo
Sa bawat pagbaba’t pagtaas ng numero
Lahat tayong mamamayan ay apektado.
6
Gaano kalayo ang Mars sa ating mundo?
Ang sukat ng araw ba’y ilang diyametro?
Gaano kalalim ang dagat-Pasipiko?
Ilang dipa ba ang taas ng bundok-Apo?
7
Ilan na ngayon ang populasyon ng tao?
Ilan ang namatay sa digmaan sa Gulpo?
Ilan na ang nagugutom na Pilipino?
Ilan ang isinilang sa bawat minuto?
8
Ilan bang manggagawa ang naging minero?
At ilan naman ang nakasakay ng barko?
Ilang obrero ang nawalan ng trabaho?
Ilang manggagawa ang may mababang sweldo?
9
Ilang bahay ba ang dinemolis sa Tondo?
At ilang pamilya naman ang apektado?
Ilang manininda ang wala nang negosyo?
Ilang aktibista ang napukpok sa ulo?
10
Ang bigas ngayon, magkano ang bawat kilo?
Pamasahe sa dyip at bus ngayo’y magkano?
At sa binayaran, tama ba ang sukli mo?
Badyet mo ba’y kasya para sa buong linggo?
11
Sa halalan, tama ba iskor ng pangulo?
Nagdagdag-bawas ba ang mga pulitiko?
Magkano ang pambayad-utang ng gobyerno?
Magkano naman ang nakurakot sa pondo?
12
Pag bigas at langis nga’y tumaas ang presyo
Tayo’y nagagalit at nag-aalburuto!
Saan na ba natin kukunin ang panggasto?
Gayong di na magkasya itong ating sweldo.
13
Ramdam daw ang kaunlaran ng Pilipino
Gayong umunlad lang ay yaong nasa pwesto!
Progreso nama’y di ramdam ng mga tao!
Tila minadyik ba ang batayang numero?
14
Ang pandaraya bang ito’y sumisimbolo
Sa uri ng lipunang di para sa tao
Ganito ba sadya itong kapitalismo
Na patuloy na niyayakap ng pangulo?
15
Kaya minsan ay napapag-isip-isip ko
Maari kaya akong maging pulitiko?
O kaya ay maging kawani ng gobyerno?
At maging madyikero ng mga numero?
16
Sa numero’y dapat ding maging makatao
At sa pagbibilang ay maging tapat tayo
Huwag katakutan itong mga numero
Pagkat bahagi na ng buhay natin ito.
17
Kung nais natin ng tunay na pagbabago
Sa ating mundo, sa lipunan at gobyerno
Tungo sa isang daigdig na makatao
Itong numero’y gamitin natin ng wasto.
18
Kung sakaling may ibibigay na trabaho
Sa inyong abang lingkod hinggil sa numero
Kung kaya’y tatanggapin, munti man ang sweldo
Huwag lang tagabilang ng poste sa kanto.
Sampaloc, Maynila
Agosto 1, 2008
Pahiram ng Panindi ng Yosi
Huwebes, Hulyo 31, 2008
Ang Nais ng Maestro'y Estratehista
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(14 pantig bawat taludtod)
Minsan isang hapon ay nakipagtalakayan
Ang isang alagad sa maestro ng digmaan
At ang kanyang tanong, “Maestro, halimbawa man
May tatlong kawal kayong inyong maaatasan
Sino sa kanila ang inyong pagpipilian?”
Itong bunying maestro’y agad pumakli naman
“Sinuman sa kanilang handang tigre’y ahitan
O susuong sa laban ng walang pakialam
Kung siya’y mabubuhay pa o hindi sa laban,
Ang gayong kawal ay ayokong maging tauhan.”
“Ang nais ko’y yaong bagamat nahihirapan
Sa mga hakbangin ay napakaingat naman,
Siyang nais magtagumpay sa pamamagitan
Ng estratehiyang pinag-isipang mataman.
Ang tulad niya ang dapat pagkatiwalaan.”
Ang Mga Mapanisi
Miyerkules, Hulyo 30, 2008
Sa Paglalayag ni Lanyag
Sa Paglalayag ni Lanyag
tula mula sa panagimpan ni Matang Apoy
(labing-apat na pantig bawat taludtod, labing-apat na taludtod)
Pagbati ng “Magandang Araw” sa iyo, Lanyag
Bating simpula ng araw sa sangmaliwanag
Ikaw’y inspirasyon ko sa aking pagsisipag
Nais kong sabayan ka sa iyong paglalayag.
O, Lanyag, talastas mo na itong aking lihim
Ikaw’y laging naroon sa aking paninimdim
Ikaw ang aking bituin sa gabing madilim
Kung puso ko’y masawi, iyo bang maaatim?
Madurog man ng tupang pula ang mga linta
At itong parokya ni gorio man ay magiba
Akong si Matang Apoy, handa pa ring tumula
At magpapatuloy pa rin sa aking adhika
Na sa iyong paglalayag, sasamahan kita.
Ngunit sa aking paglalayag, sasama ka ba?
Lunes, Hulyo 21, 2008
Masa'y Pinepeste
Dapat Maghimagsik
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(10 pantig bawat taludtod)
Karahasan ang inihahasik
Nitong kapitalismong mabagsik
Uring manggagawa’y humihibik,
“Obrero’y dapat nang maghimagsik!”
Tunay na Kulay ng Kano
TUNAY NA KULAY NG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Mga Kano’y tuwang-tuwang
Makipaglaro kay Kamatayan
Kung ilang mga inosenteng
Masa’y kanilang pinapaslang.
Huwag Pasaway
HUWAG PASAWAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Mahal na ina’y pinagkakautangan
Nitong taglay nating dignidad at buhay
Tayo’y galing sa kanyang sinapupunan
Kaya’t tayong anak ay huwag pasaway.
Silang Mga Paslit
SILANG MGA PASLIT
(Sa mga batang namatay sa bomba
ng
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Mahigit isang dekada na ang nakaraan
Walang muwang na naglalaro
Ang mga batang Iraqi
Sa kapwa nila bata
Masaya silang naglalaro
Masayang-masaya
At hindi alintana
Ang darating na panganib
Masaya silang naglalaro
Masayang-masaya
Hanggang sa ang kanilang palaruan
Ay tamaan ng isang
Laser-guided missile
Mula sa sasakyang pandigma ng Merika
Sa pag-aakalang ang kanilang lugar
Sa lugar na kanilang pinaglalaruan
Naroroon ang mga heneral ni Saddam
Ang mga batang kanina’y naglalaro
Masayang-masayang naglalaro
Ngayon ay duguan, wala nang buhay
Ah, patuloy pa rin silang naglalaro
Ngayo’y malungkot na naglalaro
Pagkat inagaw na ng mga Merkano
Ang kanilang buhay at kinabukasan
Ang mga bata’y malungkot na naglalaro
Doon sa kabilang buhay.
Hibik ni Dok
Pagbati kay Macario Sakay
3 maikling tula ng pag-ibig
Sa Quiapo, Isang Pagtatanong
SA QUIAPO, ISANG PAGTATANONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Napakaraming tumatambay na pulubi sa simbahan ng Quiapo
Ngunit walang magawang tulong ang simbahan
Kundi limos na nanggagaling sa bulsa ng mga nagnonobena
Tila nais lamang ng simbahan ay mga ritwal
At mga baryang inihuhulog ng mga manong at manang
Manhid ba ang mga nagsisimba, pati madre’t pari
Sa kalagayan ng mga naglipanang pulubi
O ang iniisip lang nila’y ang kaligtasan ng sarili?
Lunes, Hulyo 14, 2008
Higanteng Tulog ang Uring Manggagawa
HIGANTENG TULOG ANG URING MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
1
Itong manggagawa ang mapagpalaya
Kapara’y higanteng tulog pa ang diwa
Na pag nagising maliligtas ang madla
Mula sa paninipsip ng mga linta.
2
Manggagawa ang bumubuhay sa madla
Ngunit bakit sila ang nagdaralita
Laging binabarat ang lakas-paggawa
Ng tinawag na hukbong mapagpalaya.
3
Manggagawa ang sa lipuna’y nagpala
Ngunit nabubuhay sa dusa at luha
Ngayo’y tulog pa ang uring manggagawa
At nagmimistulang higanteng kawawa.
4
Uring manggagawa’y isang dambuhala
Na nagpapagalaw sa mundo at bansa
At kung magigising ay kayang sumila
Sa lipunan, gobyerno, mundo at bansa.
5
Atin ngang suriin itong kalagayan
Ng ating bayan at ng pamahalaan
Lantarang tayo’y sakal sa lalamunan
Nitong mga kapitalistang gahaman.
6
Inangkin na nila likas nating yaman
Pabrika’t lupai’y inari din naman
Pati kababaya’y wala nang matirhan
At maralita’y ipinagtatabuyan
7
Itong kapitalista’y hamig ng hamig
Ng tubo sa pabrika, kuryente’t tubig
Bigas, langis, itong presyo’y kinakabig
Sino ba ang sa kanila’y mang-uusig?
8
Pinairal nila ang patong at lagay
Kaya sa kurakot maraming nasanay
Itong baya’y unti-unting pinapatay
Kalagayan nati’y nagmistulang bangkay.
9
Sa lipunan ngayo’y tubo ang batayan
Ng pag-iral sa mundo at kabuhayan
Kung sinong may malaking tubo’t puhunan
Ay kikilalaning makapangyarihan.
10
Pribadong pag-aari ng kasangkapan
Sa paggawa ng produksyon sa lipunan
Ang siyang dahilan nitong kahirapan
At pagpapasasa ng mga gahaman.
11
At balewala ang mga naghihirap
Pagkat walang mga pag-aaring ganap
Pag maralita ka’y di katanggap-tanggap
Sadyang di ka pag-uukulan ng lingap.
12
Pagkat ito’y sistemang kapitalismo
Na siyang nagdulot ng pagkatuliro
Sa mga obrero’t karaniwang tao
Sadyang mapanlamang ang sistemang ito.
13
Kayhimbing matulog ng kapitalista
Kahit alam nilang obrero’y gutom na
Ngunit pag nabawasan ang tubo nila
Munti man ang bawas ay nababalisa.
14
Kaya obrero’y pinanatiling himbing
Ng kapitalistang sa tubo ay sakim
Pagkat alam nilang pag ito’y nagising
Sila’y tuluyan na nitong ililibing.
15
At ang globalisasyo’y ginawang salik
Ng kapitalista’t gobyernong nagtalik
Upang manggagawa’y di na makaimik
At madurog ang diwang naghihimagsik.
16
Welga’t pag-uunyon ay agad sinakal
Pinatakarang sa puhuna’y sagabal
Kontraktwalisasyo’y agad pinairal
Pag pumalag, ang obrero’y matatanggal
17
Dapat maghimagsik na ang manggagawa
Magkaisa ang hukbong mapagpalaya
At sila’y maghanda sa pamamahala
Ng mga pabrika at ng bawat bansa.
18
Ating tandaang may dakilang tungkulin
Ang mga obrerong dapat niyang gawin
Siya’y may misyong ang sistema’y baguhin
At ang tanikala’y tuluyang lagutin
19
Kaya manggagawa’y dapat nang gisingin
Humayo tayo’t sila’y pakilusin
Ipaunawa ang dakilang layunin
Magpatuloy na sila’y organisahin.
20
Baguhin na ang naghaharing sistema
Na iilan lamang ang nagpapasasa
Habang milyon-milyon itong nagdurusa
Halina’t maghanda sa pakikibaka.
21
Pag ang manggagawa’y tuluyang nagising
Ang buong burgesya’y kanyang lulusawin
Bulok na sistema’y kanyang dudurugin
At doon sa kangkungan ay ililibing.
22
O, manggagawang may tungkuling matayog
Sa lumang sistema’y kayo ang dudurog
Sa bagong lipunan kayo ang huhubog
Kaya magbangon na, O, higanteng tulog!
23
O, manggagawa, kami’y pakinggan ninyo
Tanggalin na ang pag-aaring pribado
Nitong gamit sa paggawa ng produkto
Upang makinabang ang lahat ng tao.
24
Kaya gumising na kayo at magbangon
Harapin nyo ang makasaysayang hamon
Bagong sistema’y paghandaan na ngayon
At gampanang mahusay ang inyong misyon
25
Nasa inyo ang landas ng pagbabago
Hawakan na ninyong mahigpit ang maso
Durugin ang bagsik ng kapitalismo
At itayo ang lipunang sosyalismo.
Ang Sepulturero
ANG SEPULTURERO
(8 pantig bawat taludtod)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
kaming mga manggagawa
ang siyang sepulturero
ng uring kapitalista
sila’y aming ibabaon
sa lupang kailaliman
upang sila’y tuluyan nang
maglaho sa mundong ito
at di na magsamantala
Kapitalismo 101
KAPITALISMO 101ni Gregorio V. Bituin Jr.
1
Ang kapitalismo pag yumakap
Tila nanggagahasa ng dilag
Lagi na lang tubo ang apuhap
Birhen sa paggawa’y nilalaspag.
2
Kapitalismo’y sistema ng mandarahas
Ng mga mapang-api’t mga talipandas
Mga kasama, hawanin natin ang landas
Upang bulok na sistema’y agad mautas.
3
Kapitalismo ay anong katuturan
Kung tingin nito sa babae’y laruan
Kapitalismo’y sadyang walang paggalang
Sa babaeng kalahati ng lipunan.
ang larawan ay mula sa http://seeingredradio.files.wordpress.com/2009/09/600px-capitalism_graffiti_luebeck1.jpg
Dapat Walang Panginoon
DAPAT WALANG PANGINOON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Panginoong may-alipin
Nag-aari ng mga mahihina
At bihag na tribu
Sa panahong iyon nalikha
Ang Pyramide sa Ehipto
At ang Great Wall sa Tsina.
Panginoong maylupa
Ang magsasaka’y itinali
Sa sistemang pyudal
Sa panahong iyon lumakas
Ang simbahan, na malalawak
Na lupain ay kinakamkam.
Panginoong may kapital
Manggagawa’y kinakalakal
Pinasasahod ngunit binabarat
Ang lakas-paggawa
Sa panahong ito umiiral
Ang salot na globalisasyon.
Panahon namang ating dalhin
Sa mas mataas na antas
Ng pag-unlad itong lipunan
Kung saan
Walang panginoong may-alipin
Walang panginoong maylupa
Walang panginoong may-kapital
Kundi lipunang may paglaya
Ang bawat mamamayan.
Alamat ng Lugaw
ALAMAT NG LUGAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
nais ko’y kumain nang masasarap,
ng mga pagkaing masusustansya,
pritong manok, bangus, o porkchop
ngunit mga ito’y pagkamamahal,
di kaya ng bulsa, wala bang mura,
aba’y meron, may murang lugaw
may lugaw na limang piso sa kanto
lugaw na naman, magtatalo na
naman ba tayo? araw-araw na lang
nagtitiis pagkat lagi na lang lugaw,
oo, lugaw na naman, walang katapusang
lugaw, lugaw sa umaga, lugaw sa tanghali
pati sa gabi, lugaw, Lugaw, LUGAW,
wala na bang iba, aaaahhhhhhh!!!!