Huwebes, Hulyo 31, 2008

Ang Mga Mapanisi

ANG MGA MAPANISI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(12 pantig bawat taludtod)

1
Bakit ba may taong mahilig manisi
Na laging bukambibig pag may nangyari
“Hindi ako! Siya kasi! Ikaw kasi!”
At di muna tingnan ang kanyang sarili.
2
Kaytagal na ng ganitong kalagayan
Ang paninisi’y naging kaugalian
May isang kwentong alam ng karamihan
Na sa tinuran ko’y magsasalarawan.
3
Nang sa kasabikan si Eba’y pumitas
Ng sa Eden ay pinagbawal na prutas
Siya’y sinita sa kinaing mansanas
Agad na sinisi ni Eba’y ang ahas.
4
“Hindi ako! Wala akong kasalanan!
Yaong ahas ang siyang may kagagawan!”
Ngunit si Eba rin ang may kasalanan
Alam nang bawal ay nagpabuyo naman.
5
Sa malambing na pagsuyo ng katuwang
Pumayag rin si Adan sa kagustuhan
Sa takot marahil na siya’y iwanan
Ng magandang Ebang kanyang kinalugdan.
6
At si Bathala sila’y kinagalitan
Kaya nahubdan sina Eba at Adan
Sa paraiso sila’y pinagtabuyan
Habang ang ahas sa Eden ay naiwan.
7
Hindi ba’t pasiya ni Ebang pitasin
Ang prutas na ipinagbawal pa man din
Di ba niya alam yaong papalarin
Kung ang mansanas ay kanilang kukunin?
8
Kung itong si Eba’y sadyang masunurin
Di siya papayag siya ma’y pilitin
Ngunit nagpasiyang prutas ay kainin
Sa bandang huli’y iba ang sisisihin.
9
Tulad din ng tao sa kasalukuyan
Hahanap lagi ng mapapagbintangan
Nag-iisip kung paano malusutan
Ang mga ginawa niyang kasalanan.
10
Ang paninisi’y tinig ng karuwagan
Di kayang tumanggap ng katotohanan
Na kaya naman sila nagkakaganyan
Sa ibinunga ng gawa’y mabigatan.
11
Sila kung ganya’y atin bang masisisi
Na ibintang sa iba yaong nangyari
Sila ba’y titingin sa mga sarili
Kung alam nilang sila’y mapapalungi?
12
Yaong munting maling gawa naman natin
Ay huwag nang tumangging ating aminin
Huwag nang ang iba ang ating sisihin
Nang maibsan ang sakit ng saloobin.
13
Ngunit kung nanisi ka’t nais lumusot
Dahil matindi ang napasukang gusot
Ang problema mo’y sadyang masalimuot
Huwag kang umamin, ikaw’y pumalaot.
14
Sarili’y ipagtanggol kaysa mapiit
Iba ang maysala ay iyong igiit
Sayang ang buhay mo kapag nabilibid
Tiising ang budhi mo’y mayroong bahid.
15
Ngunit anuman ang iyong kasalanan
Sa bandang huli’y dapat mong pagsisihan
Kaysa habambuhay mong pagdurusahan
At dala ng budhi hanggang kamatayan.
16
Hingi ko sa inyo’y isang paumanhin
Kung di bagay ang halimbawang diniin
Ngunit kayo nama’y di ko sisisihin
Huwag lang ang tula ko’y lait-laiitin.

Walang komento: