Sabado, Agosto 9, 2008

Bawat Karapatan ay Butil ng Ginto

BAWAT KARAPATAN AY BUTIL NG GINTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

mamamayan tayong di dapat matanso
ng sinumang taong may utak na liko
bawat karapatan ay butil ng ginto
sinumang aagaw ay dapat masugpo

karapatan nati'y kasabay pagsilang
at dapat magamit hanggang kamatayan
kaya karapatan ay dapat igalang
ng sinumang tao, gobyerno't lipunan

karapatan natin ang makapagpahayag
ito'y karapatang di dapat malabag
isang moog itong di dapat matibag
tanganan ito't di tayo patitinag

karapatan natin ang mag-organisa
ng manggagawa at karaniwang masa
sa mga samahan, unyon at iba pa
ng may isang layon at pagkakaisa

karapatan natin ang tayo'y mabuhay
may trabahong sapat at nakabubuhay
ng ating pamilya, meron ding pabahay
at tatlong beses ding kakain ng sabay

karapatan nating maging malulusog
di nagkakasakit, sa buhay pa'y busog
asikasong pantay-pantay di man irog
tinatanggap kahit ospital ma'y bantog

nakatala itong mga karapatan
sa mga deklarasyong pandaigdigan
na dapat basahin at maunawaan
ng lahat ng bansa at pamahalaan

pag sinaling itong karapatang buo
ipagtatanggol diligin man ng dugo
pagkat karapatan ay butil ng ginto
di tayo papayag na tayo'y matanso

Walang komento: