Sabado, Abril 4, 2026

Pagtaguyod sa kapwa makata't tulâ

PAGTAGUYOD SA KAPWA MAKATA'T TULÂ
‎
‎itinataguyod ko ang kapwa makatâ
‎pati mga pinaghirapan nilang tulâ
‎ganyan ang adhikain ko't nasasadiwà
‎kapara'y Batute't Balagtas na dakilà
‎
‎pag sa iwing haraya'y mayroong makatas
‎paglalambing ng dila'y nagiging madulas
‎ang pananalinghaga'y agad mawawatas
‎parang walang kupas na Batute't Balagtas
‎
‎itutulâ ko sa pusikit na karimlan
‎ang diwà ng mga makatang kaibigan
‎kaisa sa kanilang ipinaglalaban,
‎pananaw, akala, isinasalarawan
‎
bagamat wala man kami sa toreng garing
‎kami'y magkasangga gaano man kadilim
‎ang bukas dahil sa digma't pagkagupiling
‎may bagong umaga't rosas na masisimsim
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.04.2026
‎
‎* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Biyernes, Abril 3, 2026

Nagsasayaw nang mag-isa

NAGSASAYAW NANG MAG-ISA
‎
‎ako'y nagsasayaw nang mag-isa
‎sa musika ng mga harana
‎kunwa'y hawak ang kamay ng sinta
‎nakapikit, naririto siya
‎
‎para akong baliw, umiiyak
‎hanap ang kanyang mga halakhak
‎kahapon namin pa'y nag-aantak
‎sa puso't diwà na'y nakatatak
‎
‎tila ba ayoko nang magising
‎sa pag-idlip at pagkagupiling
‎nais kong magpatuloy na himbing
‎magkahawak yaong kamay namin
‎
‎paumanhin sa patak ng luhà
‎na tilà lansangan ay binahâ
‎ganito lang ang abang makatâ
na di ko naman mapagkailâ
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.03.2026

Luhà ko'y tila patak ng ulan

‎LUHÀ KO'Y TILA PATAK NG ULAN
‎
‎luhà ko'y tila patak ng ulan
‎luhang payak lang kung iyong tingnan
‎subalit wasak ang kalooban
‎nang aking sinisinta'y lumisan
‎
‎nakangiti sa harap ng iba
ngunit puso ko'y hirap talaga
‎ang pinangarap namin ng sinta
‎ay bulang tuluyang naglaho na
‎
may pamilyang itinataguyod
‎ang pagsasama'y nakalulugod
‎subalit para akong nalunod
‎sa dagat ng kawalan, sumudsod
‎
‎saan pa susuot ang tulad ko?
‎buti't inaalalayan ako
‎nitong panitikan, tula't kwento
‎na binubúhay akong totoo
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.03.2026

Sa puntod ng sinta

SA PUNTOD NG SINTA
‎
‎kaylayo man, ako'y nakarating
‎sa puntod ng sintang tinatangi
na ang alay ng makatang taring
‎ay tula't di maiwasang hikbi
‎
‎gumuhò ma'y lahat ng pangarap
‎ay dapat magpatuloy ang búhay 
‎kayâ kailangan kong magsikap
‎at tagumpay ko'y sa sinta alay
‎
‎may libreto na ng mga tulâ
‎subalit wala pa ring nobela
‎ako ma'y isang abang makatâ
‎nangangarap maging nobelista
‎
‎narito ako sa kanyang puntod
‎na pag-ibig ang ibinubulong
‎na sa sumpaa'y di tatalikod
‎pagkat puso'y siya ang kadugtong 
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.03.2026

Sa mga kurakot ngayong Biyernes Santo (14th Black Friday Protest ng 2026)

‎SA MGA KURAKOT NGAYONG BIYERNES SANTO
‎
‎sa mga kurakot, tuso,
‎buwitre't buwayang trapo:
‎kayong kawatan sa pondo
‎ng bayan, magsisi kayo!
‎
‎ang inyong pangungurakot
‎ay dusa't hirap ang dulot
‎sa masa, kayo'y managot
‎at di dapat makalusot
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.03.2026
‎14th Black Friday Protest ng 2026

Huwebes, Abril 2, 2026

Pusong Bato, Tulâ 1

‎PUSONG BATO, TULÂ 1
‎
‎narinig ko na ang awiting "Pusong Bato"
‎hinggil sa taong walang pakialam, bato
‎pusong kaytigas, tila di matibag ito
‎kawawà lang ang umiibig na totoo
‎
‎sa Bontoc, sa pinuntahan kong plasa rito
‎bago magpasa-Barlig, nilitratuhan ko
‎yaong inapakang totoong Pusong Bato
‎tunay na itsurang pusò ang batong ito
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.02.2026
‎
‎* kuha malapit sa istasyon ng Coda Lines bus sa Bontoc, Mountain Province

Di kumakain pag bibiyahe

DI KUMAKAIN PAG BIBIYAHE
‎
‎di kumakain pag bibiyahe
‎ganyan madalas yaong diskarte
‎magutom na, huwag lang magtae
‎kayhirap magtae sa biyahe
‎
‎ramdam ko man ang panggigipuspos
‎at tiyan ay parang kinakalos
‎huwag lamang magutom nang lubos
‎kakain na lang pagbaba ng bus
‎
‎batid ko na ang ramdam na umis
‎nangyari na itong ilang beses
‎huwag lang magtae, magtitiis
‎tubig lang, iihi pag iibis
‎
‎salamat at nakaraos pa rin
‎sa pupuntahan ay nakarating
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.02.2026

Coda Lines

CODA LINES
‎
‎kailangan ko nang umuwi ng Barlig
‎para sa huling ritwal sa namayapà
‎kong asawa, yaring puso'y nasasabik
‎buti't may pamasaheng bahid ay luhà
‎
‎dinaluhan muna'y taunang Kalbaryo
‎ng desaparesido, at nang matapos,
tinungo'y Coda Lines, wala pa umano
‎gabi pa ang biyahe ng anim na bus
‎
‎bumalik ng bahay, nag-ayos ng gamit
‎nasa terminal alas-singko ng hapon
‎inagahan ko at baka makasingit
‎fully-booked na, chance passenger na lang doon
‎
‎nagpalista, bakasakaling tawagin
‎dumating ang unang bus, di nakasakay
‎sa pangalawa't pangatlong bus, di pa rin
‎at sa pang-apat na bus na nakasakay
‎
‎salamat, Coda Lines, nakabiyahe na
‎sampung oras ding doon ay nakaupô
‎umalis ng alas-nuwebe y medya
‎alas-siyete y medya nang tumayô
‎
‎doon sa Bontoc na ako nag-agahan
‎isang kanin, isang karne, isang gulay
‎kaymahal na rin, presyo'y dalawang daan
‎matapos, sa dyip puntang Barlig sumakay
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.02.2026

Miyerkules, Abril 1, 2026

Pagdalo sa 'Kalbaryo ng Kawalan ng Katarungan' ng FIND

PAGDALO SA 'KALBARYO NG KAWALAN NG KATARUNGAN' NG FIND
‎Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.
‎
‎Umaga ng unang araw ng Abril, dumalo muna ako sa Kalbaryo ng Kawalang Katarungan, isang aktibidad ng FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance) sa Bantayog ng mga Bayani.
‎
‎Nagsimula ang programa ng ikasampu ng umaga, kung saan binasa ang walong pahinang pampleto, na binasa sa harap ng apat na estatwa ng desaparesido na nilikhâ ni National Artist Toym Imao.
‎
‎Matapos ang programa, nagbigay kami ng repleksyon. Doon ay binigkas ko ang isang tulang kinathâ ko, na pinamagatang "Hustisya sa mga Desaparesidos":
‎
‎wala kaming puntod na titirikan ng kandila
‎hanggang ngayon, sa mahal namin ay nangungulila
‎sila'y aktibistang nagsikilos upang lumaya
‎mula sa pagsasamantala ang bayan at dukha
‎
‎inorganisa ang kababaihan, manggagawa
‎magsasaka, kabataang estudyante, ang madla
‎ang guro, manininda, abugado, mangingisda 
‎subalit sila'y dinukot, sinaktan, iwinala
‎
‎hinanap ng pamilya ang kanilang katauhan
‎nagtungo sa mga ospital, presinto, kulungan
‎nagbabakasakaling may bakas silang naiwan
‎sinong saksi, sinong maysala o may kagagawan
‎
‎sa paghahanap sa kanila'y di dapat mabagot
‎sa nangyaring pagkawala, sinong dapat managot 
‎krimen at pangyayaring ganito' y dapat malagot
‎mga naiwang katanungan ay dapat masagot
‎
‎hustisya'y aming sigaw, sa kampo, korte, kalsada
‎saanmang lugar, panawagan namin ay hustisya
‎mga desaparesidos sana'y matagpuan na
‎mga mahal naming iwinala, sana'y makita
‎
‎Matapos iyon ay isinagawa ang kasunod na aktibidad. Binitbit namin ang mga litrato ng mga desaparesido o yaong iwinala sa panahon ng Batas Militar. Ang napunta sa akin ay ang litrato nina Jessica Sales at Rizalina Ilagan. Tumayo kami paikot at binigkas ang mga pangalan sa kwadrong aming tangan, at sabay-sabay kaming sumagot ng 'Presente!'.
‎Matapos iyon ay nagpiktyuran kami sa plakard na ang nakasulat ay "Release Khurram Parvez Now!" na nakalagda ay AFAD (Asian Federation of Involuntary Disappearances). Si Parvez, taga-Kashmir, ang tagapangulo ng AFAD, na ikinulong dahil sa kanyang adbokasya sa karapatang pantao.
‎
‎Natapos ang programa bago mag-alas dose ng tanghali, at kami'y nagsikain na ng inihandang pananghalian. Maraming salamat sa FIND at AFAD!
‎
‎04.01.2026

Martes, Marso 31, 2026

Pamasahe ng ubanin

PAMASAHE NG UBANIN

‎kapag nagbayad ako ng bente
‎imbes ang sukli ko ay siyete
‎susuklian ako ng nuwebe
‎dapat pamasahe ko ay trese
‎akala senyor na kayâ onse

- gregoriovbituinjr.
03.31.2026

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:

Tulawit sa kababaihan

TULAWIT SA KABABAIHAN
‎
‎sina Maria Clara, Juli, at Sisa
‎ay imbento ni Rizal sa nobela,
‎Gabriela, Oriang, Liza, Lorena
‎babaeng tunay sa ating historya
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.31.2026
‎
‎* Gabriela Silang, Gregoria "Oriang" de Jesus, Liza Balando, Lorena Barros
* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: 

Lunes, Marso 30, 2026

Panonood ng 'Kababaihan ng Malolos' at 'History of the Underground'

PANONOOD NG 'KABABAIHAN NG MALOLOS' AT 'HISTORY OF THE UNDERGROUND'
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawa ang plano ko ng buong araw. Dumalo sa aktibidad na Kalbaryo ng Maralita ng Partido Lakas ng Masa (PLM). Ikalawa, manood ng mahahalagang dokumentaryong pangkasaysayan, ang 'Kababaihan ng Malolos' sa UP Film Center ng ika-11 ng umaga.

Ikawalo pa lang ng umaga uy umalis na ako ng Bahay upang daluhan ang unang aktibidad ng PLM sa tapat ng PCUP. Ma-trapik at nakarating ako sa PCUP bandang mag-iika-9 ng umaga. Wala sila. Baka nakaalis na. Sakay agad ako ng dyip puntang Quezon City Hall. Dumating ako ng Kalayaan ng ika-9:30. Nag-abang doon, wala pa sila sa tapat ng DHSUD, nag-almusal ng kanin at sitaw sa gilid na karinderya. Bumalik. Dinaanan ang DHSUD at NHA. Wala pa rin. Bandang ika-10:30 ay umalis na ako at naglakad patungong sakayan ng UP. Nakarating sa UP Film Center Videotheque ng 10:45. Tamang-tama.

Pinanood ko ang 'Kababaihan sa Malolos' na siyang alam kong nag-iisang palabas doon. Pinanood ko dahil nais kong mabatid pa ang hinggil sa kanila, bukod sa nilalaman ng liham ni Dr. Jose Rizal na pinamagatang "Sa Mga Kababaihan ng Malolos". Nasa isa't kalahating oras din ito.

Inisip kong abangan sa CHED ang Kalbaryo, subalit nakita kong may isa pang interesting na palabas ng alas-dos. Ang pamagat ay 'History of the Underground' ng ikalawa ng hapon. Kaya nagpasya akong panoorin iyon kaysa abangan ang Kalbaryo sa pagdaan nito sa CHED na di ko batid kung anong oras. Nag-aalangan akong pumunta. Dahil nga yaong naunang nakaiskedyul ay walang dumating.

Ikalawa kong pinanood ang "History of the Underground" kung saan ilan sa mga nakapanayam ay sina Joma Sison, Dodong Nemenzo, Princess Nemenzo, Ed Dela Torre, at marami pang iba, hinggil sa pagkakatayo ng isang rebolusyonaryong partido noong 1968. Dalawa't kalahating oras din ito. Pumasok ako ng alas-dos at nanood, at lumabas ng alas-singko, dahil matapos ang palabas ay nakipagtalakayan pa sa audience ang direktor na si Sari Dalena.

Napanood ko ang pagsisimula ng Sari Dalena Retrospective sa buong Marso, ang "Memoirs of a Forgotten War" at ang "Cinemartyrs". At itong huli kong dalawang napanood ay ito ngang "Kababaihan sa Malolos" at ang "History of the Underground".

kaysarap manood ng paksang kasaysayan
na marami'y di mo nabasa sa aklatan
o kung nabasa man, detalye'y kaliitan
kaya di mo manamnam at di nasarapan

ngunit sa dalawang nasabing pelikula
ay magkakainteres ka pagkat maganda
kaya mga ito'y sinadya ko talaga
upang masaksihan at ako'y matuto pa

03.30.2026

Sakaling mawalâ ang tulâ

SAKALING MAWALÂ ANG TULÂ
‎
‎darating din ang panahong mawawalâ ang tulâ
‎ng makatang taring na itinutulâ ang dukhâ
‎tumitindi ang nakaambang panganib ng digmâ
habang nadudungisan ang dangal ng maralitâ
‎
‎mga nalathalang tula'y tulay ko sa pangarap
‎na payapang bansa't mundo, dukha'y di naghihirap
‎na karapatang pantao't hustisya na'y malasap
‎ganyan pa ngayon ang makatang taring kung mangusap
‎
‎oo, pagkawala niring mga tula'y darating
‎kung ako'y mamatay na't mga tulâ ko'y sunugin
"subersibo", makapangyarihan ay sasabihin
"filibustero" ang tawag ng gobyerno sa akin

pag nawalâ ang tulâ, ang makata'y isinumpà
ng mga balakyot at kurakot na pinagpalà
at ang buong buhay kong pinaghirapang makathâ
hinggil sa manggagawa't dukha'y mababalewalâ

- gregoriovbituinjr.
03.30.2026

Linggo, Marso 29, 2026

Malunggay dyus

MALUNGGAY DYUS

mga dahon at tangkay
ng biniling malunggay
ay inilaga natin
upang maging inumin

pampalakas daw naman
nitong pangangatawan
pag ininom mo ito
lulusog kang totoo

pamamaraang simple
inumin araw-gabi
blood sugar ay bababa
kolesterol, bababa

panlaban sa impeksyon
pati sa konstipasyon
pampaganda ng balat
sa malunggay, salamat

- gregoriovbituinjr.
03.29.2026

Sa dyip

SA DYIP
‎
‎kapag nagbayad ako ng bente
‎imbes ang sukli ko ay siyete
‎susuklian ako ng nuwebe
‎dapat pamasahe ko ay trese
‎akala senyor na kayâ onse
‎
‎buhok ko kasi'y kayraming uban
‎at akin na lang hinahayaan
‎kung ang pagtingin na nila'y ganyan
‎mukhâ na akong senyor kung masdan
‎may JR. man sa aking pangalan
‎
‎talagang kaybilis ng panahon
‎hirap man, matatag pa rin ngayon
‎di tulad ng palaka sa balon
‎kundi kalabaw, nakakaahon
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.29.2026

Narinig lang po

NARINIG LANG PO
‎
‎minsan, narinig kong isang kasama'y nagsalitâ:
‎"Bantayan n'yo si Greg, pagkat mga isyu ng dukhâ
‎at lipuna'y sinusuri't ginagawan ng tulâ
‎at madalas ay agad niyang inilalathalà."
‎
‎papuri ba iyon o birò kung tulâ ang pakay
‎ng inyong lingkod na karamihan kong tula'y tulay
‎sa masa, lalo't samutsari'y pinapaksang tunay
‎tulang produkto ng haraya't palagiang nilay
‎
‎hindi na lang ako nagsalitâ at nagkomento
‎dahil ako'y humahabi noon ng isang kwento
‎wala rin naman akong narinig na negatibo
‎kundi pagpaalala sa laging ginagawâ ko
‎
‎kayâ tangi kong masasabi: "maraming salamat!"
‎kahit tula'y nakabartolina sa tugma't sukat 
‎ay naririto pa ring patuloy sa pagsusulat
‎tula't kwento'y bahagi't paraan ng pagmumulat
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.29.2026

Awit sa kapayapaan

AWIT SA KAPAYAPAAN

Inawit noon ni John Lennon:
"All we are saying is give peace a chance."
Inaawit ko naman ngayon:
"Ang nais natin, kapayapaan!"

- gregoriovbituinjr.
03.29.2026

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: 

Sabado, Marso 28, 2026

Krisis sa klima at panawagang Wealth Tax

‎KRISIS SA KLIMA AT PANAWAGANG WEALTH TAX
‎
‎kaytinding epekto ng klima at polusyon
‎may mga bagyo, bahâ, init ng panahon
‎nawawasak ang kalikasan, may korapsyon
‎sa mga flood control projects, di biro iyon
‎
‎pag-unlad ba pag wasak na ang kalikasan
‎dahil sa mga coal plants at mga minahan
‎ang biglaang pagkasunog ng talahiban
‎apektado'y kalusugan ng mamamayan
‎
‎sobrang init, sobrang lamig, pabago-bago
‎ang klima, anong dapat gawin ng gobyerno?
‎ayuda ba'y sapat ipantulong sa tao?
‎pa'no kung sa kurakot napunta ang pondo 
‎
‎epekto sa kabuhayan, kaytinding gutom
‎may gagawin tayong makabuluhan ngayon
‎palagdaan sa bayan ang ating petisyon
‎ang "Asian People's Petition for Wealth Taxation"
‎
‎mga pondong dagdag, sa Wealth Tax dapat kunin
‎upang ipantulong sa mamamayan natin
‎sa nasalanta sa kalamidad sa atin
‎buwisan ang bilyonaryo ang ating hiling
‎
‎dapat nang buwisan ang mga mayayaman!
‎"Wealth tax, ngayon na!" ang sigaw ng sambayanan
‎sama-sama tayong petisyon ay lagdaan
‎wealth tax na! mga bilyonaryo na'y buwisan
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.28.2026
‎
‎* kinathâ at binigkas bilang ulat ng Group 1 (epekto sa nasalanta ng bagyo, bahâ, polusyon, atbp.) sa workshop at talakayan hinggil sa Wealth Tax

Ang LPG at ang Wealth Tax

ANG LPG AT ANG WEALTH TAX
‎
‎presyo ng LPG na'y sisirit
‎kada tangke, one thousand five hundred
‎mga mamamayang nagbuBUWIS
‎ay talaga ngang mabuBUWISit
‎
‎dagdag pahirap na sa pamilya
‎ang pagkain ba'y titipirin na
‎sa nangyayaring ito sa masa
‎ay di na sasapat ang ayuda
‎
‎dapat buwisan ang bilyonaryo
‎at di ang mga dukha't obrero
‎panawagan iyan sa gobyerno
‎"Wealth Tax, ngayon na!" sigaw ng tao
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.28.2026
‎
‎* litrato mulâ sa pahayagang Pang-Masa, Marso 28, 2026
‎* kinathâ at binigkas ang tulâ habang dumadalo sa talakayan sa Wealth Tax

‎Sapul ng editorial cartoon

‎SAPUL NG EDITORIAL CARTOON
‎
‎sapul ng editorial cartoon
‎ang pulso ng madlâ 
‎pati na pusâ ay tumugon
‎kaytalim ng diwà
‎
‎ngunit ating mauunawaan
‎ang kanyang trabaho
‎upang di mag-panic ang bayan
‎upang di gumulo
‎
‎subalit ramdam naman natin
‎yaong nangyayari 
‎kaytaas ng mga bilihin
‎sinong masisisi
‎
‎ngunit may patamà ang pusà
‎bansa'y paraiso
‎pag sila raw ay nagsalitâ
ito ba'y totoo?
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.28.2026
‎
‎* litrato mulâ sa pahayagang Bulgar, Marso 28, 2026

Trabaho kong maghabi ng salitâ

‎TRABAHO KONG MAGHABI NG SALITÂ
‎
‎bilang manunulat, bilang makatâ
‎trabaho kong maghabi ng salitâ
‎isyu'y ipinararating sa madlâ
‎mga inakda'y inilalathalà
‎
‎madalas, kinakatha'y kwento't tulâ
‎minsan naman, lilikhâ ng pabulâ
‎nobela nama'y pangarap maakdâ
‎sa pahayagan ay nangangasiwa
‎
‎tutula't tutulâ kahit tulalâ
‎nais kong bawat araw ay may tulâ
‎at sana'y maisaaklat ang akdâ
‎na sana'y mapagkaperahang lubhâ
‎
‎trabaho kong kumathâ ng kumathâ
‎mangalap ng mga isyu't balità
‎kinakatas anumang nasa diwà
‎ganyan ang sa araw at gabi'y gawâ
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.28.2026
‎
‎* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Salamat sa saging at itlog

SALAMAT SA SAGING AT ITLOG

matapos ang Kalbaryo ng Maralita
ay pinabaunan ng saging at itlog
di nakain sa rali, inuwing sadya
pagkain ngayong umaga at nabusog

salamat sa kasamang nagbigay niyon
na dapat ay kahapon ko pa kinain
salamat at ako'y may almusal ngayon
ako'y pinalakas ng itlog at saging

buti't naalalang nakalagay sa bag
kaya daga'y walang makain kagabi
inilagay agad sa ref ng magdamag
bagamat may pusa, di siya mahuli

at muli, salamat sa mga kasama
talagang kasangga sa pakikibaka

- gregoriovbituinjr.
03.28.2026

Biyernes, Marso 27, 2026

Kalbaryo at protesta ng maralita

KALBARYO AT PROTESTA NG MARALITA

nataon sa panlabintatlong Biyernes ng taon
ang Kalbaryo ng Maralita, isang aktibidad
na sama-sama ng iba't ibang organisasyon
naglakad hanggang sa aming marating ang Mendiola

prinotesta ang mandarambong sa kaban ng bayan
tinuligsa'y gobyernong nagtatakip sa kawatan
prinotesta ang pamamayagpag ng dinastiya
tinuligsa ang yumurak sa dignidad ng masa

prinotesta ang kalbaryo ng mga demolisyon
tinuligsa ang laksang bayarin sa relokasyon
prinotesta'y palpak na kalakaran sa pabahay
tinuligsa ang kawalang katarungan sa buhay

prinotesta'y imperyalismo't kanilang imperyo
tinuligsa dahil masa'y dinala sa impyerno
prinotesta ang mga panggigiyera ng U.S.
tinuligsa pati pagtaas ng presyo ng langis

kalbaryo'y dama ng masa, di lang ng maralitâ
kalbaryo rin ang mga kurakot na pinagpalà
kalbaryo ang giyerang nilunsad ng mga hangal
kalbaryong baka magdulo sa giyera mundiyal

- gregoriovbituinjr.
03.27.2026

* salamat sa mga kumuha ng litrato

DRAWER o REWARD?

DRAWER O REWARD?
‎
‎baligtaran pag binasa
‎yaong dalawang salitâ
‎wastong sagot ay DRAWER ba?
‎o REWARD kayâ ang tamâ?
‎
‎goal-setting word ba ang DRAWER?
‎o mas goal-setting ay REWARD?
‎kung gamit sa opis, DRAWER
‎kung nais maabot, REWARD
‎
‎larong Word Shatter sa selpon
‎ay sadyang nakawiwili
‎parang salita'y palindrome
‎y'ung pamagat nito, pwede
‎
‎salamat, may ganyang larô
‎na sa diwa'y ehersisyo
‎at sa pagod mo'y susugpô
‎larong magugustuhan mo
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.27.2026

Huwebes, Marso 26, 2026

Sa paglubog ng araw

‎SA PAGLUBOG NG ARAW
‎
‎sa paglubog ng araw, kami'y liwanag sa gabi
‎huwag ituring na malamlam na ilaw sa poste
‎kahit inuuban na, kami pa rin ay may silbi
‎upang labanan ang mga kurakot at salbahe
‎
‎matikas pa rin kami pag kumilos o gumalaw
‎mga panawagan ay kaya pa naming isigaw
matatag, kahit kain lang ay sampung pisong lugaw
‎nagsisilbi sa masa, maghapon man ay kaypanglaw
‎
‎mabuhay ang mga tulad kong tibak na may uban
‎pagpupugay sa lahat ng mandirigmang Spartan 
‎pagkilos nami'y di mapipigil ng katandaan
‎tungong pinapangarap na makataong lipunan
‎
‎araw na'y palubog, may uban na ang aming buhok
subalit umiiral pa rin ang sistemang bulok,
‎dinastiya, kurakot, mandarambong, trapong bugok
‎patuloy kaming kikilos upang sila'y ilugmok
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.26.2026